Mga Dahilan ng Poot ng Diyos, Ika-1 Bahagi
Roma 1:19-21

Panimula


A. Hindi Tinatanggap

1. May mga nangangaral ngayon na di na raw kailangang magpahayag ng mabuting balita sa mga tao, dahil lahat naman ay ligtas na. Ang paniniwalang ito ay tinatawag na universalism.

2. Dahil nga ang Diyos daw ay pag-ibig, hindi Niya maaaring parusahan ang mga tao patungo sa walang hanggang impyerno.

B. Inilarawan

1. Ni Jesus

a. Mateo 9:37b-38 --- "Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang anihin."

b. Ano kayang anihin ang pinapatungkulan ni Jesus? Anihin ng paghahatol. Kaya’t sinabi Niyang manalangin tayo na magpadala pa ang Diyos ng mga manggagawa na maghahayag ng mabuting balita sa mga tao tiyak nang patungo sa kapahamakan.

c. Sa katunayan, si Jesus ang may pinakamaraming nasabi tungkol sa impyerno sa buong Biblia.

2. Ni Pablo

a. 2 Corinto 5:11a --- "Dahil sa alam kong nararapat tayong matakot sa Panginoon, sinisikap kong hikayatin ang mga tao na manumbalik sa Kanya."

b. Takot saan kaya ang tinutukoy ni Pablo na siyang nararapat na mag-udyok sa atin upang ipahayag ang mabuting balita? Sa paghahatol ng Diyos!

C. Ipinakita

1. Ng mga dakilang tao ng Diyos

a. John Knox --- habang nanalangin para sa mga tao sa Scotland ay sinabi niya, "Ibigay Mo sa akin ang Scotland o ako'y mamamatay…"

b. Hudson Taylor --- umiyak siya sa Diyos at sinabi, "Nararamdaman kong hindi ako mabubuhay kung hindi ako kikilos para sa mga naliligaw na kaluluwa sa Tsina."

c. Robert Arthington --- dahil hindi siya makapaglakbay sa ibayong dagat, binigyang kakayahan naman niya ang iba na maabot ang mga naligaw na kaluluwa, sa pamumuhay na parang mahirap. Sinulat niya, "Ikinagagalak kong mahiga sa sahig, upuan ang karton, at gawing aking lamesa ang iba pang karton, kaysa may mga taong mamatay na hindi nakikila si Cristo."

d. Nauunawaan ng mga taong ito ang kahulugan ng kamatayang wala sa kanilang buhay ang Diyos at si Cristo. Ito nga ang punto ni Pablo sa Roma 1:18, "Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan nga mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan."

2. Ng mga sumasamba sa diyus-diyusan

a. Ayon sa 1 Samuel 4-6, naunawaan ng mga Pilisteo na may karapatan ang Diyos ng Israel na mapoot at hatulan sila.

b. Sa panahong ito, ang mga Israelita ay hindi na nagbibigay pansin sa kanilang Diyos. May mga rituwal pa sila ng sakripisyo ngunit wala na itong kabuluhan sa kanilang mga puso.

c. Natatalo na ng mga Pilisteo ang Israel, sila’y matagal na nilang kaaway, kaya't pinakuha nila sa Silo ang Kaban ng Tipan (Ark of the Covenant) na sa kanilang paniniwala ay doon daw nananahan ang presensya ng Diyos.

d. Dahil sa ayaw nang matalo uli ng Israel, gagamitin nila ang presensya ng Diyos na nasa kaban ng Tipan upang makaranas ng pagwagi sa digmaan. Sa mga pagano, ang turing nila rito’y isa lamang sa mga diyus-diyusan; ngunit sa mga Israelita nasa kanila ang presensya ng Diyos kasi nasa kanila ang kaban! Basahin ang 1 Sam 4:5.

e. Tingnan natin ang naging tugon ng mga Pilisteo (mga taong sumasamba sa diyus-diyosan)…

1) May naalala sila (1 Samuel 4:6-8a)

a) Narinig nila ang pagsisigawan sa kampo ng Israel, kaya't kinabahan sila;

b) Naalala nila ang kapangyarihan ng Diyos na ito sa bayan ng Ehipto (4:8b).

2) Nagbago ang isip nila at lumusob pa rin…

a) Nag-usapusap muna sila at pagkatapos ay itinuloy pa rin nila ang paglusob sa kampo ng Israel at sila'y nagwagi at napatay nila ang 30,000 Israelita---at naagaw nila ang kaban ng Tipan!

b) Teka! Baligtad yata? Dapat ay nanalo ang mga Israelita, dahil nasa kanila ang presensya ng Diyos!
- subalit ano kayang mangyayari sa mga Pilisteo ngayong nasa kanila na ang presensya ng Diyos?

3) Ang ganting parusa (1 Samuel 5:2-6)

a) Ang kaban ay dinala sa lungsod ng Ashdod at inilagay sa templo ng isa nilang diyus-diyosan—si Dagon.

b) Hindi pinayagan ng tunay na Diyos na nakatindig ang idolo ni Dagon sa harapan ng Kanyang kaban (arko).

c) Binigyan ng Diyos ng salot mula sa mga daga ang mga Pilisteo at ang iba'y nagkabukol-bukol sa katawan.

4) Maliwanag na alam ng mga Pilisteo sa Asdod kung saan galing ang salot na ito (1 Samuel 5:7b-12)

a) Kaya't ipinadala nila sa lungsod ng Gat ang kaban ng Tipan;

b) At ganoon din ang nangyaring salot sa kanila.

f. Kanilang pagsisisi

1) 1 Samuel 6:3a --- inamin nila ang kanilang kasalanan.

D. Marapat na Parusa

1. Ang tanong siguro ay: Paano mapapanagot ng Diyos ang tao sa kanyang kasalanan? Paanong mapapawalang sala ang Diyos sa paghatol sa mga taong hindi naman nakaalam sa katotohanang may Diyos?

2. Tandaan natin --- hindi humahatol ang Diyos ng hindi ito karapat-dapat.

Pagtalakay


* Unang dahilan ng poot ng Diyos…

I. Kapahayagan ng Diyos (Revelation) --- tt. 19-20

A. Naibigay na sa Tao ang Kapahayagan (t. 19)

1. Nagbigay ang Diyos sa tao ng pagkaalam na may Diyos at iyan ang isa sa dahilan kung bakit marapat na mapoot ang Diyos sa tao.

a. Kinilala ng mga Pilisteo ang kapangyarihan ng Diyos, tulad din ng mga taga-Canaan at Ehipto, at lahat ng uri ng tao na nabuhay sa mundo.

b. Ang mga sutil na nagtindig ng Tore ng Babel ay nakita at kinilala ang kadakilaan ng Diyos, at ganito rin ang pagkakilala ng mga masasamang tao sa Sodom at Gomorrah.

c. Ang lahat ng tao ay may nalalaman kahit paano sa katunayan at katotohanan ng Diyos. Kaya naman sila’y pinapanagot na tumugon ng nararapat sa kapahayagang iyan. Kaya’t wala silang maidadahilan (t. 20).

2. Dahil sa katigasan ng ulo ng tao, siya’y hindi makapaniwala sa Diyos.

a. Hindi dahil wala siyang nalalaman tungkol sa Diyos kundi dahil siya’y matigas ang puso. Basahin ang Roma 1:28, 32; 2:15; Efeso 2:12.

b. Nagpatotoo si Pablo sa t. 18 na ang likas na gagawin ng tao ay supilin ang katotohanan na may Diyos. Kaya’t walang sinumang tao na may kusang-loob na lumapit o hanapin ang Diyos.

c. Ngunit, hindi hinayaan ng Diyos na magkusa pa ang tao na kilalanin Siya dahil inihayag na Niya ang Kanyang sarili sa tao, at patuloy na inihahayag, ayon sa Kanyang nakapangyayaring kalooban.

d. Kaya nga sinasabi ni Pablo na walang sinuman na maaaring magdahilan na wala siyang nalalaman tungkol sa Diyos, kung gayon, wala siyang karapatang sabihin na hindi makatarungan ang poot ng Diyos sa kanya.

3. Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos, liban sa kapahayagan ng Kasulatan, ay ipinaalam ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha.

a. Ano ang sinabi ni Pablo habang naglilingkod siya noon sa Listra (Gawa 14:15-17)? Ang kabutihan ng buhay ay nagpapatunay na may mabuting Diyos na nagkakaloob nito.

b. Ganoon din ang tinalakay niya sa mga pilosopo sa bulubundukin ng Marso sa Atenas (Gawa 17:23-28).

1) Hawak ng Diyos ang mga bansa, ang kanilang mga hangganan, at kanilang kinabukasan.

2) Hawak din Niya ang panahon, takbo ng klima at bawat aspeto ng langit at lupa. 3) Higit pang kahanga-hanga, nang dahil sa Kanyang kagandahang-loob, ay pinili Niyang maghayag ng Sarili at maging madaling malapitan ng tao.

c. Iyan din ang pinatutungkulan ng apostol Juan sa Juan 1:9. Ang ilaw na tumatanglaw ay hindi tungkol sa kaligtasan ng tao kundi kaalaman ng tao sa Diyos, dahil ipinakikilala Niya ang sarili sa pamamagitan ng Kanyang nilikha. Kaya naman, ang bawat tao ay may pananagutan na tumugon sa Kanya ng may pananampalataya.

d. Ito nga ang dahilan kung bakit naibubuhos ng Diyos ang Kanyang poot at mapanatili ang Kanyang pag-ibig at katarungan dahil binigyan ng Diyos ang buong sangkatauhan ng pagkakataon na makilala Siya.

B. Ang Nilalaman ng Kapahayagan (t. 20)
* Ano nga ba ang maaaring malaman ng tao tungkol sa katangian ng Diyos na inihahayag ng Kanyang nilikhang kalikasan?

1. Ang mga katangian na maaaring mapansin ng tao sa pamamagitan ng karaniwang pandama ay ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagkadiyos (divine nature).

a. Ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos ay tumutukoy sa walang makapipigil na kalakasan at kapangyarihan Niya na makikita sa Kanyang mga nilikha at siya ring kapangyarihan ang ginamit upang mabuo ito at patuloy na ginagamit upang mapanatili ito.

b. Ang Kanyang pagkadiyos naman ay tumutukoy sa Kanyang katangian ng kabaitan at kagandahang-loob. Paano ito ipinaliwanag ni Pablo sa mga taga-Listra sa Gawa 14:17?

2. Hindi naman mahirap hanapin o kaya’y hind naman itinago ng Diyos ang kapahayagang ito para pakinabangan lamang ng iilang pinili. Nagpakilala Siya ng maliwanag sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa Niya.

a. Kahit noong panahon na wala pang mga mikroskopo at teleskopyo, hayag na ang kadakilaan ng Diyos sa laki at lawak at pati sa kaliit-liitang detalye ng kalikasan.

b. Tingnan lamang ng tao ang mga bituin at tiyak na madidiskubure nila na may tiyak itong tinatahak na pag-ikot sa kalawakan.

c. Madaling mapapansin kung paanong ang isang butil ay lumalaki at lumalagong kasintulad ng malaking puno na pinagmulan nito.

d. Nakikita naman nila ang kahanga-hangang pagbabago ng klima ayon sa takdang panahon ng tagyelo at tag-ulan.

e. Naging saksi rin sila sa hiwaga ng pagsisilang ng tao at ang kaluwalhatian ng pagsikat at paglubog ng araw.

f. Marapat lamang ang pahayag ni David sa Awit 19:1, “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!”

3. Mga katotohanan ng kalikasan na nahahayag ang kapangyarihan at katangian ng Diyos.

a. Alam nyo bang may mga uri ng ibon na nakapaglalayag sa pamamagitan ng mga bituin? Kahit na sila’y pinalaki sa loob ng isang gusaling walang mga bintana, kapag napakitaan ng isang artipisyal na langit ay agad nilang natutukoy kung saang direksyon ang kanilang pandarayuhan (migration).

b. May isda na ang tawag ay archerfish na kayang bumato ng mga butil ng tubig mula sa kanilang bibig at eksaktong makasasapol ng mga insektong gusto nilang hulihin at kainin.

c. Anumang oras ngayon ay mayroong 1,800 na mga bagyo sa buong daigdig at ang enerhiya na kakailanganin upang mapakilos ang mga ito ay 1,300,000,000 horsepower.

d. Sa isang bagyo na magbabagsak ng 4 na pulgada ng ulan sa lawak na 10,000 milya kuwadrado ay mangangailangan ng 640,000,000 na tonelada ng uling para mapasingaw at maging ulan; para mapalamig ito uli at maipon sa kaulapan ay mangangailangan ng 800,000,000 horsepower na kailangang umaandar araw-gabi sa loob ng 100 araw.

4. Liban lamang sa isang taong sarado na ang isip sa walang-dudang katibayan, hindi natin maubos-maisip na ang ganito katinding kapangyarihan, dtalye, at kaayusan ay maaaring mabuo sa anumang paraan kundi sa disenyo lamang ng isang Diyos na naghahari sa buong sansinukob.

a. Pati nga ang pagano ay maaaring sumang-ayon sa sinasabi ng Awit 94:9, “Itong Diyos na lumikha nitong ating mata’t tainga, akala ba ninyo’y bingi at di makakita?” Ibig sabihin, kung tayo nga ay nakaririnig sa pamamagitan ng ating tainga, tiyak na kung sinuman ang lumikha sa atin ay naiitindihan kung ano pakikinig at pagkakakita.

5. Nahahatulan ang tao at napupunta sa impyerno hindi dahil sa hindi sila namumuhay sa liwanag na inihahayag ng sansinukob, kundi dahil sa kanilang patuloy na katigasan ng ulo ang nagdadala sa kanilang tanggihan si Jesu-Cristo.

a. Sabi ni Jesus tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu, “Pagdating Niya ay Kanyang patutunayan sa mga tao sa sanlibutan na mali ang pagkilala nila kasalanan, at ipakikilala Niya kung ano ang matuwid, at kung ano ang kahatulan. Mali sila tungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila nanalig sa Akin.”

b. Ngunit kung ang isang tao ay mamuhay na ayon doon sa katotohanan nahayag sa kanya, magbibigay ang Diyos ng pagkakataon na mapakinggan niya ang Mabuting Balita.

1) Basahin ang Ezekiel 33:11
2) 2 Pedro 3:9
3) Jeremiah 29:13

c. Halimbawa ng mga taong naghangad na makilala ang Diyos ayon doon sa katotohanan ng kalikasan na naihayag na sa kanila.

1) Ang Etiopeng eunuko – Gawa 8:26-39
2) Si Cornelio – Gawa 10:2, 44, 48
3) Si Lydia – Gawa 16:14

* Ikalawang dahilan ng poot ng Diyos…

II. Ang Pagtanggi ng Tao (t. 21)

A. Kalikasan ng Tao na Tanggihan ang Diyos

1. Kahit na may likas na kamalayan ang tao na may Diyos at Siya’y makapangyarihan, ganoon din may likas na kasamaan sa kanya upang tanggihan ang kaalamang ito.

a. Ano ang sinasabi ng 2 Timoteo 3:13?

b. Ano naman ang paalala ni Pablo sa atin noong tayo’y di pa mga mananampalataya? [Tito 3:3]

c. Sabi nga ng isang evolutionist, “Hindi ko matanggap na may Diyos, kaya’t ano pa ang nalalabi sa akin kundi ang ebolusyon?”

1) Maliwanag na inaamin niya na hindi ang ebidensya ng ebolusyon ang nakakumbinsi sa kanya upang hindi maniwalang may Diyos, kundi ang kanyang likas na di paniniwala ang nagtulak sa kanyang yakapin ang ebolusyon.

2. Sinabi ito ni Dr. Donald Grey Barnhouse,
    “Will God give man brains to see these things and will man then fail to exercise his will toward that God? The sorrowful answer is that both of these things are true. God will give a man brains to smelt iron and make a hammer head and nails. God will grow a tree and give man strength to cut it down and brains to fashion a hammer handle from its wood. And when man has the hammer and the nails, God will put out His hand and let man drive nails through it and place Him on a cross in the supreme demonstration that men are without excuse.” (Romans, vol. 1 [Grand Rapids: Eerdmans, 1953], p. 245)

a. Sa madaling salita, isang kabalintunaan na mismong mga bagay na nilikha ng Diyos upang maakit na kilalanin Siya ng tao, ang siya ring mga bagay na gagamitin ng tao upang ipako ang Kanyang Anak sa krus!

B. Mga Pagtanggi ng Tao

1. Ang hindi kilalanin at bigyang karangalan ang Diyos: ito ang pinakamalalang krimen ng tao!

a. Ito rin ang pinaka-ugat ng kasalanan ng kapalaluan o kayabangan.

b. Ginamit dito ang doxazo, na nangangahulugan ng “paggalang”, at ang mas nararapat na salin ay “parangal”

1) Ang parangalan ang Diyos ay ang dakilain Siya, kilalanin Siya bilang may pinakamataas na karapatan upang galangin, at kilalanin din ang Kanyang mga katangiang makadiyos.

2) Hindi natin mapararangalan ang Diyos sa pagdagdag sa Kanyang kaperpektuhan, kundi sa pagpupuri sa Kanyang kaperpektuhan! Napaparangalan natin Siya sa pagpupuri natin sa Kanyang karangalan!

c. Sinabi ng Kasulatan tungkol sa Kanyang karangalan

1) Awit 29:1-2
2) 1 Corinto 10:31
3) Pahayag 4:11
4) Sinasabi ng Westminster Shorter Catechism: nilikha ang tao upang parangalan ang Diyos -- Levitico. 10:3; 1 Kronika 16:24-29; Awit 148; Roma 15:5-6.Z

2. Mga talaan ng pagtanggi ng tao

a. Sa nakalipas

1) Ang karangalan ng Diyos doon sa Hardin

a) Nahayag – Genesis 2
Nagpakita ng kaluwalhatian (shekinah) ang Diyos kay Adan at Eva. Sa simula ay tanggap at kilala nila ang luwalhati ng Diyos habang sila’y nakakikipag-ugnayan sa Kanya, subalit hindi naglaon sila ay nagkasala ng rebelyon sa utos ng Diyos.

b) Tinanggihan – Genesis 3
Inutusan sila na huwag kakainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng masama at mabuti. Hiningi ng Diyos ang kanilang pagsunod at pagbibigay parangal sa Kanya. Ngunit napalinlang sila kay Satanas na suwayin ang utos ng Diyos at sila’y naging “parang Diyos.” Hinangad nila ang sariling parangal at iyan nga ang sinasani ni Pablo sa Roma 1:21a.

c) Mga tanong: Masasabi mo ba na may maidadahilan si Adan kung siya’y hahatulan?
Wala! Dahil alam niya kung paano makilala at maunawaan ang Diyos, maaari siyang makasunod; si Adan at Eva ay pinalayas sa hardin ng Eden dahil pinili na nilang talikuran ang kanyang kaalaman sa Diyos.

d) Winasak ba ng Diyos ang lahat at muli Siyang nagsimula mula sa wala? Hindi. Minabuti ng Diyos na hagilapin ang nagkasalang tao, yayaing manumbalik sa Kanya. Kaya’t muli’y hinangad ng Diyos na mahayag ang Kanyang karangalan sa ganitong plano.

2) Ang Luwalhati ng Diyos sa Ilang
Pinili ng Diyos na ihayag ang Kanyang karangalan sa bayan ng Israel na Kanyang dinisenyo ayon sa Kanyang espesyal na layunin (Exodo 19:4-6; Deutoronomio 7:6-11; Isaais 43:7; 44:23).

a) Nahayag -- Exodo 33-34
Pinalaya ng Diyos ang Israel sa pagkakasakop sa Ehipto ayon sa Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ni Moises. Dahil matinding bigat ng pananagutan na nakaatang sa kanyang balikat, hiniling ni Moises na pakitaan siya ng Diyos ng Kanyang kaluwalhatian upang mapalakas ang kanyang loob at ito’y pinagbigyan ng Diyos. Basahin ang Exodo 33:19; cf. 34:5-7.

b) Tinanggihan – Exodo, Mga Bilang
Tinanggihan pa rin ng Israel na bigyang parangal ang Diyos kahit na iniligtas sila mula sa Ehipto, araw-araw Siyang nagpapakain sa kanila --- sila’y laging nagrereklamo at lumalaban sa Diyos at sa kanilang pinunong si Moises. Kitang-kita rin nila ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng makapal na ulap sa araw at haligi ng apoy sa gabi, ngunit nagsitigasan ang mga ulo ng mga Israelita, kaya’t lahat ng lahing iyon ay nangamatay sa ilang at di na nakapasok sa lupang ipinangako (Hebreo 3:8-11, 16-19).

3) Ang luwalhati ng Diyos sa Templo

a) Nahayag - 1 Hari 8:10-11, 13
Tama ba si Solomon? Hindi, dahil tinanggihan ng Israel na parangalan ang Diyos!

b) Tinanggihan -- Ezekiel 8
Pinakitaan ng Diyos si Ezekiel ng pangitain ng mga mangyayaring paglapastangan na magaganap sa Templo ng Jerusalem upang mapawalang-sala ang Sarili sa kanyang pagpataw ng kaparusahan.

i) pagsamba sa diyus-diyusan (Ezekiel 8:4-6_
ii) pagsamba sa mga hayup (t. 7-12)
iii) pagsamba kay Tammuz (t. 13-14)
iv) pagsamba sa araw (t. 15-18)

Dahil sa mga paglapastangang ito, inalis ng Diyos ang Kanyang presensya saT emplo.

4) Ang kaluwalhatian ng Anak ng Diyos

a) Inihayag – Juan 1:14
Ano ang ibig sabihin ng salitang “nanirahan”? [tabernacled) Ang tabernakulo ang siyang pinananahanan ng kaluwahatian ng Diyos doon sa Lumang Tipan. Ito ngayon ay inihahayag sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng tabernakulo ng Anak ng Diyos. Sa katunayan, di ba’t nakita ng 3 alagad ni Cristo ang pagbabagong-wangis ng Panginoon sa bundok? (Lukas 9:27-36 cf. 2 Pedro 1:15-18).

b) Tinanggihan -- Juan 1:10-11
Totoo na may mga tumanggap sa Kanya at sa buong kasaysayan palaging may mga iilang matapat na pinaparangalan ang Diyos; ngunit karamihan ng tao ay tinanggihan Siya at sumigaw na “Patayin Siya! Patayin! Ipako sa krus!… Wala kaming hari kundi ang Cesar!” (Juan 19:15; cf. Mateo 21:33-46; Lukas 19:11-27).

b. Sa hinaharap

1) Tingnan natin ang Mateo 24:29-30

2) Nakikita ba ninyo ang sinasabi ni Mateo? Tiyak ang pagdilim ng lahat ng liwanag at pagkatapos nito ay darating ang matinding liwanag at kaluwalhatian ng Diyos na pupuno sa buong kaharian ng Diyos (Isaias 60:1-3, 19-21; Pahayag 22:5).

c. Sa kasalukuyan

1) Inihahayag ngayon ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian sa daigdig. Sa paanong paraan? Basahin ang Colosas 1:27.

2) Tayo na mga mananamplataya ang luningning ang kaluwalhatian ni Cristo sa daigdig ngayon. Kaya nga ayaw ng sanlibutan na makinig din sa ating ipinahahayag tungkol kay Cristo.

C. Ang Kinalabasan ng Pagtanggi (Roma 1:21)

1. Kawalan ng Pasasalamat (t. 21a)

a. Sa madaling salita, sa kayabangan ng tao hindi sila makapagpasalamat.

b. Ang pinamatinding kabiguan ng tao ay ang pagtanggi niyang parangalan ang Diyos at hindi ang Siya’y makilala.

c. Dahil nga ayaw niyang tanggapin na Diyos ang pinagmumulan ng lahat, ayaw niyang pasalamatan ang Diyos --- at ang hindi Siya pasalamatan ay kalapastanganan!

2. Kawalan ng Kabuluhan

a. Sa madaling salita, kapag tinatanggihan ng tao ang kapahayagan ng Diyos, ang kanilang mga kaisipan at mga makasariling pangangatuwiran ay nagiging walang kabuluhan at walang saysay.

b. At dahil nga nagkaroon ng espirituwal na kawalan ng laman, pumasok na ang kadiliman at kabuktutan na bumabaha sa kanilang mga hangal na puso.

c. Dahil tinanggihan ng tao ang katotohanang inihahayag ng Diyos, para silang mga bulag ngayon na hindi mahanap ang Kanyang katotohanan. Basahin ang mga sinabi ni Jesus sa Juan 8:45, 47; 9:39-41

d. Kaya naman ipinaliwanag ni Pablo ang tunay na kalagayan ng tao sa 1 Corinto 2:14.

Pagtatapos

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa Komentaryo ni Dr. John MacArthur, Jr.)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.