Ang Mabuting Balita ni Cristo
Roma 1:16-17
Panimula
- Nakuha ni Pablo ang pansin ng kanyang mga mambabasa at ipinaliwanag niya ang pakay ng kanyang pagsulat; ngayon naman ay kanyang ibibigay ang pinakapaksa nito.
- Nasa dalawang talatang ito nakapaloob ang mga nakapagpapabagong katotohahan na naibigay ng Diyos sa kamay ng tao.
- Ang mga talatang ito'y siyang kabuuan ng mabuting balita ni Jesu-Cristo, at lalong binigyan ni Pablo ng mas malawak na paliwanag sa mga sumusunod na bahagi ng kanyang sulat.
Pagtalakay
I. Karagdagang Tanda ng Espirituwal na Paglilingkod (1:16a)
A. Mga Hirap na Dinaanan ni Pablo
1. Siya'y nakulong sa Filipos, tinugis palabas ng Tesalonika, at itinakas palabas ng Damasco at Berea.
2. Pinagtawanan sa Atenas, itinuring na sira-ulo sa Corinto at inihayag na lapastangan at lumalabag sa batas ng bayan ng Jerusalem.
3. Pinagbabato at iniwang halos patay na sa Listra.
4. Hindi siya napigilan ng mga kalaban, hindi nadismaya sa mga paninira, at hindi ikinahiya, sa anumang dahilan, ang mabuting balita ni Jesu-Cristo.
5. Alam ni Pablo na ang mabuting balita lamang ang daan na inilaan ng Diyos para sa ikaliligtas ng tao, at siya'y puno ng kagalakan at katapangan sa pribilehiyo ng pagpapahayag ng mga katotohanan at kapangyarihan nito saan man siya pumaroon.
B. Kasalanan ang Ikahiya ang Mabuting Balita
1. Alam ng bawat mananampalataya na isang mabigat na kasalanan ang ikahiya ang Tagapagligtas at Panginoon; alam din niya na mahirap iwasan ang kasalanang ito. At kapag may pagkakataon tayong magsalita para kay Cristo, hindi natin ito nagagawa.
2. Alam nating ang ebanghelyo ay hindi kaakit-akit, nakakatakot, at nakakasuklam sa mga di-ligtas at sa di-makadiyos na sistemang namamayani ngayon sa mundo.
3. Nilalantad ng Mabuting Balita ang
a. kasalanan ng tao, kasamaan, at pagkaligaw nila;
b. na ang kayabangan ay kasuklam-suklam;
c. na ang nagmamatuwid na gawain ay walang pakinabang sa mata ng Diyos.
4. Sa puso ng mga makasalanang tao, ang ebanghelyo ay hindi mabuting balita, kundi masamang balita. Ano ang tugon nila sa mga nagpapahayag nito?
a. karaniwan nang panlalait;
b. maglalahad ng mga argumento o teoryang kontra sa ebanghelyo;
c. Kaya naman, maraming Cristiano tuloy ang natatakot na magpahayag dahil sa mga kadahilanang ito.
5. Mas madaling tanggapin ng tao ang ebanghelyo ng kayamanan at kalusugan (health and wealth gospel).
a. Hindi ito masakit na pakingggan ng mga tao dahil nag-aalok ito ng mga bagay na nais ng mundo.
b. Ngunit ang huwad na ebanghelyong ito ay hindi nag-aalok ng mabuting balita ni Jesu-Cristo. Ayon sa Gal. 1:6-7, ito'y "ibang mabuting balita."
C. Hindi Tanyag ang Ebanghelyo ni Cristo
1. Hindi masarap ang magiging buhay ng mga susunod kay Cristo.
a. Mateo 8:19-20 --- Interasado nga talaga ang taong ito na sumunod kay Jesus kahit saan siya pumaroon? Ano ang kahulugan ng sagot ni Jesus?
b. Mateo 8:21-22 --- Pansinin ang pakiusap ng lalaking ito, mukha namang makatuwiran, pero bakit kaya siya pinagsabihan pa ni Jesus?
c. Sinabi ito ni Geoffrey Wilson, "Ang hindi tanyag na pagkakilala sa isang nakapakong Cristo ang nagtulak sa marami na makapaghayag ng isang mensaheng mas madaling tanggapin ng mga di nananalig, ngunit nawawalang-saysay ang mensahe ng krus kung tatanggalin ang masakit na katotohanang ito. Ang di nakakasakit na ebanghelyo ay isa ring walang-saysay na ebanghelyo. Kaya nga ang Cristianismo ay lalong nasusugatan sa tahanan ng kanyang mga kaibigan” (Romans: A Digest of Reformed Comment [Carlisle, Pa.: Banner of Truth, 1976], p. 24)
2. Ang masidhing pagnanais ni Pablo ay makita niyang maligtas ang tao. Hindi niya pinahahalagahan kung siya'y komportable, maging tanyag o kagalang-galang. Hindi niya ikinumpromiso ang mabuting balita sapagkat alam niyang ito lamang ang tanging kapangyarihan na makapagpapabago ng buhay ng tao patungo sa walang hanggang kalagayan.
* Sa susunod na mga talata (t. 16-17), gumamit si Pablo ng apat na susing salita na mahalaga sa pagkaunawa ng mabuting balita ni Jesu-Cristo: kapangyarihan, kaligtasan, pananampalataya, at katuwiran.
II. Kapangyarihan (Roma 1:16b) --- "Sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos…"
Dunamis (kapangyarihan) ang Griegong salita na kung saan nanggaling ang salitang dinamita. Nakalagak sa ebanghelyo ang buong kapangyarihan ng Diyos, sapat ito upang maligtas ang tao sa kasalanan at mabigyan sila ng buhay na walang-hanggan.
A. Magbago: Likas na Nais ng Tao
1. May likas na nasa ang sinumang tao na mabago ang kanilang kalagayan, maaaring…
a. sa kahusayan, mas mahusay at magaling
b. sa estado sa buhay, mas masalapi, mas makapangyarihan, mas ma-impluwensiya.
2. Marami rin ang nagnanais na mabago naman ang kanilang pagkatao, upang mas hindi sila makunsiyensiya at mas higit na maging kuntento kaya’t…
a. maraming mga programa, pilosopiya at relihiyon ang nangangakong matutugunan ang pangangailangang ito;
b. maaaring may paraan ang tao na mukhang nagtatagumpay na gawing mas mabuti ang kanyang pakiramdam; ngunit ang mga paraang ganito ay walang kakayahan na matanggal ang kasalanan na siyang nagdudulot ng damdaming kawalang kuntento at nakukunsiyensiyang budhi.
1) hindi nito kayang maitama ang relasyon ng tao sa Diyos;
2) sa katunayan, kung nagdudulot ng tagumpay ang ganitong mga ideya sa pananaw ng tao, lalo lamang nitong nailalayo ang mga tao sa Diyos at tuloy hindi nila mapakinabangan ang Kanyang pagliligtas.
B. Walang Pansariling Kakayahan na Magbago
1. Mga patunay ng Biblia…
a. Jeremias 13:23 --- Ano ang sinasabi ng talatang ito? Gaano nga ba ka-imposibleng magawa ito ninuman?
b. Mateo 22:29 --- Bakit kaya ganito ang sinagot ni Jesus sa tanong ng mga Saduseo (tt. 23-28)?
2. Ni hindi nga mailigtas ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, dahil ibinigay ito upang maipakita ang kawalang-kakayahan ng tao na maabot ang pamantayan ng Diyos.
3. Dito sa aklat ng Roma inihayag ni Pablo ang kapangyarihan ng Diyos at pagka-inutil ng tao.
a. Roma 5:6 --- "Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan."
b. Roma 8:3 --- "Ginawa ng Diyos ang hindi nagawa ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Sinugo Niya ang Kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang maging handog para sa kasalanan, at sa anyong iyo'y hinatulan Niya ang kasalanan."
c. 1 Pedro 1:23 --- "Nang Siya'y alipustain, hindi Siya gumanti. Nang Siya'y pahirapan, hindi Siya nagbanta. Nanalig Siya sa Diyos na makatarungan."
d. Pinaalalahanan din ni Pablo ang mga taga-Corinto tungkol dito…
1) 1 Cor. 1:18 --- Nakikita ba ninyo ang kabalintunaan (paradox) ng ating pananampalataya?
2) 1 Cor. 1:23-25 --- Bakit kaya nakatitisod sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil ang mabuting balita ng kamatayan ni Cristo sa krus para sa mga makasalanan?
C. Mga Panunuligsa Laban sa Cristianismo
1. Pinagtatawanan ng mga pagano ang Cristianismo noon,
a. Hindi dahil sa kanilang paniniwala sa pahalinhing pagbabayad-utang ni Cristo;
b. Kundi dahil sa ang mga diyus-diyusan nila ay walang pakialam at malayo sa kanila.
c. Hindi nila maintindihan ang ideya ng isang Diyos na nangangalaga, nanunubos at nagsasakripisyo sa sarili.
2. Habang naghuhukay ng mga nagibang sibilisasyon ng matandang Roma, may isang archaeologist na nakadiskubre ng isang pintadong larawan ng isang alipin na yumuyukod sa isang krus na may nakasabit na asno. At may nakasulat na ganito, "Sinasamba ni Alexamenos ang kanyang diyos."
3. Sa huling bahagi ng ikalawang siglo ay nanatili pa rin ang ganitong asal laban sa Cristianismo. May isang taong nagngangalang Celsus at ganito ang kanyang sinasabi laban sa Cristianismo, "Wala sanang may kulturang tao ang lumapit, wala sanang matalino, walang may utak, dahil lahat ng bagay na iyan ay itinuturing nating masama; ngunit kung may taong mangmang, o may taong walang kultura at utak, kung may hangal, buong tapang siyang sumapi dito" [Origen's Against Celsus na naitala sa aklat ni William Barclay na pinamagatang The Letters to the Corinthians.]
4. Dagdag pa ni Celsus, "Tungkol sa mga Cristiano, nakikita natin sila sa kanilang mga bahay, ang suot ay patse-patse at makakapal na damit, pinakabobo at mga walang modo."
a. Ikinukumpara niya ang mga Cristiano na katulad ng mga nagliliparang paniki, mga langgam na gumagapang palabas ng kanilang lungga, mga palakang sabay-sabay na tumutungayaw sa latian (swampy land), at mga bulate na nagsusumiksik sa putikan!
D. Pagpapahayag na Nakabatay sa Kapangyarihan ng Diyos
1. Pinatunayan ni Pablo na ayaw niyang mapagkamalian na sa talino o pang-unawa ng tao siya nagtitiwala upang maihayag ang ebanghelyo.
a. 1 Cor. 2:1-2 --- Sa tingin ninyo paano kaya ipinahayag ni Pablo ang mabuting balita sa kanila na hindi gumagamit ng "malalalim na salita at matataas na karunungan?"
b. 1 Cor. 4:20 --- Ano kaya ang ibig sabihin ni Pablo ng "hindi sa salita kundi sa gawa?"
c. Maliwanag na bawat mananampalataya, gaano man kahusay ang kanyang kaloob at lalim ng paglago, ay may mga limitasyon at kahinaan. Ngunit, kamangha-manghang ginagamit tayo ng Diyos sa Kanyang pagtutubos kung tayo'y nagpapasakop sa Kanya.
2. Ano ang patunay ng Kasulatan tungkol sa kapangyarihan ng Diyos?
a. Exodo 15:16 --- Kanyang maluwalhating kapangyarihan;
b. Deutoronomio 32:39 --- di-matanggihang kapangyarihan;
c. Job 5:9 --- di-malirip na kapangyarihan;
d. Job 9:4 --- matinding kapangyarihan;
e. Awit 79:11 --- napakalakas na kapangyarihan;
f. Awit 89:8 --- walang katulad na kapangyarihan;
g. Awit 89:13 --- walang kaparis sa lakas;
h. Isa 26:4 --- walang hanggang kapangyarihan;
i. Isa 43:13 --- walang makahadlang na kapangyarihan;
j. Roma 9:21 --- nakapangyayaring kapangyarihan;
k. Ano rin ang sabi ni Jeremias sa 10:12?
l. Sa Jer. 27:5 at Awit 33:8-9 ?
III. Kaligtasan (Roma 1:16c) --- "…sa ikaliligtas…"
A. Dakilang Kapahayagan ng Kapangyarihan ng Diyos
1. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos; ang madala ang tao sa kaligtasan
a. binabago ang kanilang kalikasan;
b. at binibigyan sila ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kanyang Anak.
2. Salitang ginamit ni Pablo --- soteria
a. May kinalaman sa pagliligtas sa kapahamakan o deliverance, o pagliligtas mula sa sakuna o rescue.
b. Sinasabi ni Pablo na ang kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan ay nakapagliligtas ng tao mula kaparusahan ng kasalanan, ito ang kamatayang espirituwal at walang hanggang pagkalayo sa Diyos.
B. Pangangailangan ng Tao na Maligtas
1. May mga tao na ayaw ng gamitin ang salitang "kaligtasan" o "maligtas" dahil hindi na raw ito uso.
2. Ngunit "kaligtasan" ang salitang ginamit ng Diyos sa Kanyang Banal na Salita, at wala nang kataga na makapaglalarawan sa alok ng Diyos sa nagkasalang sangkatauhan sa pamamagitan ng sakripisyo ng Kanyang sariling Anak.
3. Kahit na ang bayang pinili ng Diyos na patuloy na sumusuway sa Kanyang kalooban---ay inililigtas pa rin Niya ang mga ito (Basahin Awit 106:8).
4. Ibinaba ng Diyos ang Kanyang makapangyarihang kamay ng kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo upang abutin at maiakyat ang tao. Saan ba tayo pinalalaya ng kaligtasan na iniaalok ng Diyos?
a. Gawa 2:40 --- mula sa masamang "lahing" ito;
b. Mateo 18:11 --- mula sa pagkakaligaw;
c. Mateo 1:21 --- mula sa kasalanan;
d. Roma 5:9 --- mula sa poot ng Diyos;
e. 2 Tesa. 1:8 --- mula sa espirituwal na kamangmangan;
f. Col. 1:13; 1 Pedro 2:9 --- mula sa kadiliman ng bulaan at huwad na relihiyon.
IV. Pananalig (1:16d)
A. Pakahulugan
1. Pisteuo "manalig" --- ito'y nangangahulugan ng pagtitiwala, pag-asam, nakadepende.
2. Karaniwang gamit nito sa Bagong Tipan ay hindi lamang pangkasalukuyan kundi may patuloy na pangyayari. Halimbawa nito sa pang-araw-araw na pamumuhay :
a. Kung kukuha ka ng tubig mula sa gripo, nagtitiwala ka na ito'y malinis;
b. Tumatawid tayo sa mga tulay sa kalsada at nagtitiwala tayong hindi ito basta na lamang magigiba at babagsak;
c. Kahit na may balita ng sakuna, nagtitiwala pa rin tayong makararating sa patutunguhan sa tuwing sasakay tayo ng eroplano.
3. Ngunit higit pa rito ang sinasabi ni Pablo; pananalig na nagmumula sa Diyos (Efe. 2:8).
a. Una bang hinihingi ng Diyos na tayo'y magpakatino muna ng buhay bago tayo iligtas?
b. Lahat ng pagsusumikap ng tao na maging matino ang pamumuhay ay laging kapos sa sukatan ng Diyos, kaya naman walang sinuman na maaaring maligtas dahil sa kanyang mabubuting mga gawa.
c. Ano ngayon ang pakinabang ng mabuting gawa sa buhay ng isang tao? (Efe. 2:10)
B. Walang Itinatangi
1. Hindi namimili ng lahi o bayan ang kaligtasan ng Diyos, kundi sa bawat taong mananalig.
2. Ngunit inuna ng Diyos ang mga Judio, bago dumating sa mga Gentil ang Kanyang pagliligtas.
a. Sapagkat sila ang bayan na pinili ng Diyos;
b. Sa kanilang lahi rin unang dumating ang Mesiyas.
V. Katuwiran (1:17)
A. Kapahayagan at Pagkakaloob Nito
1. Pananalig ang nagpapakilos sa kapangyarihan ng Diyos upang magdala ng kaligtasan sa tao, at dito rin sa nakapangyayaring gawa ng Diyos nahahayag ang Kanyang katuwiran.
2. Sa pagkakaayos sa Griego, mas tama ang "katuwirang mula sa Diyos."
a. Ibig sabihin nito, sa Diyos nagmumula ang katuwiran.
b. Hindi lang pala naihayag ito ng Diyos kundi ibinibigay pa (Roma 4:5).
B. Dagdag na Paliwanag ni Pablo
1. Filipos 3:8-9 --- Gaano kahalaga kay Pablo ang makamit niya ang makilala ng personal ang Panginoong Jesu-Cristo?
2. Roma 3:21-24 --- Ano ang hindi nagawa ng kautusan na siya namang nagawa ng pananalig?
C. Pananampalataya ang Simula at Wakas ng Kaligtasan
1. Para na ring binasa ni Pablo ang Hab. 2:4
2. Si Abraham ang halimbawa ng bawat maliligtas sapagkat nanalig siya at ibinilang siyang matuwid ng Diyos (Roma 4:3), ngunit ganito na ang pamamaraan upang maligtas ang sinuman kahit noong wala pa si Abraham at makalipas sa panahon niya (Heb. 11:4-40)
3. Pansinin na ang pananalig na tinutukoy dito ay may tema ng pagpapatuloy.
a. Hindi lamang ito isang araw ng pananampalataya kundi uri ng pamumuhay;
b. Ang tawag ng mga pantas sa teolohiya dito ay, "ang pagtitiyaga ng mga banal" (Col. 1:22-23; Heb. 3:12-14).
Pagtatapos
- Ganito ba kaliwanag ang pagkaunawa mo sa iyong kaligtasan?
- Paano mo nasiguro na hindi nahaluan ng mga gimik o pagiging emosyonal ang ebanghelyong iyong tinanggap? Gaano kahalaga na maingatan mo ang kadalisayan ng mabuting balita sa iyong pagpapahayag?
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa Komentaryo ni Dr. John MacArthur, Jr.)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.