Ang Mabuting Balita ng Diyos, Part 3
Roma 1:5-7
Panimula
- Ang Mabuting Balita ng Diyos ay ganito—pinagpala ang sinumang tumatanggap sa Kanyang Anak sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 1:3).
- Kaya gayon na lang ang pagpupuri ni Pablo sa Diyos (2 Corinto 8:9). Binanggit rin ni Pablo ang sinabi ni Isaias sa 1 Corinto 2:9.
- Dahil kay Cristo, ang mananampalataya ay may kayamanang hindi kayang arukin ng ating imahinasyon.
- May buhay na walang hanggan ang Cristiano (Juan 3:16).
- May bukal na tubig na hindi natutuyo (Juan 4:14).
- May kaloob na hindi nawawala (Juan 6:37, 39).
- May pag-ibig na hindi siya mahihiwalay (Roma 8:39).
- May pagkatawag na hindi babawiin (Roma 11:29).
- May saligang hindi nawawasak (2 Timoteo 2:19).
- May pamanang hindi kailanman mauubos o mababawasan (1 Pedro 1:4-5).
Pagtalakay
I. Ang Paglalaan ng Mabuting Balita (Roma 1:5a)
Dalawang bagay ang binanggit ni Pablo na inilaan ng Mabuting Balita ng Diyos—pagbabalik-loob (conversion) sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos at tungkulin sa pamamagitan ng pagiging sugo o apostol na katulad ni Pablo.
A. Ang Kagandahang-loob ng Diyos
1. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay ang hindi pinaghirapan o pinagpagurang pagtangkilik na hindi kayang tumbasan ng mananampalataya ng anumang halaga (Efeso 2:8-9).
a. Ang biyaya (grace) ay mapagmahal na habag ng Diyos kung saan ibinibigay Niya ang kaligtasan bilang kaloob sa sinumang magtitiwala sa Kanyang Anak.
b. Bibigyan ng Diyos ng buhay ang sinumang magtiwala kay Jesu-Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.
c. Kaya ang mga Cristianong buhay na sa Espiritu dahil sa sila’y ipinanganak mula sa itaas ay muling nilikha na may buhay ng Diyos mismo.
2. Walang maipagmamalaki o maipagmamapuri ang Cristiano dahil wala siyang naibigay ni isa man upang Siya’y maligtas.
a. Walang lugar ang gawa ng tao sa gawain ng kaligtasan na biyaya ng Diyos.
b. Tayo ay “pinawalang-sala sa pamamagitan ng Cristo Jesus, na nagpalaya sa [atin]” (Roma 3:24).
c. Tinubos tayo na walang kinalaman ang gawa o pagmamapuri ng tao (Roma 3:27-28).
3. Hindi makakamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng bautismo o anumang sakramento, dahil sa pagiging kagalang-galang, palabigay o hindi imoral.
4. Hindi rin ito makakamit dahil sa paniniwalang may Diyos o si Jesu-Cristo ang Kanyang Anak. Kahit nga mga demonyo ay ganito ang paniniwala (Marcos 5:7; Santiago 2:19).
5. Makakamit lamang ang kaligtasan kapag ang tao’y nagsisi sa kanyang kasalanan, tinanggap niya ng may pananampalataya ang inilaang biyaya ng kapatawaran na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabayad-utang ng Panginoong Jesu-Cristo.
· Isa pang inilaan ng Mabuting Balita ng Diyos ay ang pagtawag Niya sa bawat mananampalataya sa paglilingkod.
B. Ang Pagiging Sugo ng Diyos
1. Malinaw na tinutukoy ni Pablo ang lahat ng mananampalataya sa salitang “namin”.
a. Tapos na niyang talakayin ang kanyang pagiging apostol.
b. 13 lamang ang opisyal na apostol at bukod-tangi ang pagkakatawag sa kanila.
c. Ngunit bawat tao na nasa Diyos sa pamamagitan ni Cristo ay sugo dahil sinugo Niya tayo sa sanlibutan bilang Kanyang mensahero at patotoo.
2. Tayo’y niligtas sa biyaya ng Diyos upang makagawa ng mabuti (Efeso 2:8-10).
a. Lahat ay kasali sa gawain.
b. Minsan, pagkatapos mangaral ni Dwight L. Moody, nilapitan siya ng isang lalaking mataas ang pinag-aralan sabay sabing, “May 11 mali ka sa iyong grammar ngayong gabi.” Sumagot si Moody, “Maaari nga. Subalit lahat ng aking nalalaman ay ginagamit ko sa gawain ng Panginoon. Ikaw, saan mo ginagamit ang nalalaman mo?”
c. Sa isa pang pagkakataon, may isa pang lalaki ang nagsabi sa kanya na, “Hindi ko gusto ang paanyaya mo. Para sa akin maling-mali ang iyong ginawa.” Sumagot si Moody, “Salamat sa pagpuna mo. Medyo hindi nga ako komportable sa paanyaya kong iyon, sana nga ay iba pang mas mabuti-buti na paraan akong alam. Ikaw, ano ang paraan mo para maanyaya ang tao kay Cristo?” Sagot ng lalaki, “Eh, wala akong alam diyan!” Sabi ni Moody, “Mas mabuti pa pala iyong paanyaya ko!”
II. Ang Paghahayag at Pakay ng Mabuting Balita (Roma 1:5b-6)
A. Paghahayag (1:5b)
1. Lahat ng Cristiano ay tinawag hindi lamang sa kaligtasan at sa paglilingkod, kundi maging saksi ni Cristo upang madala ng iba sa pananampalataya at pagsunod sa Kanya.
a. Ginamit uli ni Pablo ang salitang “pananampalataya at pagsunod kay Cristo” sa Roma 16:25-26.
b. Ang taong nagsasabing siya’y nananampalataya kay Cristo ngunit ang kanya namang pamumuhay ay lantarang pagsuway sa Salita ng Diyos ay hindi ligtas.
1) Isang kasinungalingan at pandaraya ang pananampalatayang hindi naman makitaan ng pagsunod (Santiago 2:14-26)
2) Ito ang mensahe ng ebanghelyo: tawagin ang tao sa pananampalataya at pagsunod kay Cristo (obedience of faith) --- ang katumbas nito ay kaligtasan.
2. Ang pananampalatayang tinutukoy ni Pablo dito ay tungkol sa Salita ng Diyos --- dahil dito lamang nakalagak ang kapangyarihang pumapalibot sa Cristianismo.
a. Katulad ito ng pagtawag sa tao sa pananampalataya at pagsunod upang ganapin ang mga utos ni Cristo (Mateo 28:20)
b. Kaya nga gayon na lamang ang pasasalamat ni Pablo sa Diyos sa mga Cristiano na taga-Roma (Roma 1:8)
c. Sa Roma 16:19, gayon din ang sinasabi ni Pablo. Ginamit niya ang mga salitang “pagtalima kay Cristo” patungkol sa kanilang pananampalataya.
3. Ang pananampalataya kay Cristo ay nangangahulugan ng pagsunod sa pagka-Panginoon ni Cristo, Walang ibang relasyon na tinutukoy ang Kasulatan kundi ang nagpapasakop na kaligtasan.
a. Roma 10:9-10 – pansinin ang pagkakagamit ng “ipahahayag ng labi at manalig ng buong puso.”
b. Gawa 2:36 – Ano sa tingin ninyo ang sinasabi ni Pedro sa mga Judio?
c. Mateo 7:13-14 --- paghambingin ang mga salitang…
1) makipot na pintuan at makitid na daan
2) maluwang na pintuan at malapad na daan
4. Bakit pati mga Hentil na taga-Roma ay inaabot ni Pablo?
a. Sapagkat iyon ang pagkakatawag sa kanya (Gawa 9:15; 22:21; Roma 11:13; Galacias 1:16)
b. Ngunit sinimulan niya ang gawain ng pamamahayag sa mga Judio (Gawa 13:14; 14:1; 16:13; 17:1; 18:2)
c. Kayat lahat ng Cristiano ay may tungkulin na ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng tao–- Judio man o Hentil
B. Ang Pakay (1:5c-6)
1. Sa English Bible – ang Roma 1:5c ay ganito ang sinasabi, “for His name’s sake.”
a. Nauunawaan ba ninyo na ang pakay ng Mabuting Balita ay hindi dahil sa atin kundi dahil sa Diyos?
b. Ang kaligtasan ng tao ay bunga lamang ng biyaya ng Diyos; ang tanging pakay nito ay mahayag ang karangalan ng Diyos.
c. Ang tagapamahayag, ang pangako, ang katauhan, ang inilaan, ang paghahayag, at ang pribilehiyo ng Mabuting Balita ng Diyos ay ibinigay upang parangalan ang Diyos.
2. Dahil na rin sa Kanyang pag-ibig na nagmamagandang-loob para sa mga mahihina at makasalanang tao, naging dahilan na rin ito upang sila’y iligtas ng Diyos; ngunit dahil sa ang katangian Niya’y kaganapan (perfection), mahalaga na ang kaligtasan ng tao ay dahil sa Kanya.
a. Hindi kataka-taka na sabihin ni Pablo ang Filipos 2:10-11!
b. Ito rin ang dahilan ng mga pagtitiis ni Pablo para sa mga mananampalataya (2 Corinto 4:15).
3. Kapag may nanalig kay Cristo siya’y naliligtas; ngunit mas mahalaga pa rito, ang Diyos ay naparangalan --- dahil ang kaloob na kaligtasan ay ganap na ayon sa Kanyang nakapangyayaring kalooban at kapangyarihan.
4. Ang mga taga-Roma na sinulatan ni Pablo ay kasama sa mga taong nadala sa “pananampalataya at pagsunod kay Cristo.” Kabilang sa mga tinawag (called) na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.
III. Ang Pribilehiyo ng Mabuting Balita (Roma 1:7)
A. Tayo’y Tinawag na “Mga Minamahal”
1. Ito ang naging pagkakatawag ni Pablo sa mga mananampalatayang taga-Roma.
2. Isa ito sa laging inuulit na katotohanan ng Bibliya – ang pag-ibig ng Diyos sa mga taong sumasa-Kanya.
a. Awit 25:6; 36:7 – sa panalangin ni David;
b. Kay Jeremias sa 31:3;
c. Kay Pablo – sa Efeso 2:4-5
d. Kay Juan – 1 Juan 3:1
3. Pati na sa mga Cristiano noon at ngayon (Efeso 1:6; Roma 5:5; 8:35)
B. Tayo’y Mga Tinawag ng Diyos (called of God)
1. Ang salitang “pagtawag” ay tungkol sa pagkakahirang o pagkakapili ng Diyod sa bawat isang mananampalataya.
a. Kahalintulad nito (synonyms) – “hinirang” (elect); “itinalaga” (predestined)
b. Basahin ang Roma 8:30
c. Dahil sa ating limitadong pang-unawa, inaakala nating tayo ang unang lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod ng ating kalooban sa Kanya, ngunit alam natin mula sa Salita ng Diyos na hindi tayo makalalapit kung hindi muna Niya tayo pinili sa pamamagitan ng pagmamagandang-loob ng Kanyang nakapangyayaring kalooban.
2. Sa tuwing mababanggit ang tungkol; sa “pagtawag” sa kaligtasan sa Bagong Tipan, lagi itong tumutukoy sa mabisang pagkakatawag sa ikaliligtas at hindi pangkalahatan, sapagkat hindi lahat ay tinawag.
C. Tayo’y Mga Banal (santo-- saints) ng Diyos
1. Ang salitang”santo” o banal ay galing sa Griyegong salita na hagiov, na nangangahulugan ng pagtatalaga o paghihiwalay ng Diyos para sa Kanyang mga plano.
a. Ang templo at tabernakulo sa Lumang Tipan, kasama na ang lahat ng kanilang mga gamit, instrumento, rituwal – pati na ang Kaban ng Tipan at ang “holy of holies” ay itinatalaga para lamang sa Kanya.
b. Ang lipi ng Levi ay inihiwalay ng Diyos upang maging mga saserdote (priesthood); pati na ang buong bayang Israel ay inihiwalay ng Diyos.
2. Madalas gamitin sa Lumang Tipan ang salitang “banal” na tumutukoy sa paghihiwalay ng Diyos sa isang tao mula sa sanlibutan at patungo sa Kanya, kaya nga’t nagiging katulad ng Diyos sa kabanalan.
3. Sa Bagong Tipan, ang mga tinawag na “banal” sa Lumang Tipan – Templo, saserdote, kaban, tabernakulo ay wala o tapos na. Ang tanging “banal” na naiwan sa mundo ay ang Kanyang mga tao ---mga mananampalataya (1 Corinto 3:16-17; 1 Pedro 2:5, 9)
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa Komentaryo ni Dr. John MacArthur, Jr.)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.