Mabuting Balita ng Diyos, Part 2
Roma 1:2-4

Panimula


Pagkatapos na ipakilala sa atin ang tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng Diyos (t. 1), ipinahayag naman ngayon ni Pablo ang Pangako ng Mabuting Balita (t. 2).

1. Matagal nang naghahanap ang tao ng pagkakataong makapanumbalik sa Diyos. Sinasabing may puwang sa puso ng tao na Diyos lamang ang makapupuno.

2. Kaya kung anu-anong relihiyon mayroon ang tao kung saan doon pilit na hinahanap ang Diyos. Ngunit hindi makikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling gawa dahil sa kanyang kasalanan.

3. Ang hindi magawa ng tao ay ginawa ng Diyos. Kaya Siya nagkatawang-tao upang iligtas ang tao. Ito ang Mabuting Balita.

Pagtalakay


I. Ang Pangako ng Mabuting Balita (Roma 1:2)

A. Hindi na Bago ang Mabuting Balita

1. Hindi ito inihayag sa Bagong Tipan lamang.

a. Hindi ito pagbabago sa plano ng Diyos o sa Kanyang pamamalakad.

b. Ito ay “ipinangako Niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan” (t. 2; Hebreo 1:1). Ang tinutukoy na banal na kasulatan ay ang Lumang Tipan.

2. Nilinaw ni Apostol Pablo na hindi siya ang pasimuno ng Mabuting Balita.

a. Madalas na paratangan si Pablo at ang iba pang mga nagpapahayag ng Mabuting Balita na pinawawalang-halaga nila ang Kautusan ni Moises.

b. Hindi rin nagsimula ang Mabuting Balita sa Panginoong Jesus noong narito pa Siya sa ating daigdig.

c. Hindi na bago ang Mabuting Balita kundi ang dati nang balita na noon pa man ay nakatala na sa Lumang Tipan na naging ganap kay Cristo Jesus.

B. Mula pa ang Mabuting Balita sa Mga Propeta at Kasulatan.

1. Ginamit ni Pablo ang salitang “propeta” patungkol sa mga sumulat ng Lumang Tipan.

a. Ang ibig sabihin ng propeta ay “tagapagsalita ng Diyos.”

b. Katulad ni Moises na tagapagbigay ng Kautusan at tinawag niyang propeta ang sarili (Deutoronomio 18:15).

2. Ginamit din ni Pablo ang salitang “banal na kasulatan”…

a. Para ipakita ang malinaw na pagkakaiba ng Lumang Tipan sa napakaraming mga kasulatan ng mga Rabi noon. Sapagkat higit itong (ang mga kasulatan ng mga Rabi) pinahahalagahan ng karamihan ng mga Judio kaysa sa Lumang Tipan gayong wala namang sinasabi ang mga ito tungkol sa Mabuting Balita ng Diyos.

b. Para ipakita na hindi mula sa tao kundi ipinahayag ng Diyos ang Mabuting Balita.

3. Mas ginagalang ng mga Judio ang mga sinulat ng mga Rabi sa halip na ang Banal na Kasulatan bilang gabay sa kanilang relihiyon.

a. Itinuturing nila ang Banal na Kasulatan bilang relic o banal na alaala lamang kaysa batayan ng katotohanan.

b. Sa kabila ng mahigit na tatlong taon Niyang pagtuturo, pinagsabihan pa rin ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga alagad dahil hindi pa rin nila maunawaan ang Kasulatan.

c. Ganito ang sinabi ni Cristo sa dalawang alagad nang magpakita Siya sa kanila habang naglalakad sa daan patungo sa Emmaus: “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta?” (Lukas 24:25).

d. Pagkatapos, ipinakita sa kanila ni Jesus na itinuturo ng Lumang Tipan ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (Lukas 24:27; 1 Corinto 15:3-4).

4. Gawa-gawa lamang ng mga Judio ang kanilang mga tradisyon at hindi talaga nakabatay sa mga Banal na Kasulatan (Mateo 15:1-9).

a. Ang mga pinuno ng relihiyong Judaismo ang naging pinakamatinding kalaban ng Panginoong Jesus noong nasa lupa pa Siya.

b. Madalas na batikusin ni Cristo na pawang pagpapaimbabaw lamang ang pagiging masigasig sa relihiyon ng mga eskriba at Pariseo.

c. At inihayag ni Jesus na gawa-gawa lamang ng tao ang kanilang mga tradisyon at hindi mula sa Salita ng Diyos.

d. Sa Kanyang sermon sa bundok, matatandaang paulit-ulit na inihayag ng Panginoong Jesus na “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao”, na patungkol sa mga tradisyon ng mga Rabi na idinagdag at nagpawalang-bisa sa Kasulatan.

5. Walang sinabi o ginawa si Jesus na lumabag o sumalungat sa Lumang Tipan (Mateo 5:17-18).

C. Manang Naipangako ng Diyos sa mga Judio

1. Sa buong kasaysayan ng iglesya, naging patuloy nga ang pagtanggi ng mga Judio sa ebanghelyo dahil kapag niyakap nila ito ay para na rin nilang tinanggihan ang kanilang manang tradisyonal.

a. Bago pa nga dumating si Jesus, naging tradisyon na lamang sa mga Judio ang Judaismo.

b. Para nga sila maging tunay na Cristiano, kailangan nilang talikuran ang tradisyong ito.

2. Subalit kung tatanggapin nga ng mga Judio ang ebanghelyo ay kanila na ngang natanggap ang tunay na manang naipangako sa kanila ng Diyos! Ayon sa Kasulatan…

a. Ang pinakadakilang mana na ipinangako ng Diyos sa mga Judio ay ang Mesiyas ng Diyos. Si Jesus ang Mesiyas na iyon—ang kaganapan ng pangako ng Diyos.

b. Bawat propetang Judio ay nakapanghula sa pagdating ng pinaka-ultimong Propeta.

c. Bawat isinasakripisyong tupa ay isang pag-asam at paghayag sa darating na walang-hanggang Kordero ng Diyos na isasakripisyo para sa mga kasalanan ng tao.

d. Pinatunayan ito sa Bagong Tipan…

1) Hebreo 1:1-2
2) 1 Pedro 1:10-12

II. Ang Persona ng Mabuting Balita (1:3-4)

A. Si Jesus na Anak ng Diyos

1. Isang napakalaking hiwaga ang katuruan na si Jesus ay Anak ng Diyos.

a. Hindi na kuwestyon ang pagka-Diyos at Panginoon ni Jesus.

b. Ang pinag-uusapan dito ay kung ano ang ibig sabihin ng Kanyang pagiging Anak ng Diyos.

2. Maliwanag na si Jesus ay ipinanganak sa lahi ni David

a. Si Maria ay nasa lahi ni David (Lukas 3:23, 31)

b. Gayon din si Jose (Mateo 1:6, 16; Lukas 1:27)

c. Bilang katuparan sa mga hula, ang Mesiyas ay kailangang ipanganak sa lahi ni David (2 Samuel 7:12-13; Awit 89:3-4, 19, 24; Isaiah 11:1-15; Jerermias 23:5-6).

3. Tinupad ni Jesus ang lahat ng mga hula tungkol sa Mesiyas.

4. Bilang inapo ni David, minana Niya ang karapatang itayo at pamunuan ang ipinangako na walang hanggang kaharian ni David.

B. Ang Gawain ng Anak ng Diyos

1. Siya’y nagkatawang-tao upang makihati sa kalagayang tao, ngunit nanatiling walang kasalanan (Filipos 3:4-8).

2. Kaya’t ayon sa Hebreo 4:15, karapatdapat Siyang maging Dakilang Saserdote dahil “nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso Siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala.” Ito ang Mabuting Balita!

3. Pati nga ang kasaysayang secular ay puno ng mga balita tungkol sa buhay at gawain ni Jesus.

a. Ang manunulat ng kasaysayan na si Tacitus ay nagsulat na may Jesus na nagtatag ng relihiyong Cristianismo at ipinapatay ni Poncio Pilato sa panahon ni Emperador Tiberius (Annals 15:44).

b. Nagsalaysay din si Pliny na Nakababata sa kanyang sulat kay Emperador Trajan tungkol kay Jesus at sa Kanyang mga alagad.

c. Pati nga sa Jewish Babylonian Talmud ay nabanggit ang pangalan ni Jesus.

4. May matibay pang saksi, ayon sa 1 Juan 4:2-3.

a. Hindi lamang ang pagiging tao ni Jesus ang binigyang pansin ni Juan.

b. Maraming hindi Cristiano sa buong kasaysayan ay handa ngang aminin na may lalaking nabuhay noon na ang pangalan ay Jesus, Siya’y namuhay ng bukod-tangi, nakapang-akit ng maraming alagad.

c. Ngunit ang tinutukoy ni Juan ay ang pananalig at pagtanggap sa katotohanang si Jesus ang Cristo, ang ipinangakong Mesiyas ng Diyos, Siya’y nanggaling sa Diyos at namuhay bilang Diyos na nagkatawang-tao sa kalagitnaan ng mga tao.

C. Ang Kapahayagan na Siya’y Anak ng Diyos

1. Mula sa salitang Griego na horizo ang salitang “ipinahayag” sa Roma 1:4, kung saan hinango ang salitang horizon o “guhit-tagpuan (ito ang guhit na nagtatagpo ang kalupaan at kalangitan).

a. Sa mas dakilang paraan, ang pagiging Anak ng Diyos ni Cristo ay higit na “nahayag” sa Kanyang pagsasakatawang-tao.

2. Ipinaliwanag ni Pablo sa Filipos 2:5-8, kung paanong kusang-loob na sandaling binitiwan ng Panginoong Jesus ang ganap na kapahayagan ng Kanyang pagka-diyos, Siya’y nagpakumbaba at ganap na nagpasakop sa kalooban ng Kanyang Ama.

3. Dati na Siyang nariyan simula pa sa magpakawalang-hanggan.

a. Sinabi Niya ito noong Siya’y nananalangin sa Ama (Juan 17:1, 5);

b. Maliwanag din sa Juan 1:2-3;

c. Ngunit sang-ayon sa plano ng Diyos (Ama, Anak, at Espiritu Santo), ang Anak ay nagkatawang-tao (t. 14a).

d. Sumasakanya pa rin ang kaluwalhatian Niya, ngunit ito’y kailangang maitago ng Kanyang katawang-lupa at di lubos na makita ng tao.

4. Ang pinakamatibay at hindi mapasusubaliang patunay ng pagiging Anak ng Diyos ni Cristo ay ang Kanyang muling pagkabuhay (Roma 1:4). Ipinapakita ng Kanyang pananagumpay laban sa kamatayan na Si Jesus ay may kapangyarihan na tanging Diyos lamang ang mayroon—ang magbigay ng buhay.

5. Dito natin makikita na si Jesus ay totoong tao (“ipinanganak mula sa lipi ni David”) at totoong Diyos (“ipinahayag Siyang Anak ng Diyos”).

a. Makikita sa Marcos 4:38-39 ang Kanyang pagiging tao (nakatulog Siya dahil sa pagod) at ang Kanyang pagiging Diyos (pinatahimik Niya ang bagyo).

b. Naghirap Siya sa krus bilang tao. Subalit, bilang Diyos, nagawa pa rin Niyang gawaran ng kapatawaran ang nagsisising magnanakaw (Luke 23:42-43).

6. Sa pagtawag sa Kanya ng “Panginoong Jesu-Cristo” (Roma 1:3), ipinahayag ni Pablo ang katangian ng Anak ng Diyos.

a. Ang ibig sabihin ng “Jesus” ay “Tagapagligtas”. Ang “Cristo” ay “Ang Pinahiran” o ”Ang Pinili.” Ang ibig sabihin ng “Panginoon” ay “Makapangyarihang Pinuno.”

b. Tinawag Siyang “Jesus” sapagkat Siya ang magliligtas sa mga tao mula sa kanilang kasalanan. Siya ang Cristo sapagkat Siya ang pinili upang maging Hari at Saserdote. Siya ang Panginoon sapagkat Siya ang Makapangyarihang Diyos.

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa Komentaryo ni Dr. John MacArthur, Jr.)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.