Ang Katiyakan ng Paghuhukom

Panimula


Pagtalakay


I. Sinasabi Ngunit Di Ginagawa: Ang Kasalanan ng Walang-saysay na Pananalita (Mateo 7:21-23)

A. Ang “Marami” ay Hindi mga Pagano

1. Pansinin ang “marami” sa t. 22. Sila ay mga relihiyosong tao na pinili ang daan ng magagawa ng tao upang maligtas.

a. Kapareho sila ng “marami” sa Mateo 7:13 na pumasok sa maluwang na pintuan at dumaan sa malapad na daan.

b. Ipinagmamalaki nila ang kanilang mga relihiyosong gawain (t. 22).

2. Ano ang pagkakalarawan ni Pablo tungkol sa mga taong katulad nila sa 2 Timoteo 3:5?

3. Pareho na sila halos ng mga Pariseo na pinangangalandakan ang kanilang mga relihiyosong gawain, ngunit di naman sila mga taong nagsitalikod, heretiko at anti-Cristo, mga di naniniwala sa Diyos, o mga agnostiko. Tingnan ang Roma 10:5-10 at makatutulong ito sa pag-unawa ng kanilang mga gawain.

B. Sila ay mga Mapagpaimbabaw

1. Ang “maraming” ito ay nagsasabi ng mga matuwid nilang ginawa ngunit di naman nila ginawa mula sa puso.

a. Sa katunayan, kahit na napakarami ng mabubuting bagay na sinasabing nagawa nila, sila ay itataboy dahil sa hindi nila ginagawa ang kalooban ng Amang nasa langit (Mateo 7:21). Sila ay namumuhay ng masama (t. 23).

b. Alam nilang sabihin ang mga mabubuting bagay at maaaring makitaan din ng katuwiran sa panlabas na anyo, subalit hindi umuugma ang kanilang kalikasan. Pareho sila ng maraming tao ngayon sa mga iglesya na sumasang-ayon sa matuwid na doktrina subalit di naman ligtas.

2. Ayon sa Mateo 7:21-22, tinatawag pa nga nila ang “Panginoon, Panginoon”

a. Tulad ng sinabi sa itaas, pinatutunayan nito na sila ay nakakaalam sa mga saligang paniniwala.

b. Alam din nila ang pagka-Panginoon ni Jesus at lantarang aaminin nila ito, ngunit ayaw naman nilang pasakop sa Kanya bilang Panginoon. Pareho sila ng mga taong kinumpronta ni Jesus sa Lukas 6:46.

c. Sila ay masisigasig, relihiyoso, at magagalang. Tatlong ulit nilang sinabi, “sa Iyong pangalan… sa Iyong pangalan… sa Iyong pangalan” (t. 22 English Bibles).

d. Abala sila sa paggawa sa pangalan ng Panginoon---kahit na mga kamangha-manghang bagay, sa pag-aakalang naglilingkod sila ng buong sigasig para sa Kanya. Subalit ang kanilang mga salita ay walang saysay.

e. Ang sabihing, “Panginoon, Panginoon” at pagkatapos ay sumuway ay katumbas ng halik ni Judas. Ang sinumang pinagkalooban ng tunay na pananampalataya ay binibigyang halaga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa paninindigan sa mga katotohanan ng tunay na doktrina.

C. Babala ni Jesus sa mga Nag-aakalang Sila’y Ligtas

1. Ang mga pangungusap na binitiwan ni Jesus sa Mateo 7:21-23 ay babala sa lahat ng mga taong nag-aakalang sila’y ligtas dahil sa kanilang mga ginagawa ngunit di naman sumusunod sa Diyos.

2. Kapansin-pansin na determinado si Jesus na wasakin ang huwad na pag-asa ng lahat ng nag-aakalang sila’y natubos na.

a. Di tulad ng mga mangangaral ngayon na ginagawa ang lahat maiwasan lamang na pakialaman ang katiyakan sa kaligtasan (assurance) ng sinuman.

b. Kailanman ay hindi Niya sinabihang bale-walain ang mga pagdududa ng isang di nakasisiguro ng kanyang kaligtasan.

c. Ang karaniwang paraan ng pagbabahagi ngayon ng Mabuting Balita ay bigyan lamang ang mga tao ng nakatutuwa at mababaw na mensahe.

1) dalhin sila sa isang pormuladong paraan;

2) pasang-ayunin sila na manalangin upang maligtas;

3) pumirma sa isang talaan o card;

4) at pagkatapos ay sabihan silang sila’y ligtas na at huwag nila itong pagdududahan.

d. Ang ganitong paraan ng pagpapatotoo ay lumalaban sa gawain ng Banal na Espiritu

1) Sapagkat Kanyang gawain ang magbigay katiyakan sa mga tunay na naligtas (Roma 8:16) at pagpapatunay sa kanilang makasalanang kalagayan sa mga taong di naligtas (Juan 16:8-9).

2) Alam ng Diyos ang pagkakaiba, ngunit di natin ito nalalaman. Hindi natin tungkulin ang garantiyahan ang kaligtasan ng mga tao.

D. Pagsusuri sa Sarili ang Hamon ng Kasulatan

1. Ang panaka-nakang pagdududa sa ating kaligtasan ay di naman mali.

a. Ang ganitong mga pagdududa ay kailangang harapin ng buong tapat at ayon sa Salita ng Diyos.

b. Sabi nga ni Pablo sa 2 Corinto 13:5, “Tiyakin ninyong mabuti kung namumuhay ayon sa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo’y mga itinakwil.”

c. Ngunit sa mga iglesya ngayon ang babalang ito’y karaniwang winawalang-bahala, at lalo pa ngang hinahanapan ng palusot.

2. Tanyag ngayon na sabihan ang mga nagsasabing sila’y Cristiano na makikinabang sila sa katiyakan ng kaligtasan kahit ano pa ang uri ng kanilang pamumuhay.

a. Ito ang praktikal na aral ng antinomianismo.

b. Pinalalakas nito ang loob ng mga taong namumuhay sa pagpapaimbabaw, pagsuway, at kasalanan sa pagbibigay sa kanila ng huwad na katiyakan.

c. Sinasaway nito ang pagsusuri sa sarili, at iyan ay maliwanag na labag sa Kasulatan.

d. Inuutusan tayo na magsuri sa sarili sa tuwing gaganap ng Banal na Hapunan.

3. Ayon sa estatistiko may isang bilyon na daw ang Cristiano, ngunit ano kaya ang naging batayan nito?

a. Sa ganitong bilang ay hindi yata sasang-ayon sa sinabi ni Jesus tungkol sa marami sa maluwag na daan at kakaunti sa makipot na daan.

b. Hindi garantisado ang walang hanggang patutunguhan dahil sa pagcheck lamang ng box sa isang survey na ikaw ay isang Cristiano.

c. Kahit nga yaong mga kasapi sa tamang iglesya ay maaaring nalinlang at ganap na walang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

E. Maraming Kategorya ng mga Taong Nalinlang sa Loob ng Iglesya

1. Tiyak na may mga ipokrito, sila yaong mga nagsisikap na magmukhang relihiyoso.

2. Ang iba nama’y nominal (sa salita lamang), mga taong nagsasabing sila’y Cristiano dahil sa kanilang pagdalo sa Sunday School mula pa noong bata o kaya’y “nagpasiya” para kay Cristo subalit walang kasalukuyang interest na ipamuhay ang hinihingi ng pananampalataya.

3. At may iba pa na masipag sumali sa mga gawain…

a. Alam nila ang mga impormasyon ng mabuting balita ngunit hindi sumusunod sa Salita ng Diyos;

b. Maaaring masipag sila sa pagdalo sa iglesya dahil naghahanap sila ng mga masasayang damdamin, pagpapala, karanasan, kagalingan, himala, o mga kaloob;

c. Maaaring nagtatalaga sila sa denominasyon, sa iglesya, sa organisasyon, ngunit hindi sa Salita ng Diyos;

d. Interesado lamang sila sa teolohiya na parang sa paaralan lamang;

e. Anuman ang mga dahilan, ang marami (Mateo 7:22) na nagpapakilalang sila’y kay Cristo ay itataboy sa araw ng Paghahatol.

F. Hindi Katunayan ng Tunay na Kaligtasan ang Pangangaral, Pagpapalayas ng Demonyo, o Paggawa ng mga Kababalaghan

1. Madalas na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan din ng mga di ligtas na tao.

a. Ginamit Niya si Balaam (Mga Bilang 23:5) --- pati nga ang kanyang asno!

b. Nahulaan ni Caifas, ang masamang mataas na saserdote, ang kamatayan ni Cristo para sa bayang Israel (Juan 11:51-52).

2. Nakagagawa rin si Satanas ng malalaking himala, o kaya’y nakapandadaya siya.

a. Nagaya ng mga salamangkero ng Ehipto ang himalang ginawa ni Moises;

b. Ang mga masamang anak ni Esceva sa Gawa 19 ay nakapagpalayas ng demonyo;

c. Inihula ng Mateo 24:24 na may darating na mga bulaang cristo at propeta na gagawa ng mga nakamamanghang tanda;

d. Nakagagawa si Satanas ng mga nakamamanghang bagay, at gagawin niya halos ang lahat upang makapanglinlang ng mga di mananampalataya na isipin nilang sila’y ligtas na.

G. Pagsusumikap sa Kabanalan

1. Di magkapareho ang banal na pamumuhay sa mga pangangaral, pagpapalaya ng demonyo, o paggawa ng himala, at liban sa tunay na kabanalan, walang sinumang makakikita sa Diyos (Heb. 12:14).

a. Nais ng Diyos na maging salamin tayo ng Kanyang katangian (1 Pedro 1:15-16; Mat. 5:48);

b. Dahil ang Diyos ay banal, ang mga taong pinananahanan Niya ay uunlad patungo sa kabanalan; dahil ang Diyos ay ganap, ang mga tunay Niyang anak ay tutungo sa landasin ng Kanyang perpektong na pamantayan.

c. Kung ikaw ay naudlot, o dumudulas sa ibang direksyon, marapat lamang na suriin mo ang iyong sarili.

2. Ang pagsusumikap sa pamantayan ng kaperpektuhan ay di nangangahulugan na di tayo kailanman mabibigo.

a. Nangangahulugan ito na kapag tayo’y nabigo, hinaharap natin ito;

b. Yaong may tunay na pananampalataya ay tiyak na mabibigo---at sa maraming pagkakataon, masidhi at madalas na kabiguan---ngunit ang tunay na mananampalataya ay, bilang halimbawa ng kanyang buhay, ay nagsisisi sa kasalanan at lalapit sa Ama upang himingi ng kapatawaran. (1 Juan 1:9);

c. Kaperpetuhan ang pamantayan, direksyon ang panubok.

d. Kapag di nakikita sa iyong buhay ang paglago sa biyaya at katuwiran at kabanalan, kailangan mong suriin ang katunayan ng iyong pananampalataya---kahit na naniniwala kang marami ka nang nagawa sa pangalan ni Cristo.

II. Pakikinig na Walang Pagsunod; Ang Kasalanan ng Hungkag na Puso (7:24-27)

A. Huling Panawagan

1. Pinalawak ngayon ng ating Panginoon ang panganib ng parating na paghuhukom sa pamamagitan ng isang maiksing paglalarawan.

a. Ito na ang pagtatapos ng sermon ni Jesus sa bundok.

b. Dito tinipon Niya ang lahat ng Kanyang sinasabi tungkol sa pananampalataya, katuwiran at pangangailangan ng pamumuhay sa pamantayan ng Dyos.

2. Ang kuwentong ito ay isang malakas na salaysayin tungkol sa mga taong maraming kaalaman sa ulo ngunit hungkag sa pananampalataya ang mga puso.

a. Inihahambing nito ang mga taong sumusunod sa mga hindi.

b. May mga taong nakikinig at sumusunod sa mensahe, subalit may nakikinig naman na hindi.

c. Maliwanag na itinuturo ng ating Panginoon ang malaking kaibahan ng patutunguhan ng dalawang taong ito.

3. Nandito na ang huling pag-uulit ng pinakasentrong tema ng Sermon sa Bundok.

a. Di makapapasok sa kaharian ng Diyos (Mateo. 5:20) ang mga taong di tunay ang katuwiran.

b. Ang mga salitang ginamit at nakatuon sa mga taong nagsasabing kilala raw nila ang Diyos, nag-aakalang kabahagi sila ng kaharian, ngunit di naman naihahayag ng kanilang mga buhay ang katangian ng Hari.

B. Salaysay na Panaway sa Relihiyon ng mga Pariseo

1. Ang dalawang lalaki ay naglalarawan magkakaibang uri ng tagapakinig.

a. Pareho silang nagtindig ng mga bahay, Malamang pa nga ay nasa magkaparehong lugar dahil yaong isang bagyo at baha at tumama sa kanila.

b. Maaari ring pareho ang kanilang hugis at itsura, at ang kaibahan lamang na binanggit ni Jesus ay kung sa anong klaseng pundasyon sila nagtayo.

c. Ang isa’y nagtayo sa batuhan, at ang isa nama’y sa buhanginan.

2. Isa na naman itong malakas na pagsaway sa relihiyon ng mga Pariseo.

a. Wala silang pakialam sa espirituwalidad ng kaluluwa, sa kadalisayan ng puso, o sa paninindigan ng inaasal.

b. Sila’y mga ipokrito, abala lamang sa mga palabas, at di sa pagsunod sa Diyos.

c. Ang kanilang buong relihiyon ay parang gusali na nakatindig sa buhanginan.

d. Mukha lamang magandang tingnan sa una, ngunit isa lamang pagsasayang ng pagod sa katapusan, nakatalaga na sa tiyak na kawasakan.

3. Karamihan sa mga mensahe ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay nakatuon sa mga Pariseo at sa mga taong nalalason ng kanilang mga aral.

a. Ang mga Pariseo ay nananalangin, nag-aayuno, at nagbibigay ng kanilang mga abuloy, ngunit para lamang iparada ang kanilang pagbabanal-banalan at pagandahin ang kanilang mga reputasyon.

b. Sinimulan ni Jesus ang Kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagtawag sa kababaang-loob, pagsisisi, pagpapakumbaba, pagkagutom sa katuwiran, pagkamahabagin at kadalisayan (Mat. 5:1-8).

c. Ang mga ito’y pinagtatawanan lamang mga Pariseo. Mas kinalulugdan nila ang kayabangan, kapalaluang espirituwal, pagmamatuwid, at panlabas na gawaing relihiyoso.

4. Kaya naman, sinagot ito ni Jesus nang :

a. Hingin Niya ang katuwirang makahihigit sa katuwiran ng mga Pariseo (Mat. 5:20), ipinahihiwatig na may kakulangan ang kanilang relihiyon;

b. Ituwid Niya ang gawain ng mga Pariseo na pambubusisi sa kanilang relihiyon, kaya naman napapahintulutan silang masunod ang mga letra ng kautusan ngunit balewalain ang tunay nitong layunin (5:21-47);

c. Sundan Niya ito ng saway sa pamumuhay nilang puro pagpapaimbabaw (6:1-18);

d. Sitahin Niya ang kanilang mapanghatol na asal (7:1-5);

e. Pansinin Niya ang mga katuruan nilang hiwalay sa Kasulatan (tt. 15-20).

C. Naghamon si Jesus na Tugunan ng Pagkilos ang Kanyang mga Sinabi (7:24)

1. Sundin man nila o hindi, ito ang magiging pagsubok kung sila nga’y matalino o mangmang.

2. Sa katapusan, ang kanilang tugon ang magtatakda kung maririnig nila ang mga kahindik-hindik na pananalitang, “Lumayo kayo sa Akin, kayong mga mapaggawa ng masama! (7:23)”

3. Kahulugan ng pagtatayo sa batuhan.

a. Sabi ng ibang iskolar, sa Lumang Tipan tinawag daw ang Diyos na isang bato (Awit 18:2);

b. Ang iba naman ay nagsasabi na tinukoy ni Pablo si Cristo na siyang natatanging saligan (1 Cor. 3:11);

c. Ngunit hayaan lamang nating mangusap ang talatang 24: “Kayat ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita Kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.”

d. Ang pagsunod sa mga salita ni Cristo ay tulad ng pagtatayo sa ibabaw ng bato.

D. Patunay sa Bagong Tipan ng mga Mananampalayang Nagpapatuloy kay Cristo

1. Mga Talata

a. Colosas 1:21-23 --- “Dati, kayo’y malayo sa Diyos at naging kaaway Niya dahil sa inyong kasamaan. Ngunit dahil sa kamatayan ni Cristo, ginawa Niya kayong mga kaibigan… subalit kailangan kayong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya…”

b. Jacobo 1:22 --- “Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.”

c. 1 Juan 2:3-4 --- “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.”

d. Tito 1:15-16 --- “…sa masasama at di nananampalataya… sabi nila’y kilala nila ang Diyos, ngunit ito’y pinabubulaanan ng kanilang mga gawa. Sila’y kasuklam-suklam at suwail at di nararapat sa anumang mabuting gawain.”

2. Pagpapatuloy: Katibayan ng Pananampalataya

a. Ang mga talatang nabanggit ay nagtuturo na ang mga tunay na mananampalataya ay tumanggap kay Cristo ay nagpapatuloy sa Kanya.

b. Naririnig nila ang Kanyang Salita at ginagawa nila ito. Alam nila ang Kanyang mga utos, at sinusunod nila ito.

c. Hindi nila sasabihing kilala nila Siya subalit itatanggi naman sa kanilang mga gawa. Ang katibayan ng kaligtasan ay isang pamumuhay ng pagsunod.

3. Mabilisang paraan, mabilisang bunga ngunit di nagtatagal.

a. Isipan ninyo ito: ang isang tao ay nagtindig ng kanyang bahay sa mabilis at madaling paraan, samantalang ang isa naman ah nagtindig sa mahirap na paraan.

b. Ang pagtatayo sa buhangin ay di na nangangailangan ng paghahanda. Hindi kinakailangan na maghukay.

c. Ganito ang karamihan sa kasalukuyang ebanghelikalismo, nakatayo sa buhanginan.

1) Di na nagbibigay ng panahon para sa kumbiksyon ng kasalanan;

2) Walang pagkakataon para sa malalim na pagsisisi;

3) Walang pagkakataong maintindihan kung bakit dapat nating makita ang katunayan ng ating pagkaligaw;

4) At wala ring pagkakataon na mapakilos ang Banal na Espiritu.

d. Sabi ni A.W. Pink, “May mga ilan na nagsasabing sila;y ligtas na bago pa nila naramdaman na sila ay naliligaw.”

e. Napakaraming bumabanggit ng pangalan ni Jesus ang may kamangmangang nagtindig sa mababaw, dumudulas na buhanginan ng pakikinig ngunit di naman sumusunod (Mateo 7:26).

f. Ang kontemporaryong tatak ng Cristianismo ay naging mababaw, kinukunsinti ang mga taong hindi naghukay ng malalim at naglagay ng tamang pundasyon.

E. Nakaambang Paghahatol

1. Kinukuwenta ng taong matalino ang halaga ng kanyang itinatayo.

a. Basahin ang Lukas 14:28 at Mateo 7:24.

b. handa ang taong ito na humukay ng malalim, pinag-isipan niya ang pananagutan, nauunawaan niya kung ano ang kanyang pinagtatalagahan, at nais niyang gawin ito ng tama.

c. Ganyan ang taong nakikinig at sumusunod.

2. Paparating na ang araw ng paghuhukom.

a. Iyan ang tinutukoy ng hangin, ulan, at pagbaha (Mateo 7:25, 27). Magpaparating ang Diyos ng bagyo ng paghuhukom.

b. May ilan na makatitindig at may ilan na babagsak. Ang mga makatitindig ay mga tunay na mananampalataya; yun namang mga babagsak ay yaong di kailanman nanampalataya.

c. Makikita ang kaibahan kung pagsunod ang sumunod ng pakikinig, kung isang pamumuhay na matuwid ang sumunod sa pamamahayag ng pananampalataya.

3. Ano ang naging tugon sa sermon ni Jesus?

a. Libu-libo ba ang naligtas? Nagkaroon ba ng panunumbalik sa Diyos ang mga tao? Wala! Kung may nagsisi man, hindi ito binanggit.

b. Sinabi ng Mateo 7:28-29, “Nang masabi na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo Siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.”

1) Sinuri lamang nila ang estilo ni Jesus! Sila’y namangha! Sa Griego, ang ibig sabihin nito ay na-shock sila sa lalim ng katotohan at husay ng pagtuturo.

2) Wala pa kasing guro na nagbigay ng ganito katinding babala at kumompronta sa mga punong pangrelihiyon! Ni hindi rin niya binanggit ang mga turo ng mga rabi.

3) Nangaral siya ng buong tapang at tumindig sa Kanyang sariling makapangyarihang pangungusap. Humanga ang mga tao sa Kanya.

c. Ngunit hindi nakapagliligtas ang ganitong tugon; nagsimula na silang magtayo sa buhanginan.

1) Walang nagsisisi, walang nagpahayag ng pagsunod----tanging pagsusuri lamang.

2) At diyan sila nagtapos.

Pagtatapos


[1] John Calvin, Institues of the Christian Religion, 2 vols. (Grand Rapids: Zondervan, 1972), 2:99, emphasis added.
[2] Sa 1 Corinto 1:2 at 6:11, halimbawa, ang lahat ng mananampalataya ay sinasabing napaging-banal.
[3] D. Martyn-Lloyd Jones, Romans: The New Man (Grand Rapids: Zondervan, 1974), 190.

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.