Ang Pangako ng Pagpapawalang-Sala

Panimula


Pagtalakay


I. Ano ang Pagpapawalang-sala?

A. Tema ng Mga Mensahe ni Jesus

1. Bihirang gamitin ni Jesus ang terminong ito. Subalit ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay namamalaging tema ng Kanyang mga pangangaral.

2. Pansinin ang talinhaga ng Pariseo at maniningil ng buwis na nakasulat sa Lukas 18:9-13.

a. Sa tingin ninyo kaya ay hindi nangabigla ang mga Pariseo nang tapusin Niya ang talinhagang ito sa t. 14?

b. Inihahayag ng talinhaga na ang pagpapawalang-sala ay daglian (instantaneously). Umuwi ang nagsisising maniningil ng buwis na napawalang-sala na.

c. Wala nang lumipas na sandali --- wala nang penitensya o sakramento ng kumpisal, wala nang rituwal, wala nang anupamang gagawin upang maging buo ang pagtanggap ng Diyos sa kanya.

d. Lahat ay nagawa na para sa kanya. Siya ay napawalang-sala nang oras ding yaon.

3. Hindi na rito ipinaliwanag ni Jesus ang teolohiya ng pagpapawalang-sala. Ikinuwento lamang Niya ang katunayan nito.

4. Ang talinhagang ito ay mahusay na larawan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, ganap na kasundo sa doktrina na ipaliliwanag ni Pablo sa Roma 3-5.

B. Pakahulugan

1. Ang pagpapawalang-sala ay maaaring ipakahulugan na isang gawa ng Diyos kung saan ipinapataw Niya sa makasalanang sumasampalataya ang buo at perpektong katuwiran ni Cristo, pinatatawad ang makasalanan sa lahat ng kanyang kasamaan, at dinedeklara siyang ganap na matuwid sa harap ng Diyos, kaya’t naililigtas ang mananampalataya mula sa kaparusahan.

2. Maraming sangkap ang pakahulugan na ito.

a. ipinataw na katuwiran

b. pagpapatawad ng mga kasalanan

c. bagong kalagayan sa harap ng Diyos

d. at binabaligtad nito ang poot ng Diyos

3. Lahat ito’y nagpapakilala na ang pagpapawalang-sala ay isang hatol na pambatas (legal verdict).

a. Isa itong ipinataw na katotohanan na naganap sa hukuman ng Diyos, hindi sa puso ng makasalanan.

b. Sa madaling salita, ang pagpapawalang-sala ay isang dagliang pagbabago ng kalagayan ng tao sa harap ng Diyos, hindi ito dahan-dahang pagbabago na nagaganap sa katauhan ng pinapawalang-sala.

C. Seryosong Pagkakamali na Dapat Iwasan sa Pag-unawa ng Pagpapawalang-sala

1. Huwag magkamaling malito na ang pagpapawalang-sala ay pagpapabanal.

a. Ang pagpapabanal ay gawa ng Diyos kung saan inihihiwalay ng Diyos ang mananampalataya mula sa kasalanan. Ito ay praktikal na katunayan, hindi simpleng pang-legal na deklarasyon.

b. Ang pagpapabanal ay pagbabago sa pagkatao ng makasalanan, hindi lamang ito bagong kalagayan sa harap ng Diyos.

c. Nang pagsamahin ng Iglesia Catolica Romana ang pagpapabanal bilang aspeto ng pagpapawalang-sala, naging imposible nang maging daglian ang pagpapawalang-sala.

d. Ang mas malala pa nito, ang pananaw na ito ay inihahalili ang sariling di-perpektong katuwiran ng mananampalataya kapalit ng walang bahid-dungis na katuwiran ni Cristo bilang batayan ng pagpapawalang-sala.

2. Huwag papaghiwalayin ng sobrang layo sa isa’t-isa ang pagpapawalang-sala at pagpapabanal, dahil mas mabibigyan ng pahalaga ang nauna na hindi na kakailanganin ang nahuli.

a. Ito ang maling doktrina ng antinomianism --- napawalang-sala na kaya’t di na kailangang magpakabanal.

b. Hindi pinawawalang-sala ng Diyos ang sinumang hindi Niya pinapabanal. Hindi ibinibigay ng Diyos ang pagpapawalang-sala bilang nag-iisang paraan ng kaligtasan.

c. Ang paghirang, pagkapanganak na mag-uli, pananampalataya, pagpapawalang-sala, pagpapabanal, at pati na pagbibigay Niya ng karangalan ay lahat magkakasamang sangkap ng gawain ng pagliligtas ng Diyos (Roma 8:29-30).

II. Ipinalagay na Katuwiran

A. Panlutas sa Suliranin ng Kasalanan

1. Ang panulukang-bato ng pagpapawalang-sala ng Diyos ay ang paglilipat ng katuwiran sa katayuan ng mananampalataya.

a. Ang katotohanang ito ang siyang naghihiwalay ng Cristianong doktrina laban sa bawat uri ng huwad na relihiyon.

b. Ang tawag natin dito ay “ipinalagay na katuwiran.” Liban dito, ganap na imposible ang kaligtasan.

2. Ang taong nagkasala ay may utang na imposibleng mabayaran.

a. Si James Buchanan, pantas sa teolohiya, ay sumulat ng ganito: “Ang budhing nagkasala (guilt) ay hindi kayang pawiin ng pagsisisi o kaya’y ng kapangakang muli; maaari ngang mapabuti o mapanibago nito ang katauhan, subalit ang hatol ng Diyos na kaparusahan ay maaari lamang mabaligtad ng kapatawarang gawa ng Diyos.”2

b. Pinarurumi tayo ng kasalanan. Basahin ang sinabi ni Santiago sa 2:10. Walang anumang dami ng mabuting gawa ang makapapawi kahit na isang kasalanan.

3. Hindi mapapalampas ng matuwid na Diyos ang kasalanan.

a. Kailangang may magbayad ng kasalanan. Basahin ang Roma 6:23.

b. Subalit ang pagbabayad lamang ay di sapat upang malutas ang suliranin ng kasalanan.

1) Kung maaari sigurong papagbayarin ng Diyos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, wala pa rin silang batayan o merito na tumayo sa harap ng Diyos.

2) Samantalang ang kanilang kasalanan sa kanilang mga budhi ay mabubura, kapos pa rin sila sa perpektong katuwiran na hinihingi ng Diyos (Matthew 5:20, 48).

4. Nag-alay si Cristo ng Kanyang dugo bilang pambayad sa kasalanan.

a. Ito ang nagkakaloob ng kapatawaran.

b. Kung paanong ibinilang sa Kanya ang ating mga kasalanan nang ipako Siya sa krus, ngayon naman ay ibinibilang na atin na ang Kanyang katuwiran.

c. Ang Kanyang perpektong katuwiran ang siyang nagiging batayan kung saan tayo nakatatayo sa harap ng Diyos.

B. Ipinahayag Tayong Matuwid Dahil sa Perpektong Katuwiran ni Cristo

1. Ito ang napakalahagang punto na nagkakasundo ang mga Protestante sa buong kasaysayan:

a. Ang mga makasalanan ay hindi napapawalang-sala dahil sa anumang mabuting bagay na mayroon sila;

b. Maihahayag nga ng Diyos na sila’y matuwid na, dahil una sa lahat, itinuturing Niya na sumasakanila ang perpektong katuwiran ni Cristo.

2. Kahit nga yung pagpapabanal ng Diyos o gawain ng pagpapanganak na muli sa ating mga puso ay hindi nakapagpapawalang-sala.

3. Posible lamang na mapawalang-sala tayo sa pamamagitan ng ibinilang na perpektong katuwiran ni Cristo:

a. Roma 4:5 --- “Datapuwa’t ang hindi gumagawa kundi nananalig sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay pinawalang-sala dahil sa kanyang pananalig.”

b. Roma 5:17 --- “Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao –- si Jesu-Cristo --- higit ang kinamtan ng mga kinahabagan nang sagana at pinawalang-sala: sila’y maghahari sa buhay.”

c. Roma 5:19 --- “… gayon din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunog ng isang tao.” (Basahin sa Ingles na bersion.)

d. Roma 3:21-22 --- “Ngunit ngayo’y nahayag na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao. Ito’y hindi sa pamamagitan ng batas, bagama’t ito’y pinatotohanan ng Kautusan at mga propeta. Pinawawalang-sala ng Diyos ang lahat ng nananalig kay Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa Kanya…”

e. 2 Corinto 5:21 --- “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, Siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa Kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan Niya.”

f. Filipos 3:9 --- “Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng Kautusan kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya.”

III. Kapatawaran ng Mga Kasalanan

A. Garantisado: Pinawi ang Kasalanan

1. Tinitiyak ng pagpapawalang-sala ang kapatawaran at pagpapawi ng mga kasalanan.

a. Hindi ito ang pagpapatawad na pinalalampas o binabale-wala lamang ang mga kasamaan.

b. Kung binale-wala lamang ng Diyos ang mga kasalanan, nalagay sa alanganin ang Kanyang kabanalan.

2. Sa halip, ang kaparusahang hinihingi ng kasalanan ay ganap na nabayaran sa kamatayan ni Cristo.

a. Basahin ang Roma 3:24-26, at sagutin ang mga tanong na ito.

b. Sino ang itinakda ng Diyos na maging handog? Kaninong dugo ang ibububo upang maipatawad ang kasalanan ng tao?

c. Bakit ito ginawa ng Diyos? Sino ang pinawawalang-sala? Bakit natuturing na matuwid ang Diyos sa pagpapawalang-sala Niya sa mga nananalig?

B. Pinagkasundo ni Cristo: Diyos at Tao

1. Makapagpapawalang-sala ang Diyos nang hindi kailangang dungisan ang Kanyang katuwiran dahil nga naghandog si Cristo ng pampahupa ng galit ng Diyos sa kasalanan.

a. Nagpahupa o nagpayapa – inilalarawan nito ang pagkakasundo ng Diyos sa makasalanan.

b. Binayaran ni Cristo ang ating kasalanan, kaya’t napayapa ang Diyos

2. Sa madaling salita, madali na sa Diyos ang tayo’y patawarin, pagkat natanggal ang alitan.

3. Ganap na nabayaran ang pagkakautang, kaya’t maaaring tanggapin ng Diyos ang mga makasalanang sumasampalataya nang hindi nadudungisan ang Kanyang katuwiran.

IV. Isang Bagong Katayuan

A. Hindi Matanggap ng mga Nagmamatuwid

1. Sa Lukas 18:14 ay inilalarawan ni Cristo ang bagong katayuan ng publikanong nagsisisi sa kanyang kasalanan.

a. Hindi mahirap isipin kung anong laking galit ng mga Pariseo ng isalaysay ito ni Jesus.

b. Sa katunayan, sinasabi Niya sa kanila na higit na tinatanggap ng Diyos ang kalunos-lunos na publikanong nagsisisi kaysa sa kanila.

B. Nagtiwala sa Sariling Katuwiran

1. Naghahangad ng kapatawaran ang Pariseo sa pamamagitan ng sariling katuwiran.

a. Ang tingin nila sa sarili’y matuwid at nanghahamak naman ng iba (Lukas 18:9)

b. Basahin din ang t. 11-12 upang makita kung paanong magmatuwid ang Pariseo.

2. Ang karaniwan nating tawag sa mga ganyang tao ay nagmamatuwid.

a. Alam ninyo ba kung bakit? Ito’y dahil inaakala nilang mayroon silang sapat na pansariling katuwiran at di na nakikita ang pangangailangan ng ipinapataw na katuwiran.

C. Nagsisisi at Nanghihingi ng Habag ang Publikano

1. Hindi nangangarap ng gising ang publikano.

a. Ang tanging magagawa lamang niya ay magsisisi at magmakaawa.

2. Kaya naman perpektong katuwiran ang ipinataw sa kanya.

3. Walang hanggan na siyang nakatindig sa harap ng Diyos na ganap na napawalang-sala.

V. Bumaligtad ang Poot ng Diyos

A. Pagpapawalang-sala ang Kabaligtaran ng Kaparusahan

1. Isa sa pinapagpalang katotohanan ng Biblia ay matatagpuan sa Roma 8:1.

a. “Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.”

b. Naging posible lamang ito dahil sa pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya.

2. Wala nang dapat tayong ikatakot sa kaparusahan.

a. Walang makatatakas sa poot ng Diyos kung ang pakikitungo ng Diyos sa atin ay nakabatay sa ating pag-uugali.

b. Dahil nga lahat tayo’y mga masasamang tao --- kahit na ang pinakamagulang na mananampalataya ni Cristo (Roma 7:24).

c. Napawalang-sala na tayo ng Diyos.

3. Ano kaya, sa tingin ninyo, ang nangyari sa publikano doon sa talinhaga ni Jesus?

a. Nagpatuloy kaya siya sa pananalangin na may takot at siphayo linggo linggo? Hindi na siyempre.

b. Tulad nina Mateo at Zaqueo, dalawang tunay na publikano na atin ding nakilala, nadiskubre ng lalaking ito na pagpapawalang-sala lamang ang tanging nakapagbibigay ng posibleng tugon mula sa bigat ng pagkakasala.

B. Ang Pagpapawalang-sala at ang Buhay ng Mananampalataya

1. Kinalaban ni Luther ang Antinomianism

a. Si Luther mismo ang nagbigay ng pangalan sa pananaw na ito --- pagpapawalang-sala liban sa pagpapabanal.

b. Doon pa lamang sa kapanahunan niya ay may mga nagsisimula nang baluktutin ang doktrina ng pagpapawakang-sala. Sinasabi nila na hindi na raw kailangan ang:

1) pangangaral ng tungkol sa kautusan;

2) pagsunod sa kautusan;

3) o pagpapabanal bilang katibayan ng pagpapawalang-sala.

c. Ang sagot ni Luther sa antonomianism ay pangangaral ng kautusan ng Diyos, dahil tama niyang naunawaan na yaong mga umaasa sa pangako ng pagpapawalang-sala habang nabubuhay naman sa walang habas na kasalanan ay napatutunayan na ang kanilang kasiguruhang pinaghahawakan ay huwad.

2. Pinahihintulutan ba ng pagpapawalang-sala ang buhay na walang pagpipigil?

a. Hindi, kung ang doktrina ay naunawaang mabuti. Inaasahan ni Pablo ang argumento ng antinomianismo sa Roma 6:1 at 15.

b. Roma 6 ang panagot ni Pablo dito at sinasabi niya na ang ating pakikipag-isa kay Cristo ang gumagarantiya na hindi tayo kailanman alipin ng kasalanan (t. 6-7)

3. Sa mga laban sa Lordship salvation…

a. Karaniwan na nilang ibinabatay ang kanilang teolohiya sa maling pag-aakala na ang gawa ng Diyos sa pagliligtas ay huminto sa pagpapawalang-sala.

b. Ang pagpapabanal, pagsunod, pagsuko, at lahat ng aspeto ng pagsasadisipulo ay naiwan na sa mga mananampalataya kung gaganapin man nila o hindi.

c. Kaya kahit na ipinangangalandakan nila ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya liban sa gawa, sa katunayan ay napagtibay nila ang isang sistema na halos o ganap na nakaasa sa gawa ng tao upang makitaan ng kahit na anong sukat ng praktikal na katuwiran.

4. Mabuti na lamang hindi inabandona ng Mabuting Balita ni Jesus ang mananampalataya na umasa sa kanilang sariling lakas.

a. Ang maluwalhating pagpapawalang-sala na binanggit ng ating Panginoon ay simula pa lamang ng masaganang pamumuhay na Kanyang ipinangako (cf. Juan 10:10).

b. Sabi sa Juan 7:38, “Ayon sa sinasabi ng Kasulatan: Mula sa puso ng nananalig sa Akjin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay buhay.”

c. Ang pagliligtas na Kanyang ipinangako ay di lamang nagdadala ng pagpapawalang-sala, kundi pagpapabanal, kaisahan sa Kanya, pananahan ng Banal na Epiritu, at isang walang hanggang pagpapala.

Pagtatapos


1 Martin Luther, Table Talk, Theodore G. Tappert, ed., sa Helmut T. Lehman, gen.ed., Luther’s Works, 55 vols. (Philadelphia: Fortress, 1967), 54:308-9.
2 Nabanggit sa John Murray, Collected Writings, 4 vols. (Edinburgh: Banner of Truth, 1977), 2:202.

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.