Ang Nawawala at ang Natagpuan
Panimula
- Ang pagtutubos ng Diyos ay hindi isang paglilista lamang ng kung sino ang papasok sa langit at sino ang hindi. Siya ay umiiyak sa mga nawawala at nagsasaya sa tuwing may naliligtas.
- Sa kabanatang 15 ng Lukas ay nagsalaysay ang Panginoong Jesus ng mga talinhaga na naglalarawan ng awa ng Amang nasa Langit sa mga naliligaw na makasalanan at ang Kanyang kagalakan sa kanilang pagkakaligtas.
- Dalawa sa tatlong talinhagang ito ay hindi diretsahang hinaharap ang mga paksa ng pagpapasakop sa pagka-Panginoon ni Cristo, pagsisisi, pananampalataya, at kahit anupang aspeto ng tugon ng tao. Sila’y isinama pa rin sa pagtalakay na ito dahil ang katotohanan na kanilang itinuturo ay mahalagang sangkap sa mabuting balita ni Jesus.
- Ang tatlong talinhaga ito na pinagsama-sama ay nakapagbibigay sa atin ng pagkakataong masilip ang puso ng maibiging Diyos na matiyagang hinahanap ang mga naliligaw na kaluluwa at “binibigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi Niya nais na kayo’y mapahamak” (2 Pedro 3:9).
- Sabi ng Lukas 15:1-2, “Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus. Nabulong-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, `ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.’”
- Ganyan ang kalagayan ng eksena bago Siya nagsalaysay ng talinhaga. Ang salitang “nagsisilapit” mula sa Griyego ay nagpapakita ng patuloy na gawain. Ibig sabihin, nakasanayan nang lumapit ng mga publikano at ng mga makasalanan kay Jesus.
- Mapapansin na na nagulumihanan ang mga Pariseo at eskriba. Masyado silang abala sa detalyadong pagsunod sa batas at nawalan na sila ng panahon sa mga pusakal na makasalanan.
- Lalo ring hindi nila masikmura ang isang Mesias na tanyag sa mga isinusuka ng lipunan habang Siya nama’y masidhing kritiko ng mga tradisyong rabinikal.
- Dahil nalalaman ni Jesus ang nilalaman ng puso ng mga Pariseo, ginamit Niya ang tatlong talinhagang ito upang sawayin sila at inihambing ang nagmamatuwid nilang pag-uugali sa mahabaging puso ng Diyos para sa mga naliligaw ng landas.
- Iisa lamang ang punto ng tatlong talinhagang ito: hindi nakaupo lamang ang Diyos na walang pakialam habang may mga taong patutungo na sa impyerno.
- Hindi Niya ikinatutuwa ang kapuksaan ng mga masasama. Sa halip, inibig Niya sila, hinahanap Niya sila, at hinahangad Niyang sila’y maligtas. At Siya’y galak na galak sa katubusan ng kahit isang makasalanan.
Pagtalakay
I. Ang Isandaang Tupa (Lukas 15:4-6)
A. Asal ng Namamastol
1. Ganito ang nakasanayang ugali ng isang namamastol.
a. “Sinuman sa inyo” --- mga katagang nagpapahiwatig na inaasahan ang ganitong ugali kahit sa isang namamastol lamang ng tupa.
b. Walang namamastol na karapat-dapat tumanggap ng kanyang bayad ang masisiyahan sa natirang 99 mula sa 100 na tupang itinagubilin sa kanya.
c. Isang normal na gawi ang kanyang iwanan sa ligtas na kulungan ang 99 upang hanapin ang isang nawawalang tupa.
2. Dahil sa pagmamahal nila sa mga tupa at hindi lamang tungkulin.
a. Ayon sa Juan 10:3, gaano kakilala ng namamastol ang kanyang mga tupa?
b. Gabi-gabi niyang binibilang at sinusuri ang bawat tupa kapag sila’y nagsibalikan na sa kawan. Kapag may nawawala, tiyak na lalabas siya sa dilim ng gabi upang hanapin ang nawawala.
B. Naguumapaw na Galak Kapag Natagpuan ang Nawawalang Tupa
1. Papasanin ng namamastol ang natagpuan tupa sa kanyang balikat at tiyak na tatawagin ang kanyang mga kapitbahay upang makasama niya sa pagsasaya.
2. Hindi ito isang pangyayaring mag-isa lamang siyang magsasaya, dahil nag-uumapaaw ang kanyang kagalakan, kailangan niyang tawagin ang iba upang maksalo niya sa katuwaan.
C. Nagsasaya rin ang Diyos
1. Ang punto ni Jesus ay nakasulat sa t. 7, “Sinasabi Ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid ba hindi nangangailangang magsisi.”
2. Sa madaling salita, tumatawag ang Diyos ng pagsasaya sa langit.
a. Higit pa nga kaysa ginagawang pagsasaya ng namamastol sapagkat ang sa kanila’y tupa o hayup lamang, ngunit ang ikinasisiya ng Diyos ay taong nagsisisi.
b. Ang Diyos nga ang naghahanap na Pastol na tanging naisin ay iligtas ang nawawalang tupa.
3. Hindi lamang naglilista ang Diyos sa Kanyang aklat sa tuwing may taong maliligtas, hinahanap Niya sila upang mailigtas. At kapag natagpuan na ang naliligaw na tupa at nailagay sa kawan, hindi halos magkamayaw ang buong kalangitan sa tindi ng Kanyang kagalakan.
II. Ang Sampung Salaping Pilak (15:8-10)
A. Kaparehong Punto Ngunit Ibang Talinhaga
1. Ang salaping pilak ay mga denaryo.
a. Katumbas ito ng isang araw na suweldo.
b. Ito rin ang salaping ipinambayad sa mga manggagawa sa talinhaga ng Mateo 20.
2. Hinanap ang nawawalang salaping pilak at nag-uumapaw sa galak ng matagpuan.
a. Nagsindi pa siya ng ilaw at nagwalis sa buong bahay upang hanapin ang nawawalang salaping pilak.
b. Nang matagpuan ng babae ito, pareho ang reaksyon nila ng namamastol, nag-uumapaw siya sa galak at niyaya niya ang mga kapitbahay at kaibigan upang magsaya.
B. Kagalakan sa Langit
1. Pansinin sa t. 10, “gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.”
a. Ang salin sa Ingles ay ganito, “joy in the presence of the angels.” Hindi naman sinasabi na ang mga anghel ang nagagalak. Kaninong kagalakan ito?
b. Kagalakan ito ng Tatlong Persona ng Diyos na nagaganap sa harap ng mga anghel.
2. Siyempre, kasama ang mga angehl na nakikigalak, ngunit ang idinidiin ng talinhaga ay ang kagalakan ng Diyos.
3. Kung naging maingat na mag-aaral lamang ng Kasulatan ang mga Pariseo, higit sana nilang naunawaan ang bahaging ito ng katangian ng Diyos. Maliwanag na inihahayag ng Lumang Tipan ang isang Diyos na mahabagin.
a. Ezekiel 33:11 --- “Sabihin mong ipinasasabi Ko na Akong si Yahweh, ang buhay na Diyos, ay hindi natutuwa ang ang sinuma’y mamatay sa kanyang kasamaan.”
b. Isaias 62:5 --- “… Kung gaano kaligaya ang kasintahang lalaki sa araw ng kanyang kasal, gayon magagalak sa iyo ang Diyos.”
c. Ganito nga ang larawan ng mga talinhagang ito. Hindi mapigilang kagalakan, nag-uumapaw na kasiyahan, at walang pigil na pagsasaya. Ganyan ang tingin ng Diyos sa kaligtasan ng isang kaluluwa.
III. Ang Dalawang Anak (15:11-32)
A. Nakakasukang Asal ng Bunsong Anak
1. Hiniling ng bunsong anak na ibigay na ang kanyang mamanahin.
a. Hindi karaniwang ginagawa ng mga anak sa kultura ng mga tao noon.
b. Dahil nga hiningi na niya kaagad ang kanyang mamanahin, para na rin niyang sinabi ng harapan sa kanyang ama na mamatay na siya.
2. Parehong ibinigay ng ama ang mamanahin ng bunso at panganay na anak (t. 12)
a. Hindi na tumanggi ang ama sa hiling ng bunsong anak, at buong kagandahang-loob na ibingay na rin ang mamanahin ng panganay na anak.
b. Malamang na halos mabiyak ang puso ng ama sa kahilingan ito ng bunsong anak. Natatakot siyang, malulustay lamang ng anak ang kanyang buong minana.
B. Paghihirap at Pagsisisi ng Bunsong Anak
1. Tulad ng inaasahan ng ama, nilustay nga ng bunsong anak ang kanyang yaman sa pamumuhay ng walang kapararakan.
a. Dumating ang panahon ng tag-gutom, siya ay namuhay na isang mahirap at nagtrabaho sa isang babuyan.
b. Halos kainin na rin niya ang kaning-baboy sa tindi ng inabot niyang gutom
c. Dito sa puntong ito siya nakapag-isip-isip.
2. Inamin niya ang kanyang pagkakamali at nagsisisi siya sa kanyang nagawa.
a. Ikinalungkot niya ang kanyang naging kalagayan na nagdulot sa kanya ng malalim pagsisisi (cf. 2 Corinto 7:9-10).
1) Nakita niya ang kanyang pangangailangan;
2) Pagkatapos ay inamin niya ang kanyang maling nagawa;
3) Inamin niya ang kanyang pagkakasala ay di lamang sa kanyang sariling ama, kundi sa Amang nasa langit kung saan nilabag niya ang batas Nito (t. 18).
4) Nagdesisyon siya na humingi ng tawad at tanggapin ang anumang magiging kaparusahan nito.
b. Sa t. 19, pinlano na niyang aminin ang kanyang kasalanan laban sa Diyos at sa sariling ama, at hihilingin niyang siya’y gawin na lamang isa sa mga utusan.
B. Pagbabagong-loob ng Anak tungo sa Tunay na Pagsisisi
1. Maliwanag na larawan ng may pananampalatayang pagsisisi ang makikita sa naging pagkilos ng anak.
a. Pansinin ang walang pasubaling pagnanais na magbago, kanyang pagpapakumbaba, at di kusang-loob na gawin ang anumang ipagagawa sa kanya ng kanyang ama.
b. Nagsimula siyang pilit na hiningi ng maaga ang kanyang mana, ngayon ay kusang-loob at handa nang maging alipin ng ama. Siya ay ganap na nagbabalik-loob.
c. Sumusuko siya ng walang kundisyon --- isang ganap na pagbitiw sa kapakanan ng sarili at lubos na pagpapasakop sa kanyang ama.
2. Dahil nagdesisyon na siyang manumbalik sa kanyang ama, ito ay kanya na ring inaksyunan (t. 20).
a. Di-tulad ng iba na nagsasabi gagawin nila ang ganito ngunit hindi naman gagawin (Mateo 21:28-32), ang anak ay dali-daling tumindig at nagtungo pabalik sa kanyang ama.
b. Ang kanyang pagsisisi ay ganap at lubos na pabaligtad na gawain. Siya ay nagging aba ang loob. Nagluluksa siya sa kanyang ginawang kasalanan.
c. Hindi na siya ang dating arogante at mayabang na anak. Ibang-iba na ang kanyang inaasal kaysa sa noong siya’y paalis sa tahanan ng kanyang ama.
C. Ang Pagpapatawad at Pagtanggap ng Ama
1. Bakit kaya malayo pa siya sa tahanan ng ama ay sinalubong na siya nito?
a. Malamang na ang ama ay laging lumalabas upang hanapin ang anak, o kaya’y nag-aabang sa labasan sakaling bumalik ang nawawalang anak.
b. Kita natin ditto ang larawan ng ating Amang nasa langit, naghahanap sa mga naliligaw o nawawalang makasalanan.
c. Ang Diyos ay matagal nang nag-aabang sa mga taong nagkasala (na nawawala) at sa ating paglapit sa Kanya ng may pagsisisi, Siya rin ang unang yayakap sa atin.
2. Nalimot na ng Ama ang kanyang kasalanan.
a. Ni hindi na nasabi ng anak ang kanyang pinaplanong sabihin na siya’y gawin na lamang isang alipin, dali-daling nagpakuha ng kanyang ama ng pinakamahusy na damit para isuot sa anak.
b. Sa halip na siya’y parusahan, nagpahanda pa ang ama ng isang piging upang magsaya sa pagbabalik ng anak na naligaw.
c. Hindi na mahalaga sa ama ang ginawang paglustay sa kayamanang ipinamana niya o ang nasayang na buhay ng kalayawan ng kanyang anak na naligaw. Siya’y nawala, ngunit nasumpungan (t. 23).
D. Nagalit ang Panganay na Anak (t. 25-32)
1. Maaalala ninyo na ibinigay rin ng ama ang mana ng panganay na anak, noong hingin ng bunsong anak ang kanyang mamanahin. (t. 12).
a. Ngunit sa halip na lustayin niya ito, siya’y nanatili sa tahanan at naglingkod sa ama.
b. Sa katunayan, nasa bukid siya noon at nagsasaka nang bumalik ang bunsong kapatid (t. 25).
c. Ngunit sa halip na matuwa, siya’y nagalit nang malamang nagpahanda ng piging ang kanyang ama para sa kapatid na umuwi.
d. Ni ayaw niyang pumasok sa loob ng bahay, ayaw niyang makihalubilo sa kapatid na nagkasala. Kinapos siya ng habag na buong gandang-loob na ibinigay ng ama sa bunsong kapatid.
2. Karumal-dumal na asal ng panganay na anak
a. Maaaring ayon sa kultura natin ay masasabing mas naging dapat ang asal ng panganay kaysa sa naging kalayawan ng bunsong anak. Ngunit, magkasintulad lamang sila na kahiya-hiya ang inasal.
b. Wala naman talagang tunay na pag-ibig ang panganay na anak sa ama, kasi kung mayroon man disin sana’y nakigalak siya sa kagalakan ng kanyang ama.
c. Ang kanyang naging paglilingkod niya sa ama sa maraming taon ay isa lamang rituwal na kailangan niyang gawin Mas mahalaga sa kanya kung ano ang kanyang dapat na makamit (t. 29). Wala siyang tunay na pagkaunawa sa puso ng kanyang ama.
d. Siya rin pala ay isa ring anak na naliligaw at siya rin ay hinanap ng ama (t. 28).
Pagtatapos
- Lagi ngang hinahanap ng Diyos ang mga taong nawawala, ngunit kailangan nilang makita na sila nga ay nawawala. At karaniwan na, yaong mas palasak, lapastangan, at kasuka-sukang makasalanan ang mas madaling makaunawa ng kanilang kalugmukan sa kasalanan kaysa sa mga taong napakataas na ng naaabot sa relihiyon at pagkamakatuwiran.
- Ang mga taong mala-pariseo katulad ng nabanggit ay hindi matanggap na maaaring mapatawad ang mga makasalanan---lalo na yaong mga lubog sa kasalanan. Hindi nila maintindihan ang pagsisisi.
- Hinahanap ng Diyos ang mga nawawala. Ang mga taong kinikilala ang kanilang kasalanan at tumatalikod dito ay makatatagpo sa Diyos Ama na patakbong sasalubungin sila at yayakapin.
- Doon sa mga nag-aakalang mas mabuti na ang kanilang kalagayan at hindi na nangangailangang kahabagan, ay hindi mayaya sa pagsasaya ng Ama at hindi makararanas ng walang katapusang kagalakan ng isang Amang puno ng pag-ibig.
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)
©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.