Ang Kayamanan ng Kaharian ng Diyos
Panimula
- Sabi ng isang Calvinist, ang iglesya sa ngayong panahon ay karaniwan nang hindi naihahayag ng sapat na linaw ang mabuting balita upang tanggihan ng mga hindi hinirang. May punto nga naman siya. Ang ebanghelyo na pinatanyag sa ating panahon ay isang placebo na binalutan ng asukal na dinesenyo para amuin ang mga makasalanan kaysa sila ay papagbalikin-loob sa Diyos.
- Ngunit ang mabuting balita ni Jesus ay lantad na kabaligtaran nito. Maraming pagkakataon na halos itaboy Niya ang mga taong mukhang interesado, bakit? Dahil paulit-ulit na hinihingi Niya ang ganap na pagpapasakop sa Kanyang pagka-Panginoon sa sinumang nagnanais na makamit ang buhay na walang hanggan [Marcos 8:34-37].
- May ibang mangangaral na pinalalambot ito at sinasabing ang kahulugan daw ng mga talatang ito ay isang pagtawag daw ng pagtatalaga sa mga taong ligtas na. Ngunit sa katumbas na pananalita ng Panginoon sa Juan 12:24-25, hindi na maitatanggi na ang tinatalakay Niya ay tungkol sa buhay na walang hanggan at kaligtasan:: "Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan."
Pagtalakay
I. Ang Aral ng Dalawang Talinhaga
Dalawang talinhaga sa Mateo 13:44-46 ang naglalarawan ng walang pagbabagong itinuturo ni Jesus na: Ang pananampalataya ay ang ganap na pakikipagpalitan ng lahat ng ating pagkatao sa kalahatan ng kung sino si Cristo.
A. Ang Punto ng Talinhaga
1. Iisa lamang ang pinupunto ng dalawang talinhagag ito:
a. Ang isang makasalanan na nauunawaan ang walang kasinghalagang kayamanan ng kaharian ng Diyos ay buong kagalakang isusuko ang lahat ng kanyang itinatangi sa buhay upang makamtan ito.
b. Ang katumbas na katotohanan nito ay maliwanag din: yaon namang nangungunyapit sa kanilang mga kayamanan sa lupa ay nawawalan naman ng karapatan sa mas higit na yaman ng kaharian ng Diyos.
2. Salungat na pakahulugan ng ibang mga mag-aaral ng Kasulatan
a. Sa pananaw nila, si Cristo, hindi ang makasalanan, ang nagbenta ng lahat upang makamtan Niya ang mahalagang kayamanan at perlas.
b. Halimbawa, ito ang isinulat ni C.I. Scofield,
Ang interpretasyong ito sa talinhaga ng kayamanan, na sinasabing ang mamimili ng bukid ay ang makasalanan na naghahanap kay Cristo, ay walang matibay na batayan diyan sa talinhaga mismo. Ang bukid ay ipinakilala (sa t. 38) na ito ang sanlibutan. Ang naghahanap na makasalanan ay hindi nammimili, kundi tatalikuran, ang sanlibutan upang makamtan si Cristo. Bukod pa rito, wala namang maibebenta ang makasalanan, at lalong hindi naman ibinibenta si Cristo, at hindi rin Siya nakatago sa bukid, o kaya naman, pagkatapos matagpuan si Cristo, ay muli Siyang itatago ng makasalanan. (cf. Marcos 7:24; Gawa 4:20). Sa bawat punto, nawawasak na ang naunang interpretasyon.
Ang ating Panginoon ang mamimili sa kalagim-lagim na halaga ng Kanyang dugo (1 Pedro 1:18), at ang Israel... ang nakabaon "sa bukid," na siyang sanlibutan (t. 38), ang siyang kayamanan." [C.I Scofield, ed., The Scofield Reference Bible (New York: Oxford Univ. Press, 1990), 1017.]
B. Tatlong Dahilan Bakit Di Tama ang Pakahulugan nina Scofield
1. Ang bukid na tinutukoy dito sa talinhaga ay hindi patungkol sa sanlibutan.
a. Ang talatang 38 (Ang bukid ay ang sanlibutan) ay may kinalaman sa talinhaga ng mga triguhan.
b. Ang mabuting binhi na isinaboy ay mga taong pinaghaharian ng Diyos sa talatang ito.
c. Malaking pagkakaiba naman ito sa bukid na binanggit sa talinhaga ng iba't-ibang uri ng lupa, kung saan tumutukoy naman iyon sa pusong naihanda na at ang binhi ay Salita ng Diyos.
d. Ang inilalarawan ay magkaiba at hindi maaaring ipaliwanag ang isang talinhaga sa pamama-gitan ng ibang talinhaga.
2. Nasosobrahan si Scofield ng pagpapakahulugan sa mga talinhaga.
a. Halos lahat ng talinhaga ay may iisang punong aral, at ang mga simbulo ay di nararapat ipakahulugan ng hihigit na pakay ng talinhaga.
b. Maraming di umuugma sa uri ng pakahulugan ni Scofield --may ilan na sobrang nababanat ang doktrina ng grasya.
1) Hindi naman bigla na lamang natagpuan ni Cristo ang Israel sa sanlibutan o kaya'y nadiskubre Niya ang iglesya pagkatapos ng matagal na paghahanap.
2) Bukod pa dito, hindi rin binili ng Panginoon ang Israel at ang iglesya dahil sila'y mga kakaibang kayamanan na karapat-dapat ng Kanyang dakilang sakripisyo.
3) Lahat sila, katulad ng lahat ng makasalanan, ay mga walang saysay na basura hanggang sila'y tubusin ni Cristo (cf. 1 Cor. 1:26-19).
3. Ibinigay ni Jesus ang mga talinhaga upang ihayag ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos --- hindi upang ipaliwanag ang Kanyang pagbabayad sa kasalanan.
a. Alam ng mga tagapagpaliwanag ng Biblia na ang pinakasimple at mas kitang-kitang kahulugan ay yaong normal na pagkaunawa.
b. At sa mga talinhagang ito, ang kitang-kitang kahulugan ay napakahalagang kalagayan ng kaharian ng Diyos bilang isang kayamanang higit pa sa halaga ng lahat ng ating makalupang ari-arian.
c. Umaalinsunod ang pakahulugang ito sa lahat ng naituro na ni Jesus tungkol sa paraan ng kaligtasan. Paghambingin ang talatang ito.
1) Marcos 10:21 --- pananalita ni Jesus sa binatang mayaman.
2) Ang taong ipinagbili ang lahat upang makamtan ang kayaman ay naglalarawan sa taong papasok sa kaharian ng Diyos.
II. Ang Nakabaong Kayamanan (Mateo 13:44)
A. Ayon sa Kultura at Kasaysayan ng Israel
1. Dahil nga puno ng mga digmaan ang bayang Israel, karaniwan nang ibinabaon ng mga tao ang kanilang mga mahahalagang ari-arian sa mga tagong lugar.
2. Ayon sa kasaysayang Judio, ang mga mananakop ay karaniwan nang nagnanakaw at nang-aagaw ng kayamanan ng mga Judio.
B. Nilalaman ng Talinhaga
1. Hindi ipinaliwanag ni Jesus kung paano natagpuan ng lalaki ang nakabaong kayamanan.
a.maaaring inupahan siya ng may-ari upang taniman ang bukid niya;
b. o kaya naman ay naparaan lamang siya at natapilok sa nakausling bahagi ng kayamanang nakabaon.
2. Agad naman niyang ibinaong muli ang kayamanang natagpuan.
3. Pagkatapos ay agad naman niyang ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at kanyang binili ang bukid na kinalalagyan ng nakabaong kayamanan upang ito'y maging kanya nang pag-aari.
C. Ito ba'y laban sa kabutihang-asal?
1. Di ba't ang tunay na may-ari ng kayamanang nakabaon ay yaong may-ari ng bukid?
a. Hindi. Ayon sa batas ng mga Rabbi, pag-aari na nang sinumang tao na makapulot ng anumang prutas o salapi na nakakalat sa kalsada o bukid.
b. Malinaw rin naman na hindi pag-aari ng may-ari ng bukid ang nakabaong kayamanan, dahil hindi niya ito hinukay.
2. Maaari kasing pag-aari ito ng dating may-ari ng bukid na maaaring namatay na. At malamang ay matagal na panahon na itong nakabaon na hindi nadidiskubre.
D. Matapat ang Lalaking Nakapulot ng Kayamanan
1. pinakikita ng ginawa ng lalaki na siya ay tapat at patas.
a. Hindi na sana niya ibinaong muli nang ito'y una niyang natagpuan, at dali-dali na sana niyang itinakas ito at tiyak na walang magrereklamo.
b. Maaari ring unti-unti niyang binawasan iyon, ipagbili at gamitin sa pagbili niya ng bukid; ngunit di niya ito ginawa.
2. Sa halip, ipinagbili niyang lahat ang kanyang ari-arian at binili ang buong bukid upang walang sinuman ang makapagbibintang sa kanya na kinuha niya ang kayamanan ng walang pasubali sa kabutihang-asal.
III. Isang Perlas na Napakahalaga (Mateo 13:45-46)
A. Kaibahan ng Nilalaman ng Talinhaga
1. Dalubhasa sa perlas ang lalaking mangangalakal.
2. Hindi aksidente lamang ang pagkakatagpo niya ng mahalagang perlas. Nagugol na niya ang buong buhay sa matagal na panahong paghahanap ng mga mamahaling perlas.
B. Kamahalan ng Perlas
1. Perlas ang pinakamahal sa mga alahas, at binibili ito ng mga mayayaman upang maging puhunan.
2. Ayon sa Talmud, ang mga perlas daw ay walang kapantay na halaga; at ito'y halos sambahin ng mga taga-Ehipto.
3. Binanggit din ito sa Biblia
a. Sa 1 Timoteo 2:9, ginamit itong halimbawa ni Pablo sa pagsaway sa mga kababaihan na nagsusuot nito sa kanilang mga buhok upang ilantad ang kanilang kayamanan sa publiko.
b. Sa Mateo 7:6, inihambing ni Jesus ang higit na malaking kahalagahan ng perlas kaysa sa mga baboy.
c. Pati sa pangitain ni Apostol Juan ng makalangit na bayan; ang mga pintuan nito ay naglalakihang perlas (Pahayag 21:21).
4. Ganoon na lamang ang laking halaga ng nag-iisang perlas na natagpuan ng mag-aalahas, handa siyang ipagbili lahat ng kanyang ari-arian upang mabili ito.
IV. Pagkamit ng Kaharian
A. Tinuwid ang Maling Paniniwala ng mga Judio
1. Naniniwala kasi ang mga Judio na sila'y papasok sa kaharian dahil sa kanilang lahi.
2. Ang talinhagang ito ay babala sa kanila na huwag mamaliitin ang kaharian ng Diyos. Walang sinuman na makapapasok sa kaharian ng otomatiko.
3. Ang kaharian ng langit ay para lamang sa nakauunawa sa walang kaparis nitong halaga at nahahandang isakripsiyo ang lahat upang ito'y makamtan.
B. Higit na Kahalagahan ng Kaharian
1. Ang yaman ng kaharian ng Diyos ay walang kapantay.
a. Kasama na rito si Cristo at ang lahat ng Kanyang iniaalok -- buhay na walang hanggan at walang katapusang pagpapala.
b. Hindi ito nabubulok, kukupas, marurumihan, at ito'y walang hanggan.
c. Higit pa ang halaga nito sa lahat ng kayamanan sa daigdig o sa pinakamatingkad na perlas.
2. Maraming hindi makatagpo nito.
a. Halos dinadaan-daanan lamang ito ng tao at di nila napapansin.
b. Ano ang sabi ng 1 Corinto 2:14?
c. Sa 1 Corinto 2:9 na hinalaw pa sa Isaias 64:4?
d. Paano kaya ito matatagpuan kung ito’y kamangmangan sa kalaaman ng tao, nakatago sa mata ng tao, hindi naririnig ng pandinig ng tao, dayuhan sa puso ng tao?
1) Sabi ng 1 Corinto 2:10 -- binubuksan ng Diyos ang puso't isip ng tao upang maunawaan ang mga bagay na hindi malirip na kayamanan at pagpapala ng Kanyang kaharian.
2) Doon sa makatatagpo nitong kaharian ay buong kagalakang ipagpapalit ang lahat ng kanilang sariling yaman upang makamtan lamang ito. Pansinin ang ginawa ng taong nakatagpo ng nakabaon na kayamanan (Mateo 13:44).
e. Paghahambing ng nananalig sa di-nananalig na tao tungkol sa plano ng kaligtasan.
1) Sa di-nananalig, ang panukalang kailangang maisuko ang lahat kay Cristo ay kasuklam-suklam;
2) Sa nananalig, buong kagalakang susuko ito sa Maestro. Ang maluwalhating kalayaan sa kasalanan at ang walang katapusang pagpapala ng buhay na walang hanggan ay higit na matimbang kaysa anupamang halaga ng buhay dito sa lupa.
C. Halimbawa sa Buhay ni Pablo
1. Si Pablo ang mahusay na halimbawa ng taong nakauunawa ng kagalakang kaakibat ng pagsusuko ng lahat sa buhay upang makamtan ang kaharian. Basahin ang Filipos 3:7-8.
2. Kung ihahambing ang kayamanang makilala si Cristo, parang basura na lamang ang lahat sa buhay ni Pablo.
3. Ganyan ang katangian ng pananampalatayang nakapagliligtas.
V. Ang Halaga ng Pagsunod kay Cristo
A. Literal Bang Ipagbibili Natin ang Lahat Upang Makamtan ang Kaligtasan?
1. Hindi! Lalong hindi rin nagtuturo ang talinhagang ito na kailangang tanggalin muna ng tao ang kasalanan sa kanilang buhay bago sila lumapit kay Cristo.
2. Ang pananampalatayang nakapagliligtas ay hindi nag-iiwan ng mga pribilehiyo at hindi humihingi ng kapalit.
a. Hindi ito nagtatanggol sa mga paboritong kasalanan, hindi nagkakanlong ng yamang hihigit pa kay Cristo, at hindi nangungunyapit sa mga sikretong pita ng sarili.
b. Sa halip, ang pananampalatayang ito ay nagnanais na maisuko ang lahat ng walang kundisyon sa anumang hingin o ipagawa ng Diyos.
B. Parehong Itinuturo ang Malaking Halaga ng Kaligtasan at ang Pagiging Libre Nito
1. Ayon sa Roma 6:23, ang kaligtasan ay kaloob o libreng regalo ng Diyos.
a. Hindi ito maaaring makamit sa pamamagitan ng pagsusumikap o mabibili ng salapi.
b. Ito'y nabili na ni Cristo sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo
1) Ganap at sapat na pambayad-utang Siya sa lahat ng mananalig sa Kanya;
2) Walang naiwang bayarin o utang, na kahit na ang ating sariling gawa, na wala naming kakayahang makapambayad-utang, ay hindi kayang ipandagdag man lamang sa hinihinging katubusan ng ating mga kasalanan.
2. Kaya naman kasabay ng pagtanggap ng buhay na walang hanggan ay ang kamatayan sa sarili. Basahin ang Roma 6:6.
a. Dahil namatay si Cristo para sa atin, tayo rin ay ibinilang na kasama Niyang namatay (2 Corinto 5:14).
b. Kaya naman dapat nating ituring na tayo'y patay na sa kasalanan, ngunit buhay sa harap ng Diyos ng dahil kay Cristo (Roma. 6:11).
C. Timbangin ang Halaga ng Pagsunod kay Cristo
1. Di ba't iyan nga ang itinuturo ni Jesus tungkol sa pagpapasan ng sariling krus? Kailangan nating timbanging mabuti ang halaga ng Kanyang alok na kaligtasan.
a. Hinihingi Niyang kapalit sa lahat ng Kanyang maipagkakaloob sa atin, ang lahat ng ating maisusuko para sa Kanya.
b. Hinihingi Niya ang walang kundisyong pagsusuko at pagsunod sa Kanya bilang Hari at Panginoon.
c. Ang "pananampalatayang" hahamak sa hinihinging ito ng ating Panginoon ng ganap na pagsuko ay hindi matatawag na pananampalatayang nakapagliligtas.
d. Walang sinuman ang may karapatang angkinin na si Cristo ay Kanyang Tagapagligtas samantalang itinatanggi naman niya ang Kanyang pagka-Panginoon.
2. Mapagpasakop at mapagpakumbabang asal ng bagong mananampalataya.
a. Maaaring hindi pa nga nauunawaan ng bagong mananampalataya ang mabigat na kahalagahan ng pagka-Panginoon ni Jesus sa oras na maligtas.
b. Subalit, bawat tunay na mananampalataya ay may pagnanais na magpasakop. Ito ang kaibahan ng tunay na pananampalataya sa isang huwad na pag-ako:
1) Nagbubunga ng pusong mapagpakumbaba, mapagpasakop, at masunurin ang tunay na pananampalataya;
2) Habang nadaragdagan ang espirituwal na kaalaman, ang pagsunod ay lalong lumalalim, at lalong nakapagpapakita ang mananampalataya ng matinding pagnanais na mabigyang kasiyahan si Cristo sa kanyang pagsusuko sa lahat ng bagay sa kanyang pagka-Panginoon.
VI. Pag-aralang Mabuti ang Halaga ng Pagsunod kay Cristo
A. Babala ni Jesus
1. Ito'y babala ni Jesus sa mga taong gustong tanggapin si Jesus na hindi tinitimbang ang malaking halagang kapalit Niya.
a. Naaalala ba ninyo ang Kanyang payo sa maraming tao na pag-aralang mabuti ang halaga ng kanilang pagsunod sa Kanya? Basahin ang Lukas 14:28-31.
B. Matalinong Namumuhunan
1. Hindi ibubuhos ng isang matalinong namumuhunan ang lahat ng kanyang kapital sa isang negosyo o ari-arian.
2. Subalit iyan ang ginawa ng dalawang lalaki sa talinhaga.
a. Ang unang lalaki ay ipinagbili ng lahat ng kanyang ari-arian at binili ang isang bukid; at
b. Ang ikalawang lalaki naman ay ipinagbili rin ng lahat ng kanyang ari-arian at binili ang isang perlas.
c. Kanilang pinag-aralang mabuti ang halaga ng kanilang nais bilhin, at alam nilang karapat-dapat nga nilang dito ibuhos ang lahat ng kanilang puhunan!
3. Ganito rin ang ginawa ni Moises. Ipinagpalit niya ang yaman, rangya at ganda ng Ehipto sa gantimpalang nagmumula sa langit. Basahin ang Hebreo 11:26.
Pagtatapos
- Gaano ba kahalaga si Cristo sa iyo? Handa mo bang isuko at ihandog sa Kanyang paanan ang lahat ng iyong sarili sapagkat Siyay Panginoon?
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)
©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.