Ang Iba't-ibang Uri ng Lupa

Panimula


Pagtalakay


I. Ang Hiwaga ng Kaharian ng Diyos

A. Kahariang Hinahanap ng mga Judio

1. Walang hiwaga sa kahariang hinahanap ng mga Judio. Ang nais nila'y isang kahariang permanente, makalupa at ma-pulitikang pamamahala na siyang mamumuno sa buong daigdig sa ilalim ng Mesias ng Israel.

2. Ganyang uri ng kaharian ang kanilang inasam at pagka-unawa sa kahariang naipangako kay Daniel sa Daniel 2:44, Basahin ito.

3. Kaya't ng di dumating ang makalupang kaharian na ito ay kanila nang tinaNggihan ang paghahari ng Mesias sa kanilang mga puso.

a. Tuluyan na silang nawalan ng karapatan sa kaharian ni Jesus;

b. Nawala na rin sila ng karapatang maunawaan pa ang mga katotohanang Kanya ngayong inihahayag.

B. Paggamit ng Talinhaga

1. Sinadya ni Jesus na ibigay ang talinghaga upang maihayag ang misteryo ng kaharian ng Diyos sa Kanyang mga tunay na alagad habang naitatago naman ito doon sa mga nasa labas ng kaharian (cf Mark 4:11).

2. Ang mga talinhagang ito ay naglalarawan ng paghahari ng Diyos mula sa pagtanggi ng Israel sa kanilang Mesias hanggang sa kaganapan ng isang libong taon ng paghahari ni Cristo dito sa lupa (millennial kingdom).

3. Ang bahaging ito ng kaharian na kinalalagyan natin ngayon ay isang misteryo, hindi ito nahayag sa Lumang Tipan.

C. Ano ba ang Kaharian?

1. Sa Biblia, karaniwang tawag dito ay kaharian ng Diyos; sa Mateo, ang karaniwang tawag niya rito ay kaharian ng langit.

a. Ang kaharian ay narito ngayon sa isang hugis ng misteryo;

b. Ito ay paghahari ng Diyos sa lupa at sa puso ng mga tao.

2. Ito ang kaharian ni Cristo na sumasakop sa lahat ng tinubos, ngunit hindi sa hugis na nakikita ng sanlibutang walang pananalig.

3. Ito ang bahagi ng kaharian ng Diyos na hindi nakita ng mga naghahanap ng pampulitikang paghahari.

D. Kaharian ang Nilalaman ng Mga Talinhaga

1. Tulad ng palagiang pinagkakaabalahan ni Jesus --- ang paghahanap at pagliligtas ng mga naliligaw – ito rin ang pangunahing gawain sa misteryong kaharian.

a. Hindi kataka-taka na ang unang talinhaga na Kanyang sinaysay ay nakatuon sa pangangaral ng mabuting balita (Mateo 13:3-9).

2. Agrikultura ang ginamit ni Jesus na larawan sa talinhaga.

a. Pamilyar ang mga Judio sa pagtatanim, kaya't nauunawaan nila ang tungkol sa paghahasik ng binhi at ang paraan ng pagpapatubo ng pananim.

b. Maaari ngang habang nagsasalaysay Siya ay may nakikita silang naghahasik sa tabing bukid.

c. Ang maghahasik ay magtatali ng isang supot ng binhi sa kanyang likod at dadamputin niya ng isang kamay ang maraming binhi at kanyang isasaboy.

d. Ang kanyang isinaboy na binhi ay babagsak sa apat na uri ng lupa.

II. Ang Lupa sa Tabi ng Daanan (13:4)

A. Uri ng Lupa

1. Ang tawag natin sa ganitong daanan sa tabi ng pananiman ay "pilapil."

2. Ito nga ay daanan ng mga tao sa kanilang pagtawid sa mga bukid.

a. Ayon sa Mateo 12:1, nanginginuha ng mga palay ang Panginoong Jesus at mga alagad upang kainin at malamang sa ganitong uri ng daanan sila naglalakad noon;

b. Dahil sa laging natatapakan ito, namuo na at matigas ang lupang ito, hindi na handa para taniman.

B. Tinuka ng mga Ibon

1. Sa paraan ng pagsaboy ng binhi ay tiyak na may mga babagsak sa ganitong uri ng lupa at dahil nga matigas na ang daanang ito, hindi man lamang kakapit ang anumang binhi dito.

2. Kaya't madaling pagtutukain ng mga ibon ang mga binhi o kaya'y mawasiwas ng mga lumalakad.

III. Ang Manipis na Lupa (13:5-6)

A. Uri ng Lupa

1. "Kabatuhan" ay hindi nangangahulugan na mabato ang lupang ito.

a. Sinumang magsasaka ay tiyak na lilinisin muna ang mga batong nakakapit sa lupa na kanyang nais na taniman.

b. Sa Israel, may mga bahagi ng kabukiran dito na napaliligiran ng mga "limestone rock bed"

c. Ang mga ito'y nakapuwesto mga ilang pulgada sa ilalim ng lupa na pagtataniman.

2. Kaya't kung may babagsak ditong mga binhi, agad na sisibol ang mga ito, ngunit ang mga ugat na pumapailalim ay sasalubungin ng mabatong uri ng "limestone."

a. Dahil hindi na nga makapaillalim pa ang mga ugat, ang bagong sibol na mga binhi ay agad magbubunga ng mga bulaklak at dahon na para bang mas maganda pa siya sa mga nakapaligid.

b. Ngunit sikat ng matinding init ng araw, sila ang unang nangamamatay dahil wala nga silang malalim na ugat upang makakuha ng tubig nang di sila matuyo.

IV. Ang Lupang Madawagan (13:7)

A. Uri ng Lupa

1. Mukhang magandang lupa ito, malalim, mataba, at naararo na. Sa panahon ng paghahasik, ito'y mukhang malinis at handang-handa na.

2. Kayat ang binhi na bumagsak dito ay nagsisimula nang umusbong, ngunit ang madawag na ugat ng mga damo na nakatago sa ilalim ng lupa ay nagsisimula ring umusbong. Dahil sa nauna sila roon, madali nilang nasakal ang pausbong na binhi.

B. Nakapanaig ang mga Damo

1. Nakalalamang na ang mga damo dahil sa natural nilang kinalalagyan at madali silang umusbong sa anumang lupa na mataba at naihanda na.

2. Ang naihasik na binhi ay isang dayuhan sa lupang ito na nangangailangan ng pangangalaga.

a. dahil nauna ang mga damo, tiyak na unang uusbong ang kanilang mga dahon at matatakpan ang mga pausbong pa lamang na binhi mula sa sikat ng araw;

b. ang mas malalakas nilang mga ugat ay hihigupin ang lahat ng katubigan sa paligid nito at tuloy masasakal ang mabuting binhi.

V. Ang Mabuting Lupa (13:8)

A. Uri ng Lupa

1. Ang lupang ito ay malambot at di-tulad ng napakatigas na lupa sa daanan o pilapil.

2. Malalim din ito at di-tulad ng lupang mababaw o manipis.

3. Ito rin ay malinis at di-tulad ng lupa na madawagan.

4. Dito ang mga binhi ay masiglang uusbong at mamumunga ng marami.

VI. Ang Talinghaga (Parabula)

A. Simple Ngunit Di Madaling Unawain

1. Sa unang tingin, mukhang napakasimple lang naman ng salasayin tungkol sa naghahasik at ang binhi.

2. Ngunit ayon sa t. 9, "Ang may pandinig ay makinig." Ito'y nagpapakita na may mas malalim na talinghaga ang sinalaysay ni Jesus.

a. Sa ibang salita, kung nauunawaan mo ito sundin mo ang itinuturo nito.

b. Sino ba ang makauunawa nito? Yaon lamang na may Hari na magpapaliwanag sa kanila.

3. Natantiya ng mga alagad na may mas malalim na kahulugan ang salaysayin ni Jesus kayat ayon sa Marcos 4:10, sila'y lumapit kay Jesus at hiniling na ipaliwanag ito sa kanila. Kanya nga itong ginawa.

B. Maluwalhating Katotohanan

1. Pansinin ang parang pagkakadugtong ng t. 9, "Ang may pandinig ay makinig," sa t. 16, "Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga!"

2. Ito'y napakarangal na katotohanan mula bibig ng Guro at sinabi Niya, "Sinasabi Ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita, at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan" (t. 17-18).

VII. Ang Binhi at ang Maghahasik

A. Inihayag ng Panginoon sa mga Nagtatanong

1. Ayon sa Marcos 4:10, nagkasarilinan ang mga alagad at ang Panginoong Jesus, at may iba pang nagpaiwan at interesadong nagtatanong.

2. Ginamit ng Panginoon ang isang napakasimpleng salaysayin at inilantad Niya ang marangyang katunayan ng Kanyang kaharian.

B. Kahulugan ng Binhi at Maghahasik

1. Ang binhi na tinutukoy ni Jesus ay hindi literal na binhi, kundi ang mabuting balita: "Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos…" (t. 19).

a. Ang binhi ay ang Salita o mensahe tungkol sa Hari at ang Kanyang kaharian.

b. Mas maliwanag sa Lukas 8:11 --- "ang binhi ay ang Salita ng Diyos"

2. Ang maghahasik ay ang sinumang nagtatanim ng binhi ng mabuting balita sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (cf. 1 Pedro 1:23) sa puso ng isang tao.

a. Ang pinakamahusay na halimbawa ng maghahasik ay mismong Panginoong Jesu-Cristo

b. Napakatamang larawan ang binhi para sa mabuting balita dahil hindi ito maaaring malikha; ito'y maaari lamang tumubo at magbunga.

c. Ang pangangalat ng mabuting balita ay pamamaraan ng paghahasik at pagbubunga ng panibagong binhi, at muling paghahasik.

d. Ang Kanyang Salita ang tanging mabuting binhi.

VIII. Ang Kalagayan ng Lupa

A. May Diperensya ba ang Lupa?

1. Ang punto ng talinghaga ay hindi dahil may diperensya ang naghahasik o ang kanyang pamamaraan.

2. Wala ring diperensya ang binhi.

3. At lalong wala ring hayag na diperensya sa komposisyon ng lupa.

4. Ang diperensya o problema ay nasa kundisyon o kalagayan ng lupa.

B. Magkakapareho ang Komposisyon ng Bawat Lupa

1. Inilalarawan ng lupa ang puso ng tao. Maliwanag ito sa t. 19.

a. Ang puso ng tagapakinig ay siyang espirituwal na katumbas ng lupa na tumatanggap sa binhi ng magsasaka.

2. Kalagayan ng lupa ang problema.

a. Magkakapareho ang komposisyon ng lupa sa talinghaga ni Jesus.

b. Ang alabok o putik sa ilalim at paligid ng bukid ay magkakapareho, kahit na may matigas, malambot, mababaw, o madamo.

c. Ang kaibahan ng mga lupa ay may kinalaman sa kanilang kalagayan—

1) Lahat ng lupang nabanggit ay maaaring tanggapin ang binhing inihasik kung sila'y naihandang mabuti;

2) Ngunit ang lupa na hindi naihanda ay hindi kailanman magbubunga.

3. Preparasyon ang kailangan sa mga puso ng tao.

a. Magkakapareho ang bawat tao sa kanilang komposisyon o karakter – mga makasalanan; ngunit nagkakaiba tayo ng kalagayan ayon sa mga impluwensiya na humubog sa ating ugali at kaisipan.

b. Isa itong mahalagang punto ng talinghaga: ang tugon ng isang tao sa mabuting balita ay nakadepende sa preparasyon o kahandaan ng kanyang puso.

c. Ang pusong hindi naihanda ng maayos ay tiyak na hindi kailanman magbubunga ng espirituwal na bunga.

IX. Ang Matigas na Puso (t. 19)

A. Kahulugan ng Talinhaga

1. Matigas na puso ang lupang tinutukoy ni Jesus na nasa tabing daanan.

a. Ang tawag na nga ng Kawikaan 29:1 ay --- "taong ayaw magbago" o "stiff-necked."

b. Ito ang taong ayaw nang tumugon, walang pakialam, nakalimot na at karaniwan ay masungit o nakikipag-away na.

c. Walang talab o tumatalbog na lamang sa kanya ang mabuting balita.

2. Ang mga ibon naman ay tumutukoy kay Satanas.

a. para siyang ibon na lumilipad sa matigas na lupa handang dagitin ang mga binhi maisasaboy dito.

b. Mas diretsahang sinabi sa Lukas 8:12, "…ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas."

B. Babala ng Talinhaga

1. Babala ito ng ating Panginoon na ang puso ng tao ay maaaring mabugbog sarado na sa daloy ng kasalanan kung kaya't hindi na ito makatugon sa tawag ng mabuting balita.

a. Ito ang pusong hindi na makapagsisi, walang lungkot na nadarama dahil sa kasalanan, hindi na nakukonsyensya, walang pakialam sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos.

b. Kinakailangan mong ulitin mula sa simula ang pagtuturo ng mabuting balita sa taong katulad nito tuwing kayo'y magkikita.

2. Ang mga taong ganito ay hindi lamang laban sa relihiyon, kundi sila'y maaaring kasama pa nga sa tunay na pananampalataya.

a. Dahil sa napatigas na ng kasalanan ang kanilang mga puso, sila'y hindi makatugon at walang silbi sa Diyos.

b. Napakalapit nila sa katotohanan, malapit sa mga matatabang lupa, at karaniwan pa nga ay nakakatanggap ng mga binhi, ngunit ayaw umusbong nito sa kanilang buhay.

X. Ang Mababaw na Puso (t. 20-21)

A. Kahulugan ng Talinhaga

1. Ang manipis na lupa ay naglalarawan sa tugon ng isang mababaw, padalos-dalos na puso.

a. Masigasig ang ganitong uri ng puso, pero mababaw;

b. Tumugon ito ng positibo, ngunit hindi sa pananalig na nakapagliligtas;

c. Hindi ito nag-isip ng malalim, hindi kinuwenta ang halaga ng pagiging alagad.

2. Bakit kaya sa ika-20 siglo ng Kristiyanismo ay isang salot ang ganitong uri ng tugon?

a. Dahil ang mabuting balita ay karaniwan nang inihahayag na may pangako ng kagalakan, pakikipag-ugnayan, init ng pagtanggap, at magandang pakiramdam, ngunit walang mariing paghingi na pasanin ang kanyang krus at sumunod kay Cristo.

b. Hindi sila nakumpronta tungkol sa tunay na paksa ng kasalanan at pagsisisi. Sa halip ay agad silang niyayaya na makisali sa samahan ni Cristo upang makamit ang mga mabubuting bagay na naipangako sa kanila.

c. Ngunit naroroon pa rin sa kanila ang matigas na puso ng isang rebelde, panandalian lamang ang kanilang sigasig at napakadaling mamatay. Ang mga taong ito'y hindi ligtas (1 Juan 2:19).

B. Palatandaan ng di-Tunay na Pananalig

1. Kung ang kanyang pagsasabi ng pananalig kay Cristo ay hindi nagmumula sa isang malalim pagkakilala ng kanyang pagkaligaw;

2. Kapag hindi ito nasasamahan ng kumbiksyon ng kasalanan sa kaloob-looban;

3. Kapag hindi ito nakikitaan ng matinding pagnanasa na linisin at dalisayin siya ng Panginoon;

4. Kapag hindi ito nagpapakita ng kahandaang itakwil ang sarili, magsakripisyo, at magdusa para kay Cristo…
* tunay na walang malalim na ugat ang kanyang pananampalataya.

XI. Ang Makasanlibutang Puso (t. 22a)

A. Kahulugan ng Talinhaga

1. Ang dawagang lupa ay nagpapakilala sa taong ang puso ay abala sa mga makasanlibutang bagay.

a. ang taong ito ay nabubuhay para sa sanlibutan; mas mahalaga sa kanya ang kanyang hanapbuhay, bagong bahay, bagong kotse, posisyon sa lipunan, kayamanan, atbp.

B. Katangian ng Ganitong Puso

1. May kilala ba kayo na ganito ang uri ng pamumuhay?

a. Sumasali sa gawaing Kristiyano, ngunit espirituwal na bunga; hindi lumalago;

b. Sabi nila sila'y Kristiyano, ngunit wala silang katiyagaan sa mga bagay na nagpapabanal;

c. Ang sumisibol na binhi ay tiyak na matatabunan ng mga tinik ng pagka-makasanlibutan, at hindi na ito makikitaan na may mabuting binhing pinagsimulan nito.

2. Inilarawan na sila ng Salita ng Diyos

a. Mateo 6:24

b. 1 Juan 2:15

XII. Ang Mga Kalaban

A. Palagiang Kalaban ng Mabuting Balita

1. Ang dawag (weeds) ay tumutukoy sa (t. 22) "abala sa mga bagay ukol sa mundong ito at naging maibigin sa mga kayamanan…"

2. Ang araw (sun) naman na sumisikat ng matindi sa mga hindi maayos na pagkakatanim ng mga binhi ay tumutukoy sa (tt. 6, 21) "…mga kapighatian o pag-uusig…"; ito rin ang sumusubok sa komportableng pamumuhay ayon sa laman.

3. Ang mga ibon naman ay tumutukoy sa "Masama" (cf tt. 4, 19 – the evil one), si Satanas, na ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang nakawin ang binhi ng mabuting lupa.

B. Mahalagang Aral sa Manghahasik

1. Mga babala

a. Tiyak na may mga oposisyon at pagtanggi sa inihahasik na mabuting balita;

b. May mga mabababaw at panandaliang tagasunod;

c. Makatatagpo tayo ng mga taong laging nagdadalawang-isip na nais nila si Cristo sa kanilang buhay ngunit ayaw bumitiw sa tawag ng sanlibutan;

d. Ang mga taong ganito ang kalagayan ng puso ang siyang makapanghihina ng iyong loob na makaani ng mabuting bunga.

2. Mga pampalakas-loob

a. Ang Panginoon ng anihan ang siyang makapagpapalambot sa pinamakamatigas na lupa at magtatanggal ng mga ligaw na damo.

b. Ang matigas, mababaw at mawag na lupa ay hindi mananatiling sa ganitong kalagayan. Kayang araruhin ng Diyos ang mga nagmamatigas na pusong ito.

XIII. Ang Pusong Tumutugon (t. 23)

A. Ang Pangako

1. Ito'y parang pangako ni Cristo sa mga alagad na pinanghinaan ng loob dahil sa mga magiging pagtanggi ng tao sa mabuting balita.

2. Nais ni Jesus na malaman nilang may napakalawak at matatabang bukid na paghahasikan. Tiyak din na magbubunga ng masagana ang mga ito --- matatabang lupa

B. Ang Bunga

1. Ang pagbubunga ng panananim ang pinakapakay ng pagsasaka. Ito rin ang pinakamataas na uri ng pagsubok sa tunay na naligtas.

a. Basahin ang Mateo 7:17-20. Mayroon pa kayang maaaring ibang kahulugan sa malinaw na sinabi ni Jesus?

b. Basahin din ang Heb. 6:8. Ano daw ang nararapat na gawin sa lupang tuyot o sa taong nagsasabing siya'y mananampalataya ngunit walang bunga?

2. Iba-ba ang dami ng bunga, pero tiyak na ang matabang lupa ay magbubunga

a. Ibig sabihin, hindi lahat ng Cristiano ay magiging pare-pareho ang bunga;

b. Dahil may mga Cristiano nga na nagkakasala, ito ang nakakapigil sa pagdami ng kanilang mga bunga;

c. Nililiwanag ni Jesus sa mga alagad na malaking kaibahan ng pusong handang tumugon kaysa sa iba at pagbubunga ang tanda na ito nga tunay na naligtas.

C. Tungkulin ng Bawat Manghahasik ng Mabuting Balita

1. Tinatawag tayo na maghasik ng mabuting balita sa lahat ng dako, kahit na may mga makaririnig na mga pusong hindi handang tumanggap nito.

2. Hinihintay lamang ng pusong handang tumugon ang paghasik natin ng walang-depektong mensahe ng mabuting balita.

Pagtatapos

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.