Iniaalok Niya ang Pamatok ng Kapahingahan
Panimula
- Maaaring mabigla kayo kapag nalaman ninyo na hindi kailanman itinuturo ng Kasulatan sa makasalanan na "tanggapin si Cristo," Ang makabagong paraan na ito at iba pang halimbawa nito ("mag-desisyon ka para kay Cristo"; papasukin mo si Cristo sa iyong puso; subukan mo si Jesus"; "tanggapin mo si Jesus bilang iyong personal na Tagapagligtas.") ay lumalabag hindi lamang sa espiritu at terminolohiya ng Biblia sa pagtawag sa mga di nananalig.
- Ang paanyaya ng Mabuting Balita ay hindi lamang papasukin sa puso ng mga makasalanan ang Tagapagligtas. Ito'y panawagan at utos na sila'y magsisi at sumunod sa Kanya. Hindi Siya papasok sa relasyong ang makasalanan ay patuloy na umiibig sa tawag ng laman.
- Ang dakilang himala ng pagtutubos ng Diyos ay hindi dahil tinanggap natin si Cristo kundi tayo'y tinatanggap Niya. Sa katunayan, hindi natin Siya maiibig ng kusa (1 Juan 4:19).
- Kakaiba ang larawan ni Jesus ayon sa mga ebanghelyo kung ihahambing sa larawan na inihahayag ng kasalukyang ebangheliko. Hindi Siya naghihintay na maimbitahan ng isang nagnanais na maligtas, kundi Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ang humahamon sa mga taong makasalanan na talikuran na ang kanilang mga kasalanan. Inaatasan niya ang tao na magsisisi at pasanin ang pamatok ng pagpapasakop.
- Sa Mateo 11:25-30, ay nag-alok Siya ng kapahingahan sa mga napapagod ngunit ito'y alok ng pagbabalik-loob sa Diyos. Mayroong limang sangkap ng tunay na pagbabalik-loob na hindi maaaring paghiwalayin sa kanilang pagkakadugtong.
Pagtalakay
I. Kababaang-loob (11:25-26)
A. Inilihim sa mga Marurunong at Matatalino
1. Hindi tinutukoy ni Jesus na inilihim ng Ama ang mga bagay na ito---mga espirituwal na katotohanan ng Kanyang kaharian---sa mga taong may pinag-aralan.
a. Ang pang-unawa sa mga espirituwal na bagay ay walang kinalaman sa sukat ng katalinuhan ng isang tao.
b. Ang Kanyang kinokondena rito ay ang mga taong ang pagka-unawa sa mga espirituwal na katotohanan ay limitado lamang doon sa maaabot ng kanilang sariling katalinuhan---yaong ang inaasahan ay karunungan ng tao.
c. Ang kanilang kasalanan ay hindi ang laman ng kanilang utak; ito'y ang kayabangan nila na mauunawaan nila ang "mga bagay na ito" sa pamamagitan ng kanilang pansariling katalinuhan.
2. Ang babalang ito ay higit na tumutukoy sa mga pariseo, rabi at mga eskriba.
a. Sarado ang isipan nila sa kapahayagan ng Diyos kay Cristo dahil inakala nilang alam na nilang lahat ang panukala at sinasabi ng Diyos.
b. Hindi nila alam na sila'y mga bulag sa mga espirutuwal na bagay, kaya't umaasa na lamang sila sa pangangatuwiran ng tao upang maipaliwanag ang mga espirituwal na katotohanan.
c. Sa halip na matagpuan nila ang katotohanan, naitayo tuloy nila ang isang maling sistema ng relihiyon at pananampalataya.
d. Ang katalinuhan ng tao ay hindi kayang maunawaan o matanggap ang espirituwal na katotohanan. Ang mga bagay na inihahayag ng Espiritu ng Diyos ay hindi kayang abutin sa pamamagitan ng karunungan ng tao o matalinong pangangatuwiran. Katulad ito ng sinasabi ni Pablo sa 1 Cor. 2:9.
3. Ang punto ni Jesus sa talatang ito ay hindi sa pipigilan ng Diyos ang pagdaloy ng katotohanan sa mga matatalinong tao, kundi yaong mga umaasa sa kanilang sariling katalinuhan ang pumuputol sa sa pagdaloy ng katotohanan patungo sa kanila.
B. Inihayag sa mga Tao na may Kaloobang Tulad ng Bata
1. Naghahayag ang Diyos ng katotohanan hindi sa mga palalo at matatalino, kundi sa mga taong tulad ng bata ang kalooban.
a. Katulad ito ng sinabi ni Jesus sa Mateo 18:3, "Tandaan ninyo ito: Kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos."
b. Ang kababaang-loob na ito tulad ng bata na walang kasanayan, walang pinag-aralan, at may kaunting kakayahan. Isang salita lamang ang makapagpapaliwanag nito---nakaasa.
c. Katulad ng sinasabi ng Awit 138:6, "Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas, hindi Niya nililimot ang aba at mahihirap; kumubli ma'y kita Niya yaong hambog at pasikat."
2. Sino nga ba ang makapapasok sa kaharian ng Diyos?
a. Yaong mga tulad ng bata na kumikilala na sila'y hungkag at wala nang maasahan.
b. Ano ang sinasabi ng Awit 138:6?
3. Ang magkakontrang katangian ng mga matatalino at mga tulad ng bata ay kapareho nang katangian ng pagmamatuwid ayon sa gawa at pagpapawalang-sala dahil sa kagandahang-loob ng Diyos.
a. Ang mga taga-Galilea na tumanggi kay Cristo ay nakalakhan na ang sistema ng kaligtasang nakabatay sa pagmamatuwid ayon sa gawa.
1) Masagana na ang pamumuhay nila, supisiyente at matatayog ang pananaw sa sarili.
2) Ngunit kalaban nila si Jesus sa lahat ng kanilang iniibig, kaya tinanggihan nila Siya.
b. Ang mga taong mas mababang-uri ang pamumuhay, mga lugmok ang kalooban dahil sa kahungkagan ng kanilang buhay, mga mababang-loob at giba na ang puso, ay bukas ang loob kay Jesus.
1) Wala silang pansariling katuwiran na pangungunyapitan.
2) Kaya't mabuti ayon sa mata ng Diyos na Kanyang ihayag ang katotohanan sa kanila (Mateo 11:26).
C. Saan Naglalagi ang Diyos
1. Napakataas ng kinalalagyan ng Diyos ayon sa Isa. 57:15.
a. Ngunit sumasama Siya sa mga mabababang-loob at nagsisisi.
b. At ibabalik Niya ang pagtitiwala at pag-asa nila sa Kanya.
1) Ayon sa Septuagint (Griyegong salin ng Lumang Tipan) ang salitang "ibabalik" ay pareho ng pagkakagamit sa Mateo 11:28, na "kayo'y papagpapahingahin Ko…"
2) Walang lugar dito ang ang mga palalo at mayayabang.
2. Pinili ng Diyos ang mga mababa; basahin ang 1 Cor. 1:26-28
a. Kabaligtaran ito ng mga palalo, sapagkat sinasabi nila na kaya nilang tugunin ang lahat ng kanilang pangangailangan.
II. Kapahayagan (11:27)
A. Ang Personal na Pagkakilala sa Ama at sa Anak
1. Ang ika-2 sangkap ng pagbabalik-loob sa Diyos ay kapahayagan---mula sa Ama sa pamamagitan ng Anak.
a. Sabi ni Jesus sa t. 27, "Ibinigay sa Akin ng Aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak."
b. Ang tanging makatatanggap ng katotohanan sa kapahayagan ng personal na pagkakilala sa Ama at sa Anak ay yaon lamang mga pinili.
2. Kapahayagan ito ng pagka-diyos ni Jesus. May dalawang sangkap na nakakasakit sa mga nalubog na sa mga aral ng mga Pariseo.
a. Tinawag ni Jesus na "Aking Ama" ang Diyos.
1) Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naitala ng Kasulatan ang pagkakagamit ni Jesus ng pangalang ito sa publiko. Sapagkat lagi Niyang banggit o tawag sa Diyos Ama ay "Ama" o "ating Ama."
2) Naipagdidiinan nito ang pagiging katangi-tangi bugtong na Anak Niya, at naglalagay ito sa Kanya sa posisyon ng ganap na pagkakapantay sa Ama.
b. Nasa Kanya ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay.
1) Isa itong pag-angkin ng kakayahang makapangyari o manakop (sovereignty) at tuloy pag-angkin din ng Kanyang pagka-diyos.
2) Isa pang talata na makadadagdag dito ay matatagpuan sa Mateo 28:18.
3. Katunayan na lahat sa sangkalawakan ay nasa ilalim ng Kanyang pananakop.
a. kapangyarihan Niya laban kay Satanas at mga demonyo; at pangingibababaw nito sa karamdaman, sa mga kalikasan, sa katawan, sa kaluluwa, sa buhay, sa kamatayan, at pati na sa Kanyang mga alagad;
b. kapangyarihan Niya na magpatawad, magligtas, at humatol;
c. kapangyarihan Niya sa mga tao, sa lupa, langit, impyerno, at pati na ang takbo ng oras.
d. Ang buo Niyang ministeryo ay patunay na lahat sa sangkalawakan ay nasa ilalim ng Kanyang pananakop.
B. Walang Ibang Makakakilala sa Ama Kundi ang Anak
1. Ayon sa Mateo 11:27, walang sinumang nilalang ang maaaring makakilala ng ganoon ka-personal sa Ama kundi tanging ang Anak lamang.
a. Kaya naman, walang saysay at pakinabang ang pilosopiya at relihiyong likha lamang ng tao.
2. Paano natin makikilala ang Ama?
a. Tanging sa paghahayag lamang ng Anak ng Diyos, kaya " yaong mararapating pagpahayagan ng Anak" ang maaaring makakilala sa Ama.
III. Pagsisisi (11: 28)
A. Ang Pagpili at Paanyaya ng Diyos
1. Ang nakapangyayaring pagpili ng Diyos kung sino ang Kanyang ililigtas ay sinundan naman ng paanyaya sa t. 28 (basahin).
2. Ang tensyong ito ay inulit na binanggit ni Jesus sa Juan 6:37 (basahin). Maliwanag na nakapangyayari ang Diyos sa Kanyang pagpili at nag-aanyaya Siya sa sinumang nais na lumapit. Pareho nating tanggapin ang dalawang katotohanang ito na para nagtutunggali.
B. Kahulugan ng mga Salita
1. "Napapagal" (weary) --- galing ito sa Griyegong salita na kopiao.
a. Inilalarawan nito ang isang taong naliligo sa pawis at pagod- na pagod na sa katatrabaho.
b. Sa pagkakagamit ni Jesus, kawalang-saysay ito ng pagsusumikap na mabigyang kaluguran ang Diyos sa pamamagitan ng sariling gawa.
c. Katulad ito ng isang taong pagod na sa kahahanap ng katotohanan, hapis na sa pagsisikap na makamtan ang kaligtasan.
2. "Nabibigatan sa inyong pasanin" (heavy-laden) ---
a. nakakahabag na larawan ng isang taong may pabigat ng pabigat na pasanin.
b. Ayon sa mga rabi, ang paraan para magkaroon ng espirituwal na kapahingahan ay ganapin ang kaliit-liitang mga panrelihiyong batas na kanilang idinagdag sa Kautusan.
c. Ayon sa Gawa 15:10, gaano na ba kabigat ang pasanin ng mga Judio?
3. "Lumapit kayo" --- hinihingi nito ang pagsisisi
a. Hindi nga ginamit ang salitang "pagsisisi" pero ito talaga ang paanyaya ni Jesus.
b. Ang paanyayang "lumapit" ay nagsasabi ng ganap na pagtalikod, ganap na pagbabago ng loob mula sa dating pinatutunguhan.
4. Hindi ito paanyaya sa mga taong gustong magpasasa sa kasalanan nila.
a. Sa t. 20-24, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang Chorazin, Bethsaida at Capernaum dahil sa hindi sila nagsisi;
b. Pero sa t. 28, inaanyayahan na Niya ang mga taong napapagod na sa kanilang kasalanan at pagmamatuwid at batay sa gawa na relihiyon; niyayaya Niya silang lumapit sa Kanya at bitawan na ang mga mabigat na pasanin nila.
IV. Pananalig
A. Ang Paglapit kay Jesus ay Pananalig sa Kanya
1. Isa pang mahalagang sangkap ng tunay na pagbabalik loob sa Diyos ay pananalig.
a. Pareho ito ng sinasabi ni Jesus sa Juan 6:35 (basahin).
B. Katuwang ng Pagsisisi ang Pananalig
1. Ang pagsisisi ay pagtalikod sa kasalanan, at ang pananalig ay paglapit sa Tagapagligtas ---- iisang ikot lamang ito.
2. Hindi ito pagsang-ayon lamang ng isip kundi ang buong pusong pagpapakumbaba ng sarili at pagyakap kay Cristo.
V. Pagpapasakop (11:29)
A. Pagpasan ng Pamatok ng Panginoon
1. Hindi natapos ang paanyaya ni Jesus sa "at kayo'y pagpapahingahin Ko."
2. Kasunod niyon ay ang t. 29 (basahin).
a. Ang pagpapasakop sa pagka-Panginoon ni Jesus ay bahagi ng Kanyang paanyaya upang maligtas o makapahinga.
b. Sa mga ayaw pumasan ng Kanyang pamatok ay tiyak na hindi papapasukin sa kapahingahan na Kanyang iniaalok.
B. Pamatok: Simbulo ng Pagpapasakop
1. Nauunawaan ng mga tagapakinig ni Jesus na ang pamatok ay simbulo ng pagpapasakop.
a. Sa Israel, ang mga pamatok ay gawa mula sa kahoy at maingat na hinubog ng mga karpintero na magkasya sa leeg ng hayup na magsusuot nito.
b. Ito'y isang eksaktong larawan ng kaligtasan. Ang pamatok ay isinusuot sa hayup upang pasanin ang dalahin, at siyang ginagamit ng amo upang gabayan ang patutunguhan ng hayup.
2. Ang pamatok ay nangangahulugan din ng pagiging alagad.
a. Maliwanag sa mga Judiong nakikinig kay Jesus nang sabihin Niya, "mag-aral kayo sa Akin," na ito'y nag-aanyaya sa kanilang pasanin ang pamatok ng kanilang Guro.
b. Ito'y pamatok na nagpapahiwatig ng pagsunod. Ang larawang ito ng pamatok ang tumatalo sa paniwalang maaari mong tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas at hindi bilang Panginoon.
1) Hindi inaanyayahan na lumapit sa Kanya ang sinuman kung hindi sila handang tanggapin ang Kanyang pamatok.
2) Ang isang makasalanan ay tunay na nakatatanggap ng kaligtasan nang maunawaan niyang wala na siyang pag-asa, tumalikod siya sa kanyang kasalanan at lumapit kay Cristo at hayaan Siyang manguna at maghari.
C. Maginhawang Dalhin ang Kanyang Pamatok
1. Madaling pasanin ang pamatok ni Jesus dahil Siya ay mababang-loob at maamo.
a. Di-tulad ng mga Pariseo at eskriba, hindi nais si Jesus na tayo'y apihin at pagmalupitan.
b. Ayaw Niyang pagpasanin tayo ng pamatok na mahihirapan tayong pasanin.
2. Ang pagsunod sa ilalim ng Kanyang pamatok ay nagdudulot ng kagalakan. Sa panahon lamang ng ating pagsuway tayo nagagasgasan ng pamatok.
3. Ang pamatok ng pagpapasakop kay Cristo ay nangangahulugan ng kalayaan mula sa kabigatang dulot ng kasalanan ---- sa Kanya tayo "makasusumpong ng kapahingan para sa [ating] kaluluwa."
a. Kapareho ito ng sinasabi ng Jeremias 6:16. Ngunit ano ang naging tugon ng tao?
b. Ganoon din ang naging tugon ng mga taong ipokrito, mapanghimagsik, matigas ang ulo, kay Cristo. Ang Kanyang paanyaya ay ipinagtabuyan hanggang sa Siya'y ipapako sa krus.
Pagtatapos
- Naunawaan mo ba ang paanyaya ni Cristo? Mananatili ka bang matigas ang ulo at patuloy na tatanggihan ang Kanyang pamatok ng kapahingahan?
- Ang kalagayan ng buhay mo sa pagdating ng paghuhukom ay nakasalalay sa iyong pagtitiwala o pagtanggi sa Kanyang pamatok. Si Cristo ay Panginoon at Tagapagligtas----nakahanda ka bang magpasakop sa Kanya?
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)
©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.