Hinahatulan Niya ang May Matigas na Puso

Panimula


Pagtalakay


I. Judas: Halimbawa ng Isang Tumalikod kay Cristo

A. Nagpahayag din siya na isang mananampalataya

1. Tatlong taon niyang nakasama ang Panginoon at ang iba pang mga alagad. Nakitaan naman siyang kaisa nga nila.

2. Malamang na inakala rin niya na siya’y nananampalataya. Hindi naman siguro siya sumama sa grupo ni Jesus upang pagtaksilan ito.

3. Naging gahaman na lamang siya sa salapi, subalit malamang hindi rin ito ang kanyang hangarin sa simula dahil wala namang matatawag na ari-arian si Jesus at ang mga alagad (Mateo 8:20).

B. Kilala na Siya ni Cristo

1. Sa loob ng tatlong taon, halos araw-araw na okupado siya sa buhay ni Jesus. Nakita niya ang mga himala ni Cristo, narinig niya ang mga salita ni Jesus, at nakisalo pa nga siya sa ministeryo ni Jesus.

2. Sa lahat ng panahong iyon, wala man lamang nagtanong sa kanyang pananampalataya. Maliban kay Jesus na siyang tanging nakakaalam ng nilalaman ng puso ni Judas. Wala isa man sa mga alagad na mag-aakalang pagtataksilan niya si Jesus.

3. Habang ang iba’y lumalago na sa kanilang pagiging apostol, si Judas ay matahimik na nagiging masamang instrumento ni Satanas.

a. Kung anuman ang naipakita niyang katangian sa simula, ang kanyang pananampalataya ay hindi tunay (Juan 13:10-11).

b. Alam ito ni Jesus at pinili pa rin siya upang matupad ang Kasulatan (Juan 13:18; Awit 49:9; 55:12-14).

c. Naging malapit na kaibigan siya ni Jesus, ngunit napakalayo niya sa kaligtasan. Mas nakabuti pa nga sana kung hindi na siya naisilang (Mateo 26:24).

d. Si Judas ay isang babala sa lahat ng nagpapahayag ng pananampalataya, ngunit di makitaan ng tunay na pagsunod at pagbabago.

II. Ako’y Ipagkakanulo ng Isa sa Inyo

A. Hindi Panukala ng Diyos ang Kataksilan ni Judas

1. Liban sa sariling desisyon ni Judas, hindi kalooban ng Diyos ang kanyang pagtataksil.

a. Sa bawat pagkakataon, nabigyan siya ni Jesus ng babala at patuloy siyang pinakikiusapan na magsisi at maligtas, ngunit sa bawat pagkakataon ding iyon tumatalikod si Judas.

b. Narinig na niya ang mabuting balita ayon kay Jesus, ngunit tinanggihan niyang talikuran ang kanyang kasalanan at pagkamakasarili.

2. Sa Juan 13:21 nakalarawan ang kahulihulihan at nagmamahal na pakiusap Niya sa taong ito.

a. Ito ang huling hapunan ng Panginoon sa gabing iyon na ipagkakanulo siya ni Judas: “Pagkasabi nito, nagugulumihanang sinabi ni Jesus, `Tandaan ninyo, Ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.’” Gaano na lang kaya ang kanilang pagkabigla? Liban kay Judas.

b. Ano kaya ang dahilan ng pagkagulumihanan ng Panginoong Jesus?

1) Baka dahil hindi tinugunan ni Judas ang Kanyang pagmamahal;

2) Baka naman nakikita Niya ang pagiging ingrato ng puso ni Judas;

3) O dahil ganoon na lamang ang lalim ng pagkamuhi Niya sa kasalanan, at nasa harapan Niya ang pinakamalalang pagsasakatawan nito;

4) Tiyak na dahil sa matigas na pagkukunwari at nalalapit na pagtataksil ni Judas;

5) At dahil alam Niyang papasok na si Satanas sa puso ni Judas;

6) Ngunit higit sa lahat, alam Niyang nakapagdesisyon na si Judas---isang desisyong magpaparusa sa kanya patungo sa walang hanggang pagdurusa.

c. Ayon sa t. 10-11, hindi kailanman naligtas si Judas at ngayon nga’y patungo na sa walang hanggang kapahamakan.

3. Tinanong nila kung sino ang magtataksil sa Panginoon.

a. Ayon sa Mateo 26:22, nanlumo silang lahat at nagtanong, “Ako po ba, Panginoon.”

b. Sa t. 25, si Judas ay isa rin sa nagtanong at siya lamang ang tinugon ng Panginoon, “Ikaw na ang nagsabi.” Maliwanag na alam ni Jesus ang nilalaman ng kanyang puso.

III. Sino nga ba?

A. Pantay na Pagtingin ng Panginoon

1. Kapansin-pansin na nalito ang mga alagad. Malamang na pantay ang naging pakikitungo ni Jesus sa mga alagad---pati na kay Judas.

a. Sa loob ng tatlong taon ay naging maamo, mapagmahal at mabait Siya kay Judas---tulad nang Kanyang naging pakikitungo sa labing-isang alagad.

b. Anumang saway at babala na ginawa Niya kay Judas ay laging personal at pribado. Naging kapansin-pansin sana sa labing-isa kung kaiba ang naging pagtingin ni Jesus kay Judas.

c. Sa katunayan, si Judas pa nga ang ginawang ingat-yaman ng kanilang samahan. Ganoon na lamang ang kanilang pagtitiwala kay Judas.

2. Kung may higing man lamang sila na si Judas nga ang magtataksil, tiyak na kusa nilang ibinigay ang kanyang pangalan sa pagsasabi ni Jesus na isa sa kanila ay magkakanulo sa Kanya.

B. Tinanong nina Pedro at Juan

1. Ihambing natin ang pagkamuhi ni Judas kay Jesus sa pag-ibig naman ni Juan sa Tagapagligtas. Nais ni Juan na laging nakahilig sa dibdib ni Jesus lalo na sa hapag kainan.

a. Mababa at halos dikit sa lapag ang hapag kainan at gawi na nila na ang halos pahiga at nakasandal lamang ang kaliwang bisig sa lapag; ang kanang kamay ang siyang ginagamit sa pagsubo ng pagkain.

b. Sa ganitong puwesto ay nakakasandig si Juan sa dibdib ni Jesus, malapit sa puso. Kaya’t nang magtanong siya ay halos nasa ulunan na niya ang bibig ni Jesus. Dito niya gustong-gustong pumuwesto dahil mahal na mahal niya ang Panginoon.

2. Sinenyasan siya ni Pedro na tanungin sa Panginoon kung sino ang tinutukoy Niyang magkakanulo (Juan 13:24-25).

a. Sa sagot ni Jesus sa t. 26, tiyak na sina Pedro at Juan lamang ang tanging nakakaalam na si Judas nga ang magkakanulo sa Panginoon.

C. Panauhing Pandangal

1. Sa t. 26, hindi lang ito sagot sa tanong ni Juan kundi isa pa uling paraan ng pakiusap ng Panginoon kay Judas.

a. Ang tinapay (morsel) na tinutukoy rito ang pinagpira-pirasong walang libadurang tinapay at ang sawsawan ay pinaghalong mapapait na halaman, suka, asin at pasas na dinikdik at hinalo sa tubig.

b. Isang kaugalian na isawsaw ng mayhanda ang tinapay na ito sa sawsawan at ibigay sa panauhing pandangal.

c. Ginawa ito Jesus bilang tanda ng Kanyang pag-ibig kay Judas at Kanya ring paraan ng pakiusap na siya’y magbago ng isip.

2. Hinugasan na ni Jesus ang mga paa ni Judas at ngayon ay panauhing pandandal ang turing sa Kanya ng Panginoon. Dapat sana’y tumimo na ito sa puso ni Judas at siya’y magbago, ngunit hindi nangyari ito.

a. parang bato na sa tigas ang kanyang puso;

b. nakapag-desisyon na siya.

3. Siya’y sinapian na ni Satanas ayon sa Juan 13:27.

a. Dito nalantad ang nakatatakot na pagkatao ng ganap na pagtalikod ni Judas. Nalinlang na siya ni Satanas sa kanyang pakikipaglaro sa kasamaan habang nagkukunwa siyang sumusunod kay Cristo.

b. Kaya sa pagpasok ni Satanas sa kanyang puso, ang masamang kalooban ni Judas ay tumanggi na sa huling paanyaya ng pag-ibig ni Jesus. Hinatulan niya ang sarili sa impyerno dahil sa kanyang sariling desisyon.

D. Gawin Mo na Ang Gagawin Mo

1. Tapos na ang tungkulin ni Jesus kay Judas. Nais na Niyang mapaalis sa silid na iyon si Judas sa lalong madaling panahon.

a. Si Judas ay isa nang dayuhan sa Kanya at sa mga alagad. Nang-aagaw na siya sa panahon ni Jesus sa Kanyang mga alagad.

2. Sa t. 28-29, walang nakakaalam sa mga alagad na si Judas nga ang magtataksil kay Jesus, maliban kina Juan at Pedro.

a. Ang naging patotoo siguro ni Judas ay ganap na nakakumbinsi sa kanila, na hindi pumasok sa isip nila na magagawa niyang pagtaksilan ang Panginoong Jesus.

b. Ganito na lamang nakapandaraya ang mga panlabas na kilos ng isang taong di naman tunay na mananampalataya dahil lamang siya’y nagpahayag ng kanyang pananalig.

E. Halik ng Kamatayan

1. Ayon sa Juan 13:30, gabi na noon nang umalis si Judas. Tinapos pa nga muna niyang kainin ang tinapay na ibinigay ni Jesus.

a. Ito na ang simula ng walang hanggang gabi sa kaluluwa ni Judas. Sapagkat nahayag na ang lahat na dapat na makita at maunawaan niya tungkol sa kaligtasang iniaalok ni Jesus, at ito’y tinanggihan niya.

2. At sa Lukas 22:47, ipinagkanulo nga ni Judas si Jesus sa pamamagitan ng isang halik.

a. Ito ang tinatawag na halik ng kamatayan, hindi para kay Jesus kundi para kay Judas. Ang halik sa pisngi ay tanda ng malalim na pagmamahal, ngunit ginamit ni Judas ito sa pagkakanulo sa Panginoon.

b. Malamang na kaya niya ginawa ito ay upang patuloy nga niyang malinlang ang Panginoon at ang mga alagad.

1) Ngunit ayon sa Lukas 22:48, maliwanag na alam na ni Jesus ang gagawin niya at sa malungkot na tinig na iyon ay di pa rin napigilan ang nasisiraan na nang bait na si Judas.

2) Sa Marcos 14:45, ang nasabi lamang ni Judas ay “Guro!” sabay halik. At ang pagkakasulat sa Griego ay --- patuloy ang kanyang naging paghalik.

3. Kinailangang tiisin ni Jesus ang halik na ito ng kalapastanganan ni Judas. At ayon sa Mateo 26:50, tinawag Niyang kaibigan si Judas at sinabing gawin ang kanyang sadya.

a. Ang salitang kaibigan na mula sa Griego ay di nangangahulugan na tinatawag pa ni Jesus na isang malapit na kaibigan si Judas, kundi isang ordinaryong pagtawag sa bawat taong babatiin na wala namang malalimang relasyon. Parang isang lalaking nakasalubong na lamang ni Jesus si Judas.

b. Ang tunay na salitang kaibigan sa Griego na ginamit ni Jesus sa Juan 15:14 ay iniukol lamang Niya sa mga tagasunod Niya.

c. Ito na rin [Lukas 22:48; Mateo 26:50] ang pamamalam ni Jesus kay Judas, sapagkat siya’y patungo na nga sa walang hanggang pagdurusa sa impyerno.

F. Nagsitakas ang mga Alagad

1. Ang naging kilos ng mga alagad sa bahaging ito ng eksena ay naging katanungan kung paano sila naging iba kay Judas. Tingnan ninyo ang Mateo 26:56.

a. Ang pagtalilis ng mga alagad ay naihula na rin Niya sa kanila noong sila’y naghapunan. Basahin ang Mateo 26:31.

b. Hindi lamang iyan, itinatwa pa nga ni Pedro si Jesus ng tatlong beses bago tumilaok ang mga manok ng umagang yaon.

2. Ano ang pinagkaiba ng kilos nila kaya sa ginawa ni Judas?

a. Sila’y natakot sa kaguluhan ng sandaling iyon. Ngunit ang ginawa ni Judas ay sadyang mapanlinlang.

b. Ang mga alagad di lumaon ay nagsisi at buong pakumbabang tinanggap ang kapatawaran ni Jesus. Si Judas ay ganap na walang pananalig at puno ng kapootan; at pinatunayan niya ito sa kanyang pagpapakamatay [Mateo 27:5].

c. Ang pagtatalilis ng mga alagad ay isang panandaliang kahinaan ng kanilang matapat na pakikitungo kay Jesus; Naihayag ng kasalanan ni Judas ang kanyang nakapasamang kaluluwa.

3. Tanda ng isang tunay na alagad na magsisi at manumbalik kapag nagkakasala.

a. Hindi dahil hindi siya nagkakasala, kundi handa siyang magpakumbaba at tumanggap ng pagpapatawad at paglilinis ng Diyos.

b. Di tulad ng isang huwad na alagad, ang tunay na alagad ay di ganap na lalayo. Kapag siya’y nakumpronta ng Panginoon, manunumbalik siya sa paglilingkod sa Kanya.

G. Palatandaan ng mga Huwad na Alagad

1. Mas nanaisin niya ang makalupang pagkakakitaan kaysa sa pang-walang-hanggang kayamanan.

a. Nais niya’y karangalan; tagumpay; at makalupang kayamanan.

b. Malamang na masama ang loob niya na hindi natupad ni Cristo ang lahat ng kanyang planong pampulitika para sa Mesias. Gusto niya sigurong magkamit ng mataas na posisyon sa kaha-riang itatatag ni Cristo sa lupa.

1) Tipikal ito sa mga alagad na madaling sasama kay Jesus at kunin ang gusto nila, at kapag hindi Niya maibigay ang kanilang gusto at sila pa’y utusang magtalaga ng kanilang buhay, sila ay madali ring lalayo.

2) Inilalantad ng taong ganito na hindi naman sila tunay na naligtas sa pasimula pa.

3) Kapareho sila ng mga binhi na nalaglag sa batuhan. Basahin ang Mateo 13:20-21.

2. Mapandayang pagmamaskara lamang ang ipinakitang pananalig ni Judas.

a. Mahusay na manlilinlang ang mga huwad na alagad.

b. Nagkukunwa silang umiibig sa Panginoon ngunit ang kanilang mga halik ay halik ng kataksilan.

3. Nakisali si Judas at lahat ng iba pang alagad na katulad niya dahil sa kung ano ang kanilang matatanggap.

a. Nasisiyahan na sila sa konsiyensyang napayapa, katahamikan ng isipan, isang mabuting reputasyon o kaya’y makasariling espirituwal na kasiyahan.

b. Karamihan sa kanila ay inihahayag si Cristo dahil maganda ito sa kanilang negosyo o kaya’y inaakala nilang makapagdudulot ito sa kanila ng kalusugan, kayamanan, at kasaganaan.

c. Ngunit katulad sila ni Esau na ipinagbili kanyang karapatang mana para lamang sa isang masarap na lugaw.

4. Mga katanungan sa sarili :

a. Ikaw ba’y isang huwad na alagad? Nakikisali sa mga gawain ngunit malayo ang iyong puso sa tunay na pagpapasakop kay Cristo?

b. Nagpapahayag ka ba na ikaw ay kay Cristo na dahil sa mga pagpapala, suwerte, kagalingan, at katanyagang maaari mong makamit?

c. Handa mo bang ipagpalit ang negosyo mo, posisyon mo sa lipunan, reputasyon mo sa iyong mga kapitbahay… dahil sa tunay na pagkakilala mo sa pagka-Panginoon ni Jesu-Cristo sa iyong buhay?

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.