Hinahanap at Inililigtas Niya Ang Naliligaw
Panimula
- Wala nang higit na maluwalhating katotohanan sa Biblia kundi ang mga salitang nasulat sa Lukas 19:10: “Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.” Iyan ang buod ang gawain ni Cristo dito sa lupa. Sa pananaw ng tao, ito na rin yata ang kaisa-isang pinakamahalagang katotohanan na natala sa Kasulatan.
- Nakakalungkot lamang dahil may mga dispensationalist na nagtuturo na “ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos” (Mat. 4:23) ay kakaiba sa “Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.” Sinabi ni Lewis Sperry Chafer na ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos ay para lamang sa bayang Israel at “hindi dapat na ipagkamali ito sa Mabuting Balita ng nakapagliligtas na kagandahang-loob [saving grace].” Sabi pa nga ng isa pang dispensationalist na manunulat (Clarence Larkin), na ang mabuting balita na ipinangangaral ni Jesus ay walang kinalaman sa kaligtasan kundi ito’y isang paanunsyo lamang na dumating na ang panahon ng pagtatatag ng kaharian Niya sa lupa. Maaaring umugma ang pananaw na ito sa kanilang dispensational na panukala ngunit hindi ito sinusuportahan ng Kasulatan. Huwag nating kalimutan na naparito si Jesus upang hanapin at iligtas ang mga naligaw, hindi lang ianunsyo ang isang kaharian sa lupa.
- Nang ihayag ni Jesus ang Kanyang kaharian, nangangaral Siya ng kaligtasan. Ang Kanyang pakikipag-usap sa isang lalaking mayaman na may tungkulin sa bayan ng Jerusalem sa Mateo 19 ay makatutulong sa pag-unawa sa mga terminong ginamit Niya. Pagkatapos na umalis ang lalaking mayaman na hindi nakamit ang kaligtasanng hinahanap niya, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Sinasabi Ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! [kingdom of heaven]” (t. 23). Ito palang mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos ay katumbas sa pagkamit ng buhay na walang hanggan. Sa sumunod na talata sinabi ng Panginoon, “madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos [kingdom of God] ang isang mayaman” (t. 24). Maliwanag na ang paghahari ng Diyos at buhay na walang hanggan ay tungkol lahat sa kaligtasan. Lubos itong naunawaan ng mga alagad kaya nga silang nagtanong, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?”
- Anuman ang terminong ginamit ni Jesus---pagtanggap ng buhay na walang hanggan, paghahari ng Diyos, o ang pagiging ligtas---ang mahalagang laman ng Kanyang mensahe ay laging patungkol sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Sabi Niya tungkol sa Kanyang misyon, “Naparito Ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi.” Sinabi rin ni Apostol Pablo sa 1 Tim. 1:15, “Narito ang isang katotohanang dapat tanggapin ng lahat: si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat.”
Pagtalakay
I. Paghanap at Pagligtas
A. Kalikasan ng Diyos ang magligtas ng mga naliligaw
1. Sa pasimula pa’y Siya ang naghanap sa mag-asawang nagkasala sa hardin ng Eden.
2. Sa Eze. 34:16, “Hahanapin Ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay Ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.”
3. Sa buong Lumang Tipan ay inilalalarawan ang Diyos na Tagapagligtas (Awit 106:21; Isa. 43:11; Hos. 13:4), kaya nararapat na magpakilala si Cristo bilang Tagapagligtas ng Siya'y pumasok na sa daigdig ng tao bilang Diyos na nagkatawang-tao.
4. Di nga ba’t pati pangalan ni Jesus ay napili upang magkahulugan ito ng “Tagapagligtas.” Sabi ng anghel kay Jose sa Mat. 1:21, “Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y panganganlan mong Jesus, sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
B. Ang Mabuting Balita para lamang sa mga makasalanan
1. Ito’y iniaalok at ibinibigay lamang Niya sa mga taong ang kanilang pananaw sa sarili ay mga makasalanang nangangailangan ng pagliligtas. Ang lahat ay makasalanan, ngunit hindi lahat ay handang aminin ang kanilang kalugmukan sa putik.
2. Ngunit kung aaminin nila, sila’y nagiging Kaibigan Niya (cf. Mat. 11:19). At kung hindi naman, makikila nila Siya bilang isang hukom (cf. Mat. 7:22).
3. Sa talinghaga ng Lukas 18:10-13, ipinakita ni Jesus ang katotohanang ito. Ito’y sinabi niya sa “mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba” (t. 9)
a. Napikon siguro ni Jesus ang mga tagapakinig Niya na karamihan ay mga Pariseo nang sabihin Niya kung ano naman ang tingin Niya doon sa Pariseo sa talinghaga (t.14).
C. Ang Katanggap-tanggap na tugon
1. Ang katanggap-tanggap na tugon lamang sa mabuting balita ni Jesus ay mapagpakumbabang pagsisisi.
2. Sa mga hindi tumutugon ng pagsisisi sa kanilang kasalanan---katulad ng lalaking mayaman---ay Kanyang itinataboy.
3. Sa mga umamin ng kanilang kasalanan, mas malala ang pagkamakasalanan ay mas kamangha-mangha ang Kanyang biyaya at karangalang naihahayag sa pagsisisi nila.
4. Sa katunayan, napakaraming mga nagsisising tao ang lumapit kay Jesus. Patuloy Siyang naglingkod sa mga publikano at iba pang mga itinataboy ng lipunan (Lukas 15:1).
a. Ang reklamo na nga sa Kanya ng mga Pariseo ay “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.”
b. Itinuring nilang higit na mas mabuti ang kanilang kalagayan kaysa sa mga nakakahalubilo ni Jesus, at dito nila nahatulan ang kanilang sarili. Wala nang magagawa pa si Jesus para sa kanila.
II. Ang Pangyayarihan ng Himala
A. Ang mga Gaganap: Si Jesus at si Zaqueo
1. Si Zaqueo ay isang tagapangulekta ng buwis [publikano] na katulad ni Mateo ang puso niya’y naihanda na ng Diyos na tanggapin at sundin si Cristo.
a. Nakaharap niya si Jesus noong ang Panginoon ay dumaan sa Jericho patungong Jerusalem kung saan Siya nakatakdang mamatay.
2. Si Jesus ay patungo na sa Jerusalem para sa kahuli-hulihang paskuwa [passover], kung saan Siya mismo ang Kordero na magbubuwis ng buhay sa krus para sa mga makasalanan.
a. Para bang ipinapakita Niya kung bakit kailangan Niyang mamatay, tumigil siya sa Jericho upang abutin ang isang makasalanang mangungulekta ng buwis.
B. Mga Taong Papunta ng Jerusalem para sa Paskuwa
1. Nakakolekta na ng mga tagahanga ang Panginoon habang Siya’y naglalakbay patungong Jerusalem. Kumalat na sa buong Palestine ang Kanyang katanyagan.
a. Nabalitaan nila ang Kanyang pagkakabuhay kay Lazaro mula sa libingan; iyan ay nangyari sa Bethany na hindi kalayuan sa Jericho.
b. Malamang na halos lahat ng tao sa Jericho na makakalakad ay pumuwesto na sa tabi ng kalsada upang abangan ang pagdaan ni Jesus.
c. Maririnig ang mga umuugong na mga tanong nila: Siya nga kaya ang Mesiyas? Siya ba’y naparito upang maghari na? Tatalunin na ba Niya ang mga Romano at maitatag ang Kanyang kaharian?
C. Ang Jericho
1. Ito ay nasa hilaga at bandang silangan ng Jerusalem. Dito nagku-krus ang landas ng maraming manlalakbay at mga negosyante mula sa iba’t-ibang bayan.
2. Dito rin nakapuwesto ang bahay-Adwana (customs house), kung saan kinukulekta ang buwis, na napakaraming taong abala sa pagbabayad nila ng buwis, at si Zaqueo ang publikanong tagapamahala roon.
III. Paghahanap sa Tagapagligtas
A. Kakaibang Pag-ibig ni Cristo sa mga Publikano
1. Sabi ng Lukas 19:7, ang bulung-bulungan ng mga Pariseo tungkol kay Zaqueo ay siya daw ay “isang makasalanan.”
a. Hindi lamang siya tagapangolekta ng buwis at traydor sa kanyang bayan, ang pagkakatawag sa kanya bilang “isang makasalanan” ay maaaring nangangahulugan na ang kanyang pagkatao ay talagang sira na (debauched).
b. Napagtuunan ni Lukas ang maraming pagkakataon na nakaharap ni Jesus ang mga publikano, at palaging positibo ang pagpakilala sa kanila. (3:12; 5:27; 7:29; 15:1; 18:10-13; 19:2).
c. Sila ay mga itinakwil na ng lipunang relihiyoso---mga lantarang makasalanan---mga uri ng tao na siya mismong pinagparito ni Jesus upang iligtas.
B. Naunang Hinanap Siya ng Diyos
1. Sa unang tingin, parang may sariling kakayahan si Zaqueo na hanapin si Jesus, ngunit ang katotohanan kung hindi siya unang hinanap ni Jesus, hindi siya makalalapit sa Tagapagligtas.
a. Hindi likas na gawi ng mga makasalanan ang lumapit sa Diyos (Roma 3:11).
b. Sa ating likas na kalagayan, tayo’y patay dahil sa ating mga pagsuway at kasalanan (Eph. 2:1); walang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos (Eph. 4:18), kayat lubos na walang kakayahan at ayaw lumapit sa Diyos.
2. Kung hindi lamang dahil sa nakapangyayaring pagkilos ng Diyos na tayo’y tawagin at saka lamang tayo kikilos na lumapit sa Kanya (Juan 6:44-45).
a. Hindi tayo ang unang umibig sa Kanya, Siya ang unang umibig sa atin (1 Juan 4:19)
b. Maliwanag din sa Kasulatan na tayo’y inaanyayahan na hanapin ang Diyos (Isa. 55:6; Jer. 29:13; Amos 5:4; Mat. 6:33; 7:7).
C. Hinahanap ni Zaqueo ang Tagapagligtas
1. Nabalitaan na niya kung sino si Jesus pero hindi pa niya nakita ito ni minsan. Sabi nga ng Lukas 19:3, “At pinagsikapan niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito.”
2. Ayon sa pagkaka-ayos ng pangungusap, patuloy siyang naghahanap ng paraan na makita si Jesus. Bakit kaya? Nakikiusyoso lang ba siya? Malamang na nakokonsiyensya na siya? Kalayaan sa umuusig na budhi? Yan nga siguro ang dahilan.
3. Higit pa sa lahat ng ito, ang katunayan na siya’y naligtas ay nagpapakita lamang na ang kapangyarihan na humahatak sa Kanya papalapit kay Jesus ay walang-iba kundi ang Banal na Espiritu.
a. Maliwanag na kumilos na ang Banal na Espiritu sa puso niya at siya’y inakit na lumapit kay Jesus.
b. Hindi siya ang may kusang humanap sa Diyos; kumilos ang Banal na Espiritu sa kanyang puso. Siya’y tumugon at lumapit kay Jesus.
4. Dahil nga sa siya ay itinuturing na ng lipunan na patapon na, at imbes na tumakas at magtago ay sinuong ang mga hadlang na ito upang makalapit kay Jesus…
a. Dami ng tao, mga miron na naka-linya na sa kalsada at nag-aabang sa pagdating ni Jesus;
b. Ang kanyang kapandakan, malamang na sadyang iniwasan na niya ang dami ng mga tao;
c. Kahit na baka sikuhin siya, o matapakan ang kanyang paa o kaya’y masaksak dahil kilala siyang mangungulekta ng buwis… nagbakasakali siya na maunahan ang dami ng mga tao sa paglapit kay Jesus.
d. Hindi na niya inintindi ang kanyang dignidad at siya’y dali-daling umakyat sa puno ng sikomoro upang makita niya agad ang papalapit na si Jesus.
IV. Ang Naghahanap na Tagapagligtas
A. Tinawag ni Jesus si Zaqueo
1. Nabigla siguro si Zaqueo ng tumigil si Jesus at tinawag siya mula sa puno ng sikomoro at siya’y pinabababa – Lukas 19:5
a. Hindi pa sila nagkikita noon ni Jesus ngunit tinawag na Niya sa pangalan si Zaqueo.
b. Lantaran Niyang tinawag si Zaqueo; wala kasing patago o paramdam lamang na pagtawag ang Panginoon; palagi itong diretsahan.
2. Nakatakda na ang kanilang pagkikita, “kailangan Kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”
a. Hindi ito pakiusap kundi pautos; hindi Niya tinatanong kung puwede ba kundi sinasabi Niyang kailangan.
b. Ipinapakita nito sa atin na naihanda na ang puso ni Zaqueo ayon sa orasan ng Diyos.
B. Tugon ni Zaqueo sa Pagtawag ni Jesus (19:6)
1. Nais talagang makita ni Zaqueo si Jesus, pero hindi niya akalain na gusto rin pala siyang makita ni Jesus.
2. Maaaring isipin natin na mababagabag ang isang talamak na makasalanang katulad niya nang sabihan siya ni Jesus na tutuloy ito sa kanyang bahay.
a. Ngunit si Zaqueo’y nagalak; tunay ngang naihanda na ang kanyang puso.
C. Bulung-bulungan ng mga Nakakita (19:7)
1. Inaasahan naman na hindi magiging maganda ang pansin ng mga nakakita sa pangyayari.
a. Talagang mababa ang tingin nila kay Zaqueo dahil ang bansag nila sa kanya ay “isang makasalanan.”
b. Sa pananaw ng mga relihiyoso, ang makituloy at kumain sa tahanan ng isang itinatakwil ng lipunan ay nakapagpaparumi sa sarili --- lalo pa’t sa tahanan ng isang publikanong tulad ni Zaqueo.
c. Wala silang pakialam sa kalagayang espirituwal ni Zaqueo; tanging nakikita lamang ng kanilang mapagmapuring mata ay ang kanyang kasalanan.
d. Hindi nila maunawaan na kaya siya pinuntahan ni Jesus ay upang hanapin at iligtas ang mga naligaw.
2. Kinondena nila si Zaqueo, at dahil sa sinabi nila, sila na rin ang humatol sa kanilang mga sarili.
D. Paano inihayag ni Jesus kay Zaqueo ang Kaligtasan?
1. Kapansin-pansin na hindi na sinabi sa atin kung ano ang nangyari sa loob ng tahanan ni Zaqueo.
a. Hindi natin alam kung ano ang kanilang naging ulam at kung gaano katagal na tumigil si Jesus sa kanyang tahanan.
b. At katulad na rin ng ating mga nakita sa iba pang paghahayag ni Cristo ng ebanghelyo, hindi mahalaga kung anong paraan o pormula ang Kanyang ginamit.
c. Ang pagsisisi o pagbabalik-loob ng isang tao ay laging isang himala; walang promula o pamamaraan na makapagtitiyak ng kaligtasan ng isang kaluluwa.
2. Maasahan natin na hinarap ni Jesus ang kasalanan ni Zaqueo. Walang duda na alam na rin ni Zaqueo na siya’y isang makasalanan.
a. Nakatitiyak tayo na nagpakilala si Jesus kung sino Siya kay Zaqeuo --- Diyos na nagkatawang-tao.
b. Anuman ang Kanyang inihayag Niya kay Zaqueo, nakatagpo Siya rito ng bukas na puso.
V. Ang Bunga ng Kaligtasan
A. Pagbabago ni Zaqeuo (19:8-9)
1. Pansinin ang pagkakatawag ni Zaqueo kay Jesus --- “Panginoon…”
a. Maaaring tawag lamang niya kay Jesus ay isang “Ginoo” o “Guro.” Ngunit higit pa rito ipinahihiwatig ni Zaqueo, bakit natin masasabi ito?
b. Sa t. 9, sinabi ni Jesus na “ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito.” Ibig sabihin lamang na naligtas na si Zaqueo, at kung gayon---tiyak na kinilala niyang Panginoon at Diyos si Jesus!
c. Ang pag-amin na tio ni Zaqueo ay hindi niya maaaring masabi bago pa nakaklilos si Jesus sa kanyang puso at lalong hindi niya maaaring itanggi ito pagkatapos na maligtas (1 Cor. 12:3)
2. Ang laki ng pinagbago ni Zaqueo! (t. 9)
a. Isang malinaw na katibayan na nabago na ang kanyang puso ay nang sabihin niyang ibibigay niya ang kalahati ng kanyang mga ari-arian (mga nakamkam) sa mga dukha.
b. Bukod dito isasauli pa niya ng makaapat na ibayo ang lahat ng nakurampot niya sa sinumang ng kanyang nadaya.
B. Naging Lipi na rin ni Abraham si Zaqueo (t. 9c)
1. “Lipi rin ni Abraham ang taong ito…” sabi ni Jesus, na nangangahulugan na ligtas na nga si Zaqueo.
a. Siya’y naging lipi ni Abraham hindi dahil sa kanyang pagka-Judio, kundi dahil sa kanyang pananampalataya (Roma 2:28)
b. Paano nga maging tunay na Judio? Basahin ang Roma 4:11 at Gal. 3:7.
2. Naligtas si Zaqeuo hindi dahil pinamigay niya ang kanyang mga kayamanan sa mga dukha; kundi siya ay naging tunay na anak (lipi) ni Abraham.
a. Ang kanyang ginawang pamimigay ng kanyang mga ari-arian ay katibayan ng kanyang nagbagong katauhan (2 Cor. 5:17).
b. Kung makikita ngayon ni Zaqueo ang mga nagsasabing sila’y Cristiano ngunit di makitaan ng pagsunod kay Cristo, tiyak na di niya ito mauunawaan.
Pagtatapos
- Ito nga ang dahilan kung bakit naparito si Cristo --- upang hanapin at iligtas ang naligaw.
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus))
©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.