Sinusuri Niya Ang Gustong Sumunod Sa Kanya

Panimula


Pagtalakay


I. Tama Ang Kanyang Paglapit

A. Naghahanap ang binata ng buhay na walang hanggan.

1. Nasa kanya na ang lahat maliban sa kaligtasan.

a. Bukod sa binata (Mateo 19:20), mayaman pa siya (t. 22).

b. May tungkulin siya sa bayan (Lucas 18:18). Malamang na isa siyang pinuno sa sinagoga ng mga Judio.

2. Gayon na lang ang gulat ng mga tao na aaminin ng ganitong tao na kailangan niya ng buhay na walang hanggan.

a. Walang masama sa layunin ng binata. Maganda ang maghangad ng kaligtasan.

b. Hindi siya humihingi ng karagdagang kayamanan. Higit pa rito ang kanyang hinahanap—buhay na walang hanggan.

B. Sa kabila ng kanyang kayamanan at kabutihan, walang katiyakan ng kaligtasan ang binata.

1. Hindi lamang para sa hinaharap ang tinutukoy ng buhay na walang hanggan kundi para rin sa kasalukuyan (Juan 10:10). Hindi lamang ito pamumuhay ng walang katapusan sa hinaharap kundi pakikipag-ugnayan ngayon sa buhay na Diyos.

2. Ito ang buhay na hinahanap ng binatang mayaman.

a. Nakita ng binata na kapos pa rin ang kanyang relasyon sa Panginoon.

b. Hindi siya katulad ng mga Pariseo na matuwid ang tingin sa sarili. Alam ng binata na may kulang sa kanyang buhay.

II. Tama Ang Kanyang Pananaw

A. Maraming taong alam na hindi sila ligtas. Subalit, hindi nila nakikita na kailangan nila ang buhay na walang hanggan. Iba ang binatang ito.

1. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa. “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16).

2. Ayon sa Marcos 10:17, patakbong lumapit ang lalaking ito sabay luhod sa harapan ni Jesus.

a. Hindi siya katulad ni Nicodemo na itinaon na gabi ang paglapit sa Panginoon (Juan 3:1-2, 12:42-43).

b. Naganap ang kanilang pagtatagpo sa lansangan, sa harap ng maraming tao. Ngunit, hindi man lamang niya ito inalintana o ikinahiya.

3. Malakas ang kanyang loob na aminin na hindi siya ligtas.

a. Makikita sa kanyang pagluhod sa harapan ni Jesus ang kanyang pagpapakumbaba.

b. Hindi niya itinago ang kanyang tunay na kalagayan sa harap ng mga tao. Handa siyang mapahiya magkaroon lamang ng buhay na walang hanggan.

c. May puso siyang sumisigaw dahil sa matinding pangangailangan.

B. Kung nagpapakumbaba siya, bakit inihayag niya sa Panginoon na natupad niya ang lahat ng Kautusan (Mateo 19:20)?

1. Maaaring labis ang kanyang pahayag. Subalit, hindi maitatatwang matuwid ang kanyang pamumuhay batay sa panuntunan ng kanyang relihiyon.

2. Sa kabila nito, inamin pa rin niya ang kanyang pangangailangan sa Panginoon.

a. Kung mag-a-altar call o mananawagan si Jesus na lumapit sa harapan kung sino ang gustong tumanggap sa Kanya, hindi na kailangan pang kantahan ang taong ito ng “Susunod ako, Panginoon.” Siguradong tatakbo na papalapit ang binatang ito.

b. Ito ang taong tiyak na hindi pakakawalan ngayon. Hindi lamang siya mayaman kundi iginagalang pa sa lipunan. Isipin na lang natin ang magagawa niya para sa Panginoon—maaari siyang magbigay ng testimony o patotoo, sumulat ng aklat o magkaloob ng malaking halaga sa iglesya.

III. Tama Ang Kanyang Nilapitan

A. Hindi lamang isang ebanghelista ang kanyang nilapitan kundi Siya mismong pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan!

1. Maraming mga tao ang naghahanap kung saan-saan at lumalapit kung kani-kanino makasumpong lamang ng buhay na walang hanggan. Ito’y dahil na rin sa panlilinlang ni Satanas (2 Cor. 4:4, 11:14-15).

2. Hindi lamang matatagpuan kay Jesus ang buhay na walang hanggan—Siya mismo ang buhay (Juan 10:10, 14:6; 1 Juan 5:11, 20)!

B. Mataas ang ipinakitang paggalang ng binatang mayaman sa Panginoong Jesus.

1. Tinawag niya itong “Guro” (Mateo 19:16), na nangangahulugan na itinuturing niya si Cristo na tagapagturo ng mga banal na katotohanan.

2. Ayon sa Marcos 10:17 at Lucas 18:18, tinawag niya si Cristo na “Mabuting Guro”. Ginamit niya ang salitang Griego na agathos, na nangangahulugan na kinikilala niya na likas ang kabutihan ni Jesus.

a. Hindi niya ginamit ang salitang Griego na kalos nang tawagin niyang “Mabuti” ang Panginoon. Ang ibig sabihin nito ay panlabas na kabutihan lamang

b. Hindi lamang niya tinitingala si Jesus bilang magaling kundi, higit pa rito, isang likas na mabuting guro.

3. Hindi ito nangangahulugan na naniniwala siya na Diyos ang Panginoong Jesus.

a. Malamang pa nga na hindi niya napagtanto na si Jesus ang pinakahihintay na Cristo. Naakit lamang siya sa kapangyarihan ng pagtuturo ni Jesus at ng Kanyang pamumuhay.

b. Lumapit siya kay Jesus dahil nakita niya sa Panginoon ang matagal na niyang hinahanap.

4. "Sumagot si Jesus, ‘Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos.‘" (Marcos 10:18).

a. Hindi itinatatwa ni Jesus na Siya ay Diyos. Matatandaan na tinawag Niya ang sarili na “Mabuting Pastol” (Juan 10:11).

b. Gusto lamang malaman ni Cristo kung kilala nga ba talaga Siya ng binatang mayaman.

c. Sa kabila nito, tama ang kanyang nilapitan bagamat hindi niya kinikilala si Jesus bilang Cristo o Diyos (Gawa 4:12).

IV. Tama Ang Kanyang Katanungan

A. May mga nagsasabi na mali ang tanong ng binatang mayaman: “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16).

1. Sinasabi nilang naniniwala ang binata na maliligtas ang isang tao sa pamamagitan ng kanyang mga mabuting gawa.

a. Ngunit, karaniwan ito sa isang lumaki sa relihiyon na naniniwala na magiging karapat-dapat ang tao sa harapan ng Diyos dahil sa kanyang mga mabuting gawa (Roma 9:31-32; 10:2-3).

b. Subalit, wala siyang balak na siluin ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang katanungan.

2. Gusto lamang talaga niyang malaman kung ano pa ang kailangan niyang gawin para maligtas.

a. Wala itong ipinagkaiba sa tanong ng mga Judio sa Panginoon, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” (Juan 6:28).

b. Maliwanag ang sagot ni Jesus: “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya.” (t. 29)

3. Nakapagtataka ang naging tugon ng Panginoon sa katanungan ng binatang mayaman: “Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” (Mateo 19:17).

a. Hindi naghayag si Jesus ng anuman kung sino Siya. Hindi man lamang Niya inanyayahan ang binata na manalig sa Kanya.

b. Lumalabas na naglagay pa ng balakid ang Panginoon sa harap ng binata.

4. Tama ang sagot ni Jesus. Kung masusunod ng sinuman ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan, magiging ganap siya o walang pagkakasala (Santiago 2:10).

a. Subalit walang taong ipinanganak na ganap (Awit 51:5).

b. Hindi itinuturo ng Panginoon na matatamo ng tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. Ano ang gustong patunayan sa kanya ni Jesus?

V. Puspos Siya Ng Pagmamalaki

A. Alam ng Panginoong Jesus na kulang ng pagkilala sa kanyang pagiging makasalanan ang binatang mayaman.

1. Gusto niyang maligtas dahil sa nararamdamang kahungkagan sa kaluluwa—batay sa kagustuhang makawala sa kawalan ng kapayapaan at magtamo ng lubos na kaligayahan.

2. Walang masama na hangarin ang naturang mga bagay. Subalit, hindi ito katanggap-tanggap na dahilan sa pagtatalaga ng sarili kay Cristo.

B. Dito nagkukulang ang mga kasalukuyang paghahayag ng Mabuting Balita—sa pagpapakita sa mga tao ng katotohanan tungkol sa kanilang mga kasalanan.

1. Kadalasang kasiyahan o kapayapaan ang iniaalok ng mga mangangaral ngayon. Naniniwala sila na matumbok mo lamang ang pangangailangang psychological ng isang tao ay maaari mo nang ialok si Jesus bilang kasagutan sa naturang mga problema.

2. Bunga nito, madali lamang magpatanggap dahil naghahanap ang tao ng madaliang solusyon sa nakikita niyang mga pangangailangan.

3. Subalit, kung puro ganito lamang ang ipinapahayag natin, hindi ito katanggap-tanggap na paghahayag ng ebanghelyo.

C. Hindi tinugon ng Panginoon ang nararamdamang pangangailangan ng binatang mayaman. Subalit ipinakita Niya na nagkasala ito sa Diyos.

1. Mahalagang makita ng binata na hindi siya karapat-dapat sa paningin ng banal na Diyos upang siya ay maligtas.

a. Hindi maaaring lumapit ang isang tao kay Cristo dahil lamang sa naghahanap siya ng kaligayahan, nakadarama siya ng kawalang-pag-asa sa buhay at nakikita niya ang kakulangan ng kapayapaan sa kanyang buhay.

b. Ang kaligtasan ay para lamang sa mga taong namumuhi sa kanilang kasalanan at gusto nang talikuran ito. Nakalaan lamang ito sa mga taong kinikilala ang kanilang paghihimagsik sa banal na Diyos at gustong mamuhay ng kalugud-lugod sa Kanya.

2. Inalis ng Panginoon ang paningin ng binata sa kanyang sarili at itinuro ito sa Diyos: “Iisa lamang ang mabuti.” (Mateo 19:17).

a. Ipinakita ni Jesus na, kung susukatin sa panuntunan ng Diyos, hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Panginoon ang binata (Roma 3:23).

b. Hindi itinuturo ni Cristo na matatamo ng sinuman ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan.

c. Bago natin patanggapin sa Panginoon ang isang tao, kailangang malinaw sa kanya na siya ay makasalanan. Kailangang ipakita muna natin ng malinaw sa kanila na hindi nila natupad ang Kautusan ng Diyos bago natin ipahayag ang kaligtasan.

d. Kung nakabatay lamang ang ipinahahayag na mensahe sa pangangailangan ng tao, sa kanilang pakiramdam at sa kanilang suliranin, kulang-kulang ang Mabuting Balita na kanyang narinig. Hindi talaga sila makatatanggap ng kaligtasan.

3. Binibigyang-diin ng Biblia ang kahalagahan ng pagkilala sa kasalanan ng tao.

a. Inabot ng tatlong kabanata si Pablo sa aklat ng Roma para maipahayag ang kasalanan ng sanlibutan bago niya tinalakay ang daan ng kaligtasan.

b. Kung hindi makikita ang pagsuway sa kautusan, hindi mapahahalagahan ng tao ang biyaya ng Diyos. Kung hindi maiintindihan ang katunayan at bigat ng kasalanan, walang katubusang makakamtan.

c. Kailangan nating isaayos ang ating pagbabahagi ng mabuting balita. Hindi natin mababalewala na napopoot ang Diyos sa kasalanan at parurusahan ang mga makasalanan ng walang hanggang pahirap.

d. Bakit natin binabahaginan ng isang uri ng ebanghelyo ang mga taong patungo na sa impyerno na may napakagandang plano ang Diyos para sa kanilang buhay?

1) Ano sabi ng Awit 7:11? Ang isang matuwid, banal, dalisay na Diyos ay di maaaring mangunsiti sa kasamaan.

2) Hindi Niya ililigtas ang mga taong lalapit sa Kanya na namumuhay pa sa kasalanan.

4. Tinanong ng mayamang lalaki kung alin sa kautusan ang kailangan niyang sundin.

a. Tinugon siya ng Panginoon at ibinigay ang ikalawang bahagi ng Sampung Utos; saka Niya idinagdag na “Ibigin mo ang iyong kapuwa tulad ng iyong sarili” (Mateo 19:18-19).

b. Wala tayong paraan upang malaman kung bakit pinili ng Panginoon ang mga utos na binanggit Niya; maaaring alam Niya na hindi iginagalang ng binatang lalaki ang kanyang mga magulang---ito’y karaniwang kasalanan ng mga pinuno sa relihiyon noong panahon Niya (Mateo 15:3-6).

c. Ang mahalagang pansinin dito ay nangaral si Jesus ng kautusan sa kanya.

5. Wala tayong karapatang ipangaral ang kagandahang-loob ng Diyos sa mga taong di naman nauunawaan ang implikasyon ng kautusan ng Diyos.

a. Walang saysay na ipaliwanag ang biyaya sa isang tao na di naman alam ang hinihingi ng langit para sa katuwiran.

b. Sa mga taong di man lamang nararamdaman ang kanilang kasalanan ay di rin maaaring maunawaan ang habag ng Diyos.

c. Di natin maaaring maipangaral ang ebanghelyo ng kagandahang-loob sa mga taong di naman narinig na hinihingi ng Diyos ang pagsunod at pnagpaparusa sa mga di sumusunod.

d. Napukaw dapat ng mga salita ni Jesus ang makilala ng binatang mayaman na siya’y di nakaabot sa pamantayan ng Diyos. Ito ang pinakapunto ng aral ni Jesus, ngunit kanya itong tinalikuran.

VI. Di Niya Inamin ang Kanyang Kasalanan

A. Ipinakita Niya ang Kanyang Pananaw sa Kautusan

1. Sa t. 20, “Sinabi ng binata, ‘Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat aking gagawin?’”

a. Maaaring hindi pa siya nakapatay. Maaaring hindi pa siya nangalunya. Maaari rin na hindi pa siya nakapagnakaw o nagsinungaling, at inakala niyang ginalang naman niya ang kanyang ama’t ina. Posible na sa panlabas na kalagayan ay nagawa nga niyang sundin ang Kutusan.

b. Ngunit sa simula pa lamang ang naging diin ng pagtuturo ni Jesus ay liwanagin ang Kautusan sa paraang walang sinuman, kahit na yaong nakasusunod sa hinhingi ng Kautusan sa panlabas na kalagayan, ay di makatitingin sa mga Kautusan at maramdamang sila’y napawalang-sala (Mateo 5:20-48; Roma 3:20).

c. Di niya matatakasan ang hinihingi ng pamantayan ng Diyos. Ang utos na ibigin ang yiong kapwa tulad ng sa sarili ay may di matatakasang panloob na aplikasyon.

d. Hindi maaaring masabi niya ng tapat na lagi na niyang natutupad ang Kautusan. Kung di siya nagsisinungaling, tiyak na nalilinlang niya ang sarili.

2. Sanay na ang mga Pariseo sa panlabas na pagsunod sa Kautusan.

a. Nakabilis at alerto sila sa panlabas na ritwal at ugali, ngunit di naman inaayos ang kanilang mga puso.

b. Sa kabilang banda, nagturo si Jesus na ang pagkamuhi ay katumbas na rin ng pagpatay, na ang mahalay na pagnanasa ay katumbas ng pangangalunya, na ang pagkapoot sa kaaway ay kasingmali ng pagkapoot sa kapwa (Mateo 5:21-47).

c. Di nakuhang maintindihan ng binatang lalaki ang kahalagahan ng pagtuturo ni Jesus.

1) Ang lakas ng loob niyang inamin na natupad na niya ang Kautusan sa harap ng maraming tao;

2) Naisip niya siguro na sasang-ayunan naman ng mga tao na siya nga’y namuhay ng matuwid. Tutal, sa kanilang pagkakaalam, natupad niya sa panlabas na kalagayan ang Kautusan.

B. Kailangan Niyang Mapuno ang Kahungkagan ng Kanyang Puso

1. Napatutunayan ang katotohanang nais niyang may makapuno sa kanyang hungkag na puso.

a. Inamin niyang wala naman daw siyang pagsuway na nagawa laban sa Diyos. Para niyang sinasabi, “Wala talaga akong kasalanan. Natupad ko na ang lahat ng Kautusan. Tinitingnan ko ang aking sarili at wala akong makitang nilabag ko.”

b. Ang relihiyong mapagmatuwid ay nakapanlilinlang, Naniwala talaga ang taong ito na siya’y matuwid nga. Wala sa isip niya na siya’y di nakaabot sa pamantayan ng Diyos.

2. Di puwedeng maligtas ang lalaking ito habang siya’y nakakapit sa asal ng pagmamatuwid.

a. Ang kaligtasan ay hindi para sa mga taong nais lamang ay gumanda ang pakiramdam; ito’y para sa mga makasalanang lumalapit sa Diyos para mapatawad.

b. Ang mga taong hindi ikinahihiya ang kanilang kasalanan ay di maaaring makatanggap ng kaligtasan.

C. Kahabag-habag na Larawan ng Lalaking Mayaman

1. Ayon sa Marcos 10:21, “Magiliw siyang tinitigan ni Jesus...” (And looking at him, Jesus felt a love for him), ito’y larawan ng kahabag-habag na kalagayan ng binatang lalaki.

a. Tapat naman siyang naghahanap ng espirituwal na kasagutan sa kanyang pangangailangan.

b. Isa siyang tapat na relihiyoso. Minahal din siya ni Jesus at malapit na nga Siyang mamatay para sa mga makasalanang tulad niya.

2. Hindi nais ni Jesus na ang sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsisisi.

a. Ngunit hindi ito magawa ng lalaking ito.

b. Hindi tatanggapin ng Panginoong Jesus ang mga makasalanan sa kalagayang nais nila.

c. Kahit ganoon na lamang ang Kanyang giliw (pag-ibig) sa binatang lalaki, hindi pa rin Niya siya napagkalooban ng buhay na walang hanggan kahit hiningi pa niya ito.

VII. Ayaw Niyang Magpasakop kay Cristo

A. Sinubukan Ni Jesus ang Kanyang Pagsunod

1. Narito ang pagsubok ni Jesus: “Kung ibig mong maging ganap, tumayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa Akin.”

a. Hinamon ni Jesus ang kanyang sinabing siya raw ay nakasunod na sa lahat ng Kautusan.

b. Para bang ganito ang hamon: “Sabi mo iniibig mo ang iyong kapwa tulad iyong sarili. Sige nga, ibigay mo ang lahat ng iyong pag-aari. Kung talagang iniibig mo siya tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili, hindi dapat maging problema iyan.”

2. Hindi nagtuturo si Jesus na pagiging pilantropo ay maliligtas ang tao.

a. Ang katapusang pagsubok sa lalaking ito ay kung susundin ba niya ang Panginoon. Parang ganito ang sinasabi ni Jesus…

1) Narito ang pagsubok ng tunay na pananampalataya: Handa ka bang gawin ang anumang ipagagawa Ko sa iyo? Sino ba ang nais mong magpatakbo ng iyong buhay, ikaw o Ako?

2) Nasundot ni ng Panginoon ang pinakaugat ng ikinabubuhay ng lalaking ito. Dahil alam ni Jesus ang laman ng puso ng binatang lalaki, sinabi Niya, “Liban na lamang na Ako ang pinakamataas na kapangyarihan sa iyong buhay, hindi maaaring mapasaiyo ang kaligtasan.”

b. Inilagay ni Jesus ang Kanyang sarili kasabay ng kayamanan ng binatang lalaki at hiningi Niyang pumili ito, kaya nalantad ang tunay na kalagayan ng kanyang puso.

B. Pagsuko ng Lahat Para kay Cristo?

1. Para ba maging isang Cristiano ay kailangan literal nating maihandog anglahat kay Cristo?

a. Hindi, subalit kailangang si Cristo ang una sa lahat (Colosas 3:18).

b. Nangangahulugan din ito na handa tayong iwanan ang lahat ng dahil sa Kanya (Lukas 14:33)---ibig sabihin, wala tayong kakapitan anumang bagay na mangunguna pa kaysa kay Cristo.

c. Nanaising gawin ng tunay na mananampalataya ang anumang iuutos ng Panginoon.

1) Ang hiling ni Panginoon ay nagnanais lamang na maitatag kung siya nga ay handang magpasakop sa nakapangyayaring kalooban ni Jesus sa kanyang buhay.

2) Wala nang iba pang kahilingan na natala sa Kasulatan na ang sinuman ay ipagbili ang lahat at ito’y ipamigay. Harapang inaatake ng Panginoon ang kahinaan ng lalaki---ang kasalanan ng pag-iimbot, pagpapasarap sa buhay, at materialismo.

3) Wala kasi siyang pakialam sa mga dukha. Mahal niya ang kanyang mga ari-arian. Hinamon ito ng Panginoon.

2. Nabigo sa pagsubok na ito ang binatang mayaman.

a. Hindi niya handang kilalanin si Jesus bilang nakapangyayaring Panginoon sa kanyang buhay. Sabi ng Mateo 19:22, “Pagkarining nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.”

b. Mas higit na mahalaga ang kanyang ari-arian kaysa kay Cristo, at hindi siya makalapit kay Cristo kung ang kapalit nito ay pagbitiw sa mga ito.

c. Kapansin-pansin na umalis siyang malungkot. Mukhang nagnanais talaga siya ng buhay na walang hanggan, ngunit hindi siya handan sa paraang sinabi ni Jesus----ang daan ng pagsisisi sa kanyang kasalanan at pagpapasakop sa pagka-Panginoon ni Jesus.

d. Nanatili siyang di nananalig.

3. Ihambing natin ang tugon ng lalaking ito kay Zaqueo sa Lukas 19.

a. May malalim na pagkalumbay si Zaqueo sa kanyang kasalanan.

1) Handa niyang gawin ang anuman---kasama dito ang pagbitiw niya sa lahat ng kanyang kayamanan---upang makalapit at magpasakop sa kundisyon ni Jesu-Cristo.

2) At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito… Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw” (Lukas 19:9-10).

b. Lumisan ang mayamang binata na hindi tangan ang buhay na walang hanggan na kanyang hininging makamit.

1) Nakakalungot, nakadadalamhating istorya ito. Sabi ng Kawikaan 13:7, “May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman, ngunit ang iba’y nag-aayos mahirap bagaman silay ay mayaman.”

2) Ang taong ito’y nag-aakalang siya’y mayaman, subalit iniwanan niya si Jesus na ganap na nawala ang lahat.

4. Ang kaligtasan ay dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Eph. 2:8).

a. Iyan ang patuloy at at napakaliwanag na katuruan ng Kasulatan. Subalit ang mga taong may tunay na pananampalataya ay di tatangging aminin ang kanilang pagkamakasalanan.

b. Nauunawaan nilang nalapastangan nila ang kabanalan ng Diyos. Niyayakap nila ang pagka-Panginoon ni Cristo. Higit nilang ninanais Siya kaysa sa alinmang bagay sa sanlibutang ito.

c. Ang tunay na pananalig ay nagbubunga ng mga katangiang ito. Ang nakapagliligtas na pananalig ay di mamamaluktot sa hinihinging pagtalikod sa kasalanan at sa sarili at sundin si Jesus kahit ano pa ang maging halaga nito.

d. Yaong di matanggap ang Kanyang mga kundisyon ay di na talaga lalapit. Hindi Niya ipinagpapalit ang Kanyang karapatang maging Panginoon.

5. Hindi tayo naniniwala at hindi kailanman natin itinuturo, na ang isang taong lalapit kay Cristo ay kinakailangang lubos na nauunawaan ang implikasyon ng kasalanan, pagsisisi, o pagka-Panginoon ni Cristo.

a. Kahit lumago na sa pag-unawa ang isang Cristiano sa mahabang panahon, hindi pa rin niya lubos na mauunawaan ang mga bagay na ito sa kaganapan at kalaliman.

b. Dahil nga tayo’y mga makasalanang nilalang, di natin kailanman mauunawaan o masusunod ang Kanyang pagka-Panginoon ng perpekto. Subalit kailangang may kusa ang isang tao na sumunod.

c. Dagdag pa rito, ang pagsisisi at pagpapasakop are hindi rin gawa ng tao tulad ng pananampalataya. Bawat isa’y gawain ng Diyos---mahahalagang sangkap ng gawain ng Diyos sa isang pusong nananalig.

Pagtatapos

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.