Minumulat Niya Ang Mga Matang Bulag

Panimula

Nakasaad sa 1 Corinto 15:3-4 ang mahalagang mensahe ng Mabuting Balita na dapat paniwalaan para sa kaligtasan: (1) Makasalanan ang tao, (2) Si Cristo ang Tagapagligtas, (3) Namatay si Cristo bilang Kahalili ng tao, at (4) Nabuhay si Cristo mula sa mga patay… Hindi lahat ng nananalig sa Mabuting Balita ay nauunawaan na ang Tagapagligtas ay may karapatan na maghari sa kanyang buhay. Kailangang magpasakop kay Cristo ang anak ng Diyos (Roma 12:1-2), subalit hindi kailangan sa kaligtasan ang pagsunod sa utos na iyon… Tanging pananalig sa mensahe ng Mabuting Balita ang kailangan sa kaligtasan.

Pagtalakay


I. Ang Himala ng Kagalingang Pisikal

A. Ito lamang ang himala na nakatala sa mga Ebanghelyo kung saan nagpagaling si Jesus ng taong may congenital disability o isang may kapansanan na sapul nang siya ay ipanganak.

1. Hindi kayang itanggi kahit nang mga skeptic o taong mapag-alinlangan ang himalang ito. Hindi nila masasabi na psychological na pagpapagaling lamang ito o pandaraya lang ni Jesus.

2. Isang birth defect o bulag na ang pulubi nang siya ay ipanganak. Hindi na siya umaasang gagaling pa siya (Katulad nang kasalanan ng buong sanlibutan).

3. Sa halip na manampalataya kay Cristo, lalong nagmatigas ang mga nakasaksi sa himalang ito ng pagpapagaling.

4. Simula noon, lumayo na si Jesus sa mga Hudyo at sa kanilang mga pinuno na hindi nananalig. Sa halip, pinagtuunan na Niya ng pansin ang mga Hentil.

B. Nauna rito, nakasagupa ni Jesus ang mga pinuno ng relihiyon sa templo.

1. Ipinahayag ni Jesus sa kanila ang Kanyang pagiging Diyos. "Sinasabi ko sa inyo: bago ipanganak si Abraham, `Ako'y Ako Na'." (Juan 8:58)

2. Gayon na lang ang galit ng mga Judio kaya nagtangka silang batuhin si Cristo. Ngunit nagawa Niyang lumabas ng templo (8:59).

3. Paglabas ni Jesus, dito Niya nakita ang isang lalaking ipinanganak na bulag (9:1).

4. Kahit na nasa panganib na ang Kanyang buhay, nagawa pa rin ng Panginoon na magpagaling ng isang bulag na makasalanan.

a. Isang pulubi ang lalaking ito (9:8). Hindi siya lumapit o humiling na pagalingin siya ni Jesus. Malamang na hindi rin niya alam kung sino si Cristo. Ni hindi man lamang siya kinausap ni Cristo.

b. Subalit nakita siya ng Panginoon (9:1). Biyaya ng Diyos ang pagpili sa kanya para makatanggap ng isang himala.

C. Dito na nagtanong ang mga alagad. "Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?" (Juan 9:3)

1. Mula pa noong panahon ni Job, ang karaniwang paniniwala noon ay palatandaan ng kasalanan ang paghihirap at pagkakasakit.

2. May mga Rabi pa noon na nagtuturo na maaaring magkasala ang sanggol habang nasa sinapupunan pa lamang siya at buong buhay niya itong pagbabayaran.

D. Hindi na tinalakay ng Panginoon ang kaugnayan ng kasalanan at paghihirap.

1. Ang tanging isinagot Niya: "Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating gawin ang mga ipinagagawa ng nagsugo sa akin samantalang araw pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa" (9:3-4).

2. Mas maraming maituturo ang pagpapagaling sa bulag na pulubi kumpara sa isang mahabang pagtalakay sa katuruan tungkol sa kasalanan at paghihirap.

3. Bago pa man likhain ang sanlibutan ay pinili na ang pulubi "upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos."

E. "Pagkasabi nito, si Jesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag" (Juan 9:6).

1. Hindi ito ang karaniwang paraan ng Panginoon sa pagpapagaling Niya sa mga bulag.

2. Matapos nito'y inutusan ni Jesus ang pulubi na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Sumunod ang pulubi "at nang magbalik ay nakakikita na" (9:7).

3. Dahil sa kanyang pagsunod, nakakita na ang pulubi. Dito na nagsimula ang kanyang pagkamulat.

II. Ang Pagsisiyasat Sa Himala

A. Hindi makapaniwala ang mga tao nang makitang gumaling ang bulag na pulubi (Juan 9:8-9).

1. Kahit ang pulubi ay hindi maipaliwanag ang nangyari sa kanya (9:10-12).

2. Nang kanilang malaman kung paano pinagaling ni Jesus ang pulubi, ikinagalit ito ng mga Pariseo (9:13-15).

a. Para sa kanila, sinuway ni Cristo ang kanilang batas sa Sabbath. "Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga" (9:16a).

b. May iba namang mga Pariseo na nagsisikap na maging makatwiran. "Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?" (9:16b). Kaya sila-sila mismo ay hindi "magkaisa ng palagay" (9:16c).

3. Kung babasahin ang buong kabanata, makikitang inubos ng mga Pariseo ang kanilang oras sa pagtatalo kung paanong nilabag ni Jesus ang Sabbath sa halip na matuwa sa paggaling ng isang bulag sapul nang ipanganak. Kabaligtaran nila ang pulubi na nagpupuri naman sa Diyos!

B. Kaya't tinanong nila uli ang dating bulag kung ano ang kanyang masasabi tungkol kay Jesus (Juan 9:17a).

1. Hindi ito pagtatanong ng isang gustong malaman ang totoo kundi pag-uusig ng isang naghahanap ng butas para mapawalang-saysay ang himala. Subalit hindi nagpatakot ang pulubi. "Siya'y isang propeta" (9:17b).

2. Sa kagustuhan nilang mapasubalian ang salaysay ng pulubi, tinanong naman ng mga Pariseo ang kanyang mga magulang (9:18-19).

a. Sa takot ng kanyang mga magulang na itiwalag sa sinagoga ng mga Pariseo, sinabi nilang tanungin na lamang ang pulubi sapagkat nasa hustong gulang na ito (9:20-23).

b. Kapag naitiwalag sila, naputol na rin ang anumang kaugnayan ng mga Judio sa kanilang lipunan. Hindi sila maaaring magtinda o bumili. Kapag sila'y namatay, hindi sila ililibing. Tuluyan na silang itatakwil.

3. Muli nilang inusig ang pulubi. "Sabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon" (9:24).

a. Walang patunay ang mga Pariseo na makasalanan nga si Jesus (8:46; Hebreo 4:15).

b. Buo na ang kanilang isip. Hinatulan na nila ang Panginoon batay sa kanilang makasariling panuntunan. Ayaw na nilang tanggapin ang katotohanan.

c. Patuloy silang nagmatigas hanggang sa patayin na nga nila si Jesus.

4. Simple lamang ang naging sagot ng pulubi: "Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan o hindi… Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo'y nakakikita na" (Juan 9:25).

a. Nang muling tanungin ng mga Pariseo, tinuya na sila ng pulubi na kanilang ikinagalit (9:26-29).

b. Mapapansin na habang inuusig nila ang pulubi, lalong nabubuo ang kanyang paniniwala patungkol kay Cristo (9:30-33).

c. Kaya ang pulubi ang pinagbuntunan ng galit ng mga Pariseo (9:34). Siya ang kaunaunahang tao na nakatala sa Kasulatan na itiniwalag sa sinagoga dahil kay Cristo.

d. Subalit hindi pa ganap ang pananampalataya ng pulubi. Gumaling na ang kanyang pisikal na mga mata subalit hindi pa mulat ang kanyang espirituwal na mga mata.

III. Ang Himala ng Kagalingang Espirituwal 

A. Hinanap ni Jesus ang pulubi nang malaman na itiniwalag ito sa sinagoga.

1. Bagamat nabubuhay siya sa pamamalimos, hindi hiningi ng pulubi mula sa Panginoong Jesus ang dalawang himala na tinanggap niya—ang kagalingang pisikal at ang kaligtasan.

2. Mapapansin na ang Panginoon ang gumawa ng unang hakbang, hindi ang pulubi. Dito makikita na nakapangyayari o sovereign ang Diyos.

a. Naunang hanapin ng Diyos ang mga makasalanan, hindi ang tao. Walang lalapit sa Diyos malibang tawagin muna siya ng Panginoon. Sapagkat, una sa lahat, ang Diyos ang may gawa ng kaligtasan at hindi ito bunga ng pagsisikap o paghahangad ng tao (Juan 15:16; Lucas 19:10).

b. Kung paanong walang kakayahan ang bulag na buksan ang kanyang mga mata malibang pagalingin ng Diyos, gayon din naman batay sa kapangyarihan ng Panginoon ang pagkamulat ng makasalanan.

3. Tandaan na hindi nabuksan ang mga mata ng bulag dahil nalantad siya sa liwanag. Himala at hindi pagkalantad sa liwanag ang tanging makagagamot sa espirituwal na pagkabulag.

a. Maaaring matutunan ng isang tao ang pananalita ng mga Cristiano at maaaring sang-ayon siya sa itinuturo ng katotohanan.

b. Subalit, kung hindi imumulat ng Panginoon ang mga bulag na mata at kung hindi Niya bibigyan ng bagong puso, magiging maalam lamang siyang pagano subalit hindi isang mananampala-taya.

B. At, kung galing sa Diyos ang kaligtasan, hindi ito kulang-kulang kundi sapat (Filipos 1:6).

1. Hindi maaaring hindi magbago ang pamumuhay ng isang mananampalataya sapagkat kumilos ang Diyos sa kanyang puso.

2. Makikitang kumilos ang Diyos sa puso ng pulubi sapagkat nanindigan siya laban sa mga Pariseo. Bunga nito, itiniwalag siya sa sinagoga. Bagamat hindi pa niya lubos na kilala si Jesus, buong-puso niyang itinalaga ang kanyang buhay sa Panginoon (Juan 9:35-36).

a. Gayun na lang ang pagtitiwala ng pulubi kay Jesus na handa siyang tanggapin kahit sinong ituro ng Panginoon sa kanya.

b. Kabaligtaran niya ang mga Pariseo na nag-akalang alam na nila ang lahat at hindi man lamang nakinig kay Jesus.

3. Tanging pananampalataya ang katanggap-tanggap na tugon sa sovereignty o dakilang kapangyarihan ng Diyos.

a. Bagamat Diyos ang pasimuno sa kaligtasan—na pinili Niya ang talagang sa Kanya bago pa likhain ang sanlibutan—may pananagutan ang tao na magpasakop kay Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya.

b. Makikita sa tugon ng pulubi na talagang nanampalataya siya. Hindi na siya humingi ng karagdagang patunay na si Jesus ang Anak ng Diyos (9:37-38).

4. Kapag may nakaunawa sa katotohanan tungkol sa Panginoon, ito ay isang himala (Mateo 16:15-17). Walang makakikilala kay Jesus malibang buksan Niya ang mata ng isang makasalanan.

a. Nakakilala sa Anak ng Diyos ang pulubi na mula sa kapanganakan ay hindi nakakita. Subalit hindi man lamang Siya kinilala ng mga Pariseo na ang buong akala ay alam na nila ang lahat (9:39-41).

b. Malinaw sa ginawang pagsamba ng pulubi na naintindihan niya ang pag-angkin ni Jesus na Siya ay Panginoon ng kanyang buhay.

c. Ang bunga ng pagkamulat ng espirituwal na mata ay pagsuko at pagsamba ng puso. Ang espirituwal na pagkabulag ay magdudulot lamang ng karagdagang pagkabulag at pagkakasala.

d. Ang tanging pag-asa ng mga nasa kadiliman ay ang pagmulat ng Diyos sa kanilang mga mata (1 Corinto 2:9-10).

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.