Tinatanggap Niya Ang Mga Makasalanan
Subalit Tinatanggihan Ang Mga Matuwid

Panimula

Pagtalakay


I. Pagharap sa Kasalanan

A. Maraming nag-aakala sa kasalukuyan na pagbibigay lamang ng buhay na walang hanggan ang kaligtasan at hindi nangangahulugan ng kalayaan ng isang makasalanan mula sa pagkabihag ng kasamaan.

1. Inihahayag ngayon sa mga tao na mahal sila ng Diyos at may maganda Siyang plano para sa kanilang buhay. Subalit hindi ipinapahayag na kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan at parurusahan Niya ang mga makasalanang hindi magsisisi.

2. Kulang ang anumang paghahayag ng ebanghelyo kung hindi kokomprontahin ang kasalanan ng tao. Anumang mensahe ng kaligtasan na hindi magbabago ng makasalanang pamumuhay at ng puso ng makasalanan ay kaiba sa kaligtasang itinuturo ng Salita ng Diyos.

B. Mahalagang sangkap ng mensahe ng kaligtasan ang kapangyarihan ng Panginoong Jesus na magpatawad at mapagtagumpayan ang ating kasalanan.

1. Wala nang ibang magandang balita maliban sa katotohanan na malaya na tayo sa pagkakabihag ng kasalanan. Ito ang pinakaugat ng ebanghelyo.

2. Kaya hindi masasabing ebanghelyo ng Panginoon ang anumang mensahe na umiiwas sa pagtalakay sa kasalanan.

C. Matapos na makatagpo ang banal na Diyos, maraming tao sa Biblia ang lubusang nakita ang kanilang kasuklam-suklam na kalagayan at naghangad na talikuran ang kasalanan.

1. Matapos na makita kung sino si Jesus, sinabi ni Pedro, “Lumayo po Kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan” (Lucas 5:8)[1]

2. Bagamat sinabi ni Pablo na “Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa kautusan, walang maipipintas sa akin” (Filipos 3:6), ganito pa rin ang kanyang isinulat, “Narito ang isang katotohanang dapat tanggapi’t paniwalaan ng lahat: si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat.” (1 Tim. 1:15).

3. Mismong Diyos na ang nagpatotoo tungkol kay Job na “Wala siyang katulad sa daigdig. Malinis ang kanyang pamumuhay. Siya’y mabuting tao, may takot sa Akin, at hindi gumagawa ng masama” (Job 1:8). Ngunit matapos siyang makaharap ng Diyos, inihayag ni Job, “Kayat ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako / sa alabok at mga abo” (42:6, Ang Biblia).

4. Nang makaharap Niya si Yahweh, napabulalas si Isaias na “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling nga mga taong marurumi ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita kay Yahweh, ang Makapangyarihang Hari” (Isaias 6:5).

II. Pagtanggap Sa Mga Makasalanan

A. Sa pagsasalaysay ni Mateo kung paano siya nagbalik-loob sa Diyos, makikita natin ang habag ni Cristo sa mga makasalanan (Mateo 9:9-13).

1. Dito nakatala ang isa sa mga mahahalagang pahayag ng Panginoong Jesus sa Biblia: “Sapagkat naparito Ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal” (Mateo 9:13).

2. Dito makikita ang kabuuang layunin ng pagparito ng Panginoon at ang buod ng mensahe ng ebanghelyo.

a. Naparito si Jesus “upang tawagin ang mga makasalanan” na batid na hindi sila karapat-dapat subalit nananabik na sila’y patawarin.

b. Pinapatamaan Niya ang mga Pariseo na “banal” o matuwid ang tingin sa sarili gayong masama ang talagang nilalaman ng kanilang mga puso.

c. Malibang maunawaan ng mga tao na may suliranin sila sa kasalanan, hindi sila lalapit sa Panginoon para sa katugunan nito. Hindi sila magnanais na gumaling hanggang hindi ni nakikita na mayroon silang sakit

B. Sa kanyang isinulat na ebanghelyo, pinatunayan ni Mateo na si Jesus ang hinihintay na Mesias ng Israel.

1. Sa Mateo 8 at 9, ikinuwento ni Mateo ang mga himala na ginawa ng Panginoong Jesus para ipakita na Siya nga ang Cristo.

2. Ipinakita ni Mateo na may kapangyarihan si Jesus laban sa mga sakit (Mateo 8:1-17), sa kalikasan (8:23-27), sa mga demonyo (8:28-34; 9:32-34), sa kamatayan (9:18-26) at sa pagkabulag (9:27-31).

3. Sa himala ng pagpapagaling ni Jesus sa isang paralitiko (9:1-8), ipinakita ng Panginoon na Siya ay “may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan” (9:6).

a. Malinaw na patunay ito ng pagka-Diyos ni Jesu-Cristo sapagkat mismong ang mga Pariseo ang nagsabi na “Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan” (Marcos 2:7).

b. Matapos Niyang pagalingin ang paralitiko, tinawag naman ng Panginoong Jesus ang publikano o maniningil ng buwis na si Mateo para ipakita na “naparito [Siya] upang tawagin ang mga makasalanan” (Mateo 9:13).

C. Labis na kinamumuhian noon ang mga publikano o maniningil ng buwis para sa pamahalaan ng Roma.

1. Sinumang nagnanais na maging publikano ay bumibili ng prankisa mula sa Roma, na nagbibigay sa kanila ng karapatang maningil ng buwil sa isang bayan o distrito.

a. Maaari nilang kunin ang anumang sosobra sa tinakdang buwis ng pamahalaan. Malaya ang mga publikano na sumingil ng labis. Kaya kaagad na yumayaman ang mga maniningil ng buwis.

b. May kapangyarihan ang mga publikano na maningil ng buwis sa halos lahat ng bagay.

1) Maliban pa sa buwis sa pagluluwas (export tax) at pag-aangkat (import tax), maaari rin silang magtakda ng buwis sa mga tulay (bridge tolls), sa mga daungan (harbor fees) at sa mga kalsada (road-use fees).

2) Maaari nilang buksan ang anumang bagahe, maging ang mga sulat, para makita kung ginagamit ito sa negosyo upang mapatawan rin nila ng buwis.

2. Kaya itinuturing na taksil sa bayan ang mga publikano dahil sa sarili nilang kababayan ang kanilang kinikikilan at ang mga mapanakop na pagano ang kanilang pinaglilingkuran.

a. Gayon na lang ang pagkamuhi sa mga publikano kaya hindi sila maaaring pumasok sa mga sinagoga ng mga Judio.

b. Hindi maaaring maging testigo ang mga publikano sa anumang hukuman dahil hindi sila pinagkakatiwalaan.

c. Kilala sila sa pagiging talamak na sinungaling at inihahalintulad sa mga magnanakaw at mamamatay-tao. Itinuturing silang maruming hayop, katulad ng baboy.

3. Mapapansin na “nakaupo [si Mateo] sa paningilan ng buwis” (Mateo 9:9).

a. May mga publikano na kung tawagin ay Great Mokhes, na para maingatan ang kanilang dangal ay umuupa ng iba para maningil ng buwis.

b. May iba naman na kung tawagin ay Little Mokhes, na kinapalan na ang kanilang mukha at walang pakialam sa sasabihin ng iba kaya sila na mismo ang naniningil ng buwis. Kabilang dito si Mateo.

D. Sa Kanyang pagtawag kay Mateo, ganito lamang ang sinabi ni Jesus: “Sumunod ka sa Akin” (9:9).

1. Ayon sa Lucas 5:28, “At iniwan [ni Mateo] ang lahat at nagtindig at sumunod sa Kanya” (Ang Biblia). Gayon na lang ang gulat ng mga tao sa ginawa ni Mateo dahil itinuturo ng mga Rabi na hindi na magagawang magsisi ng mga publikano.

2. Gayon na lang ang pagpapapakumbaba ni Mateo na hindi na niya binanggit na malaki ang nawala sa kanya nang sumunod siya kay Jesus.

a. Ang mangingisda na sumunod kay Cristo ay maaaring pang bumalik sa pangingisda. Subalit ang publikanong katulad ni Mateo na iiwan ang paningilan ng buwis ay wala nang babalikan pang trabaho dahil papalitan na siya ng pamahalaan.

b. Matatagpuan ang paningilang buwis ni Mateo sa sangangdaan o intersection malapit sa hilagang daungan ng Dagat ng Galilea, kung saan maaari niyang singilin ng buwis ang lahat ng papuntang silangan o pakanluran. Sakop din ni Mateo ang mayamang industriya ng pangingisda sa naturang lugar. Ika nga, madaling yayaman si Mateo dahil strategic o maganda ang puwesto niya.

c. Hindi man lamang ipinagmalaki o pinanghinayangan ni Mateo ang kanyang naipong kayamanan sa paniningil ng buwis. Sa halip, “iniwan niya ang lahat.”

3. Inuusig na ng kanyang budhi si Mateo. Matindi na ang kanyang pagnanais na makalaya sa isang makasalanang buhay.

a. Hindi biro ang ginawang pasya ni Mateo. Hindi mababaw ang kanyang pagtanggap sa Panginoon sapagkat kailangang talikuran niya ang kanyang kasalanan.

III. Sumasalo sa mga Publikano at mga Makasalanan

A. Naghandog ng piging si Mateo sa kanyang bahay upang ipakilala si Jesus sa kanyang mga kaibigan.

1. Walang gustong makisalamuha kay Mateo sapagkat siya ay isang kinamumuhiang publikano. Kaya walang iginagalang sa lipunan na pumunta sa naturang piging.

2. Pawang mga isinusuka ng lipunan—mga magnanakaw, mga patutot, mga manloloko at mga publikano—ang maituturing na mga kaibigan ni Mateo. Kaya sila lamang ang nagpuntahan sa piging (Mateo 9:10).

B. Para sa mga relihiyoso noon, hindi dapat nakikibahagi sa anumang piging ng mga makasalanan si Cristo.

1. Dito na binansagan ang Panginoong Jesus na “kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan” (11:19).

2. Hindi maitago ng mga Pariseo ang kanilang pagkabigla sa ginawa ni Jesu-Cristo. Iniisip nila, “Kung ito ang Mesias, sa amin siya makikipagpiging sa halip na sa mga makasalanan at mga publikano.”

3. Hinintay muna sa labas ng mga Pariseo na matapos ang piging bago kinausap ang mga alagad.

4. “Bakit sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan ang inyong guro?” (9:11) Sa halip na pagtatanong, kinagagalitan talaga ng mga Pariseo ang mga alagad.

C. Subalit, kinagalitan mismo ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo (9:12-13).

1. “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit” (9:12).

a. Ipinakita ni Jesus na salungat sa kanilang sariling karanasan ang ginagawa ng mga Pariseo.

b. Ikinumpara Niya ang mga makasalanan sa maysakit, na kailangang dalawin ng manggagamot. Gayun din naman, kailangang dalawin ng Tagapagpatawad ng kasalanan ang mga makasalanan.

c. Inilantad ng Panginoon ang katigasan ng puso ng mga Pariseo. “Ngayong alam ninyo na makasalanan sila, ano ang ginagawa ninyo? Kayo ba’y katulad ng mangagamot na nakakakita ng sakit pero walang ibinibigay na gamot?” (23:1-4)

2. "Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, `Habag ang ibig ko at hindi hain’" (9:13a).

a. Sinasabi ng mga Rabi noon na “Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito” kapag kinagagalitan nila ang kanilang mga mag-aaral na muling pag-aralan ang dapat sana’y alam na nila.

b. Mula sa Oseas 6:6 ang binanggit Niyang talata: “Sapagkat katapatan ang nais ko at hindi hain, at pagkilala sa Diyos sa halip ng handog na susunugin.”

c. Ang ibig sabihin, walang pakialam ang Diyos sa anumang rituwal kundi sa habag, katapatan at pagkilala sa Kanya ang hinahanap ng Panginoon.

1) Sa maikling salita, pagkatao at hindi pakitang-tao.

2) Magaling lamang sa seremonya ang mga Pariseo subalit wala silang pagmamahal sa mga makasalanan.

3) Totoong ang Diyos ang nagtakda ng pamamaraan sa paghahandog na ipinag-utos Niya na sundin ng bayang Israel. Subalit makakalugod lamang ang mga handog sa Kanya kung isinasagawa ito bilang paghahayag ng mapagpakumbaba’t mapagtapat na puso (Awit 51:16-17).

4) Kung hindi tama ang nilalaman ng puso, kasuklam-suklam sa Panginoon ang rituwal. Hindi kailanman natutuwa ang Diyos sa anumang relihiyon na walang ibinubungang kabanalan.

3. “Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal” (Mateo 9:13).

a. Ayon sa Lucas 5:32, “Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”

1) Isinalarawan ang mga Pariseo na “mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba” (18:9).

2) Sinasabi sa kanila ni Jesus na “Yamang matuwid ang tingin ninyo sa inyong sarili, wala na akong kailangang sabihin sa inyo sapagkat pawang mga makasalanan ang tinatawag ko.”

b. Kinuha sa salitang Griego na “kaleo” ang salitang “tawagin,” na madalas gamitin sa pag-iimbita ng bisita sa tahanan.

1) Ginamit ito sa Mateo 22:1-14, na isang talinghaga na tamang-tama sa mga Pariseo. Inihalintulad ni Jesus ang Kanyang kaharian sa isang piging.

2) Inanyayahan ng hari ang lahat ng kanyang mga kabigan na dumalo sa piging subalit tumanggi silang magpunta. Kaya inatasan ng hari ang kanyang mga alipin na hakutin ang lahat ng maaari nilang maanyayahan.

3) Katulad ng mga kaibigan ng hari na hindi dumalo sa piging ang mga Pariseo. Ayaw nilang kilalanin ang kanilang kasalanan kaya ayaw nilang tugunin ang pagtawag ng Panginoon.

IV. Tinatanggihan Niya ang mga Matuwid

A. Ito ang buod ng ebanghelyo ayon kay Jesus: naparito Siya upang tawagin ang mga makasalanan upang magsisi.

1. Nang magsimulang magpahayag ang Panginoon, pagsisisi na ang Kanyang mensahe (Mateo 4:17).

2. Ganito rin ang ipinahayag na mensahe ni Juan Bautista (3:2) at ng mga apostol (Gawa 3:19; 20:21; 26:20).

3. Sinumang umiiwas sa ganitong mensahe ng pagsisisi ay hindi nagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesus.

B. Kasama ng pagtawag sa mga makasalanan ay ang pagtanggi sa mga matuwid.

1. Wala talagang matuwid sa harap ng Panginoon (Roma 3:10). Subalit, sinumang nag-iisip na mabuti na sila, na hindi naiintindihan ang kabigatan ng kanilang pagkakasala, ay hindi makatutugon sa pagtawag ni Jesus.

2. Hindi sila maliligtas dahil isang pagtawag sa mga makasalanan na magsisi at makatanggap ng kapatawaran ang ebanghelyo. Ang kagandahang loob ni Cristo ay hindi ibinibigay sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid.

3. Subalit may mga nagtuturo na masyadong negatibo o hindi katanggap-tanggap ang pagpapahayag ng kasalanan.

a. Para sa iba, mababang pagtingin lamang sa sarili ang kasalanan o poor self-image. At ang kaligtasan ay ang pagkakaroon ng mataas na pagtingin sa sarili o self-esteem, hindi ang paghahayag na makasalanan ang tao.

b. Sa halip na dalhin ang tao sa kaligtasan, nalululong sila sa pagiging makasarili.

4. Tanging ang mga kumikilala na makasalanan sila at handang magsisi ang karapat-dapat tumanggap ng kaligtasan. Wala na Siyang sasabihin sa mga matuwid ang tingin sa sarili kundi pagbibigay-hatol.

Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)

©2011 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.