Tunay na Pagsamba ang Hinihingi Niya
Panimula
- Matapos ang Kanyang pakikipag-usap sa isang Pariseo na matuwid ang tingin sa sarili, makikita naman natin kung paano pinagsabihan ng Panginoong Jesus ang isang walang pakundangang mapakiapid. Matutunghayan sa Juan 4 ang pag-alok Niya ng kaligtasan sa isang babaeng Samaritana na itinakwil ng lipunan na para lamang ng pag-abot ng maiinom na tubig.
A. May mga nagtuturo na patunay raw ang salaysay sa Juan 4 na isang kaloob ang kaligtasan na hindi humihingi ng pagtatalaga ng buhay ng isang makasalanan.
1. Ayon kay Zane Hodges, sa kanyang aklat na The Hungry Inherit, “Walang sinabi si Jesus na dapat isaayos ng babaeng Samaritana ang kanyang buhay. Walang sinabi ang Panginoon na may pananagutan siyang sundin ang kalooban ng Diyos. Simple lang ang dahilan. Nandoon Siya upang alukin ang babae ng isang regalo. Hindi maintindihan ng Samaritana ng kahanga-hangang karangyaan ng kaloob ng Panginoon, ang kadakilaan nito at ang lubusang kawalan ng bayad nito, kung papatawan pa Niya ang alok ng kahilingang magbago siya ng buhay.” (Isinalin sa Pilipino)
2. Subalit makikita na kinumpronta ng Panginoong Jesus ang Samaritana tungkol sa kanyang kasalanan (Juan 4:16-19), na hinamon Niya ang babae na sambahin ang Diyos sa espiritu at sa katotohanan (4:23-24), at malinaw na pagsisisi ang naging tugon nito (4:29).
B. Dapat nating tandaan na hindi dapat ibatay lamang sa naging pakikipag-usap ng Panginoon sa babaeng Samaritana ang kabuuang paniniwala natin tungkol sa kaligtasan.
1. Walang nakasaad na may sinabi ang Panginoon sa Kanyang pakikipag-usap sa babae tungkol sa kabayaran ng kasalanan, pagsisisi, pananampalataya, ang Kanyang kamatayan sa krus o ang Kanyang muling pagkabuhay.
2. Ngunit, hindi ito nangangahulugan na hindi na kailangan ang nasabing mga mahahalagang sangkap ng ebanghelyo dahil lamang sa walang binanggit tungkol sa mga ito sa naging paghaharap nila.
3. Alalahanin natin na talos ng Panginoon ang kalooban ng Samaritana kaya alam Niya kung ano talaga ang kailangang marinig ng babae upang manampalataya siya sa Kanya.
4. Makikita natin na hindi layunin ng Juan 4 na magbigay ng isang gospel outline (na katulad ng Four Spiritual Laws) kundi para ilahad kung paano inilapit ng Panginoon ang babae sa Kanya.
5. Hindi Niya pinasabay sa isang panalangin ang babae subalit makikita nating nanampalataya ang Samaritana dahil sa naging gawi nito matapos makipag-usap kay Jesus, kung saan nagpatotoo siya tungkol kay Cristo.
C. Inihanda na ng Espiritu Santo ang babae para sa pakikipag-usap niya sa Panginoong Jesus.
1. Walang pakundangan sa pakikiapid ang babae. Itinatakwil siya ng lipunan katulad ng isang karaniwang patutot o prostitute.
2. Handa na ang puso ng Samaritana na aminin ang kanyang kasalanan at tanggapin si Cristo.
3. Subalit, sa pagtawag sa babae, kailangang ipamukha sa kanya ni Jesus ang kanyang kawalan ng pagpapahalaga sa Diyos, ang sobrang hilig sa laman, ang pagiging makasarili, ang pamumuhay sa kasalanan at ang maling paniniwala tungkol sa Diyos.
D. Maliwanag na kabaligtaran ni Nicodemo ang babaeng Samaritana.
1. Judio si Nicodemo. Samaritana naman ang babae.
2. Lalaki si Nicodemo. Babae naman ang Samaritana.
3. Relihiyoso si Nicodemo. Mapakiapid naman ang Samaritana.
4. Pantas si Nicodemo. Mangmang naman ang Samaritana.
5. Kabilang si Nicodemo sa mga matataas sa lipunan. Mas mababa pa ang babae sa itinakwil ng Judio dahil sa siya ay isang Samaritana.
6. Mayaman si Nicodemo. Mahirap naman ang babae.
7. Kinikilala ni Nicodemo na isang gurong mula sa Diyos ang Panginoong Jesus. Wala man lamang ideya ang babae kung sino Siya.
E. Sa halip na sa mga pinuno ng mga Judio, sa isang mapakiapid na Samaritana pa nagpakilala si Jesus bilang Cristo—ang pinakahihintay na Mesias ng bansang Israel.
1. Matatandaan na nang magpakilala na nga si Jesus na Siya ang Cristo, hindi naniwala ang mga Judio.
2. Ipinapakita ng Panginoong Jesus na hindi lamang para sa mga Judio ang ebanghelyo kundi para sa buong sanlibutan. At hindi lamang para sa mga relihiyoso ang Kanyang gawain kundi para rin sa mga mahihirap na itinakwil ng lipunan.
Pagtalakay
I. Ang Aral ng Balon: Naparito si Cristo upang Hanapin at Iligtas ang Naligaw
A. Maraming mga tao ang sumusunod sa Panginoong Jesus (Juan 4:1-3).
1. Matatandaang kinamumuhian ng mga Pariseo si Juan Bautista dahil sa paghahayag ng katotohanan at pagtuligsa sa mga Pariseo.
2. Kaya higit na nabahala ang mga pinuno ng relihiyon nang kanilang mabalitaan “na lalong marami ang nahihikayat at nababautismuhan ni Jesus kaysa kay Juan.” (4:1)
3. Dito na nagsimula ang pakikipagtunggali ng Panginoon laban sa mga Pariseo, na nauwi nga sa pagpatay sa Kanya.
4. “Nang malaman ito ni Jesus, siya’y umalis sa Judea at bumalik sa Galilea.” (4:3) Hindi umalis ang Panginoon sa Judea dahil sa takot sa mga Pariseo kundi hindi pa panahon para harapin sila (Tingnan sa 7:6-8, 30; 8:20; 11:1-15).
B. “At kinakailangang magdaan siya sa Samaria.” (Juan 4:4, Ang Biblia)
1. Hindi sinabi na kailangang dumaan sa Samaria dahil wala nang iba pang madadaanan mula sa Judea papunta sa Galilea.
2. Hindi karaniwan sa mga Judio na dumaan sa Samaria. Sapagkat gayon na lang ang kanilang pagkamuhi sa mga Samaritano na ayaw man lamang nilang tumapak sa Samaria.
a. Mga mestisong Judio ang mga Samaritano. Bunga nga sila ng intermarriage o pakikipagpangasawahan ng mga Judiong taga-Samaria sa mga taga-Asiria na sumakop sa Israel noong 722 B.C. Mahigpit itong ipinagbabawal ng mga Judio.
b. Hindi rin tinatanggap ng mga Samaritano na sentro ng pagsamba ang Jerusalem. Sa halip, nagtayo sila ng sariling templo sa bundok Gerizim ng Samaria (4:20).
c. Ang Samaria ay isang bansang hiwalay sa Israel, na itinuturing ng mga Judio na mas dapat kapootan kaysa sa mga Hentil.
d. Gayon na lang ang kanilang pagkasuklam kaya “hindi nangakikipag-usap [Sa Magandang Balita Biblia, “nakikitungo”] ang mga Judio sa mga Samaritano.” (4:9, Ang Biblia).
3. Bagamat mas madaling dumaan sa Samaria, may sariling daan ang mga Judio para maiwasang lumusot dito—iikot pa sila sa hilaga ng Judea, dadaan sa silangan ng Jordan at saka pa lamang tutuloy sa Galilea.
C. Sa Kanyang pagdaan sa Samaria, ipinakita ng Panginoong Jesus ang Kanyang pagmamahal sa mga makasalanan.
1. Siya’y naparito “upang hanapin at iligtas ang naligaw” (Lucas 19:10), kahit na nangangahulugan ito ng matinding paglabag sa panuntunan ng lipunan o tinatawag na cultural protocol.
2. Dumating ang Panginoon sa balon ni Jacob na matatagpuan sa bayan ng Sicar sa takdang oras (Juan 4:5-8). Kung napaaga o nahuli nang kahit na sampung minuto man lamang ang Kanyang pagdating, hindi Niya makikita ang Samaritana. Subalit, itinakda na Niya ang naturang tagpuan bago pa man nilikha ang sanlibutan.
3. Dumating Siya sa oras ng pag-iigib ng mga kababaihan sa Samaria.
4. “Umupo si Jesus sa tabi [ng balon] sapagkat Siya’y napagod sa paglalakbay.” (4:8) Dito makikita natin ang pagiging tao ng Panginoon (Hebreo 4:15).
II. Ang Aral ng Babae: Walang Itinatanggi ang Diyos.
A. “May isang Samaritanang dumating upang umigib.” (Juan 4:7a)
1. Tandaan na siya ay isang babaeng itinakwil ng lipunan. Kaya gayon na lang ang kanyang gulat nang kausapin siya ng Panginoon: “Maaari bang makiinom?” (4:7b)
2. Hindi lamang siya iniiwasan ng lahat kundi sa kultura noong panahong yaon, hindi kinakausap ng mga lalaki ang mga babae, kahit ang kani-kanilang mga asawa, ng hayagan o sa harap ng madla.
B. “Kayo’y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin? (Sapagkat hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.)” (4:9)
1. Ganito ang pagkakasalin sa New English Bible. “What! You, a Jew, ask a drink of me, a Samaritan woman?” (Jews and Samaritans, it should be noted, do not use vessels in common)”
2. Gayon na lang ang pagkabigla ng Samaritana sa kahilingan ng Panginoon dahil itinuturing ng mga Judio na marumi maging ang basong inuman ng mga Samaritano.
3. Walang itinatangi ang Diyos (Gawa 10:34), at walang taong hindi maaaring abutin ng Kanyang dakilang pag-ibig—Pariseo man o Samaritana, maging isang nakakadiring ketongin—sapagkat naparito Siya upang ibigay ang Kanyang buhay para sa lahat.
III. Ang Aral ng Tubig: Maaaring Lumapit ang Lahat ng Nauuhaw
A. “Sumagot si Jesus, `Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama’y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay.’” (Juan 4:10)
1. Noong una’y si Jesus ang nauuhaw. Subalit, ngayon, ang Samaritana na ang nauuhaw.
2. Hindi mula sa isang balong natutuyo ang “tubig na nagbibigay buhay” kundi isang nag-uumapaw na bukal (Tingnan sa 7:37-39).
3. Ang espirituwal na pangangailangan na ng babae ang pinag-uusapan at hindi na ang pisikal na pagkauhaw ng Panginoon. Bagamat hindi pa niya nauunawaan, inaalok siya ni Jesus ng “tubig na buhay” (Ang Biblia) para sa kanyang nauuhaw na kaluluwa.
B. Gaya nga nang ating nasabi, ito ang batayan ng mga nagtuturo na walang kinalaman sa pananampalatayang nakapagliligtas ang pagsunod o pagsuko ng buhay sa Diyos.
1. Sabi nga ni G. Michael Cocoris, sa Lorship Salvation—Is It Biblical?, “Hindi magkasinghulugan sa Bagong Tipan ang “pananampalataya” at ang “pagtatalaga.” Halimbawa, sa Juan 4:14, sinabi ni Jesus na “ang uminom sa tubig na ibibigay Ko ay hindi na muling mauuhaw.” Makaraan nito’y sinabi Niya, “Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay may buhay na walang hanggan” (Juan 6:54). Maliwanag na pagtanggap at pagtatalaga ang ipinapahiwatig rito.”
2. Subalit pagtatalaga at hindi lamang pagtanggap ang ibig ipakahulugan ng salitang “uminom.”
a. Mateo 20:22: “Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang Aking inuman?” (Ang Biblia). Ganito ang pagkakasalin nito sa Magandang Balita Biblia: “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin Ko?”
b. Juan 18:11: “Dapat Kong inumin ang saro ng paghihirap na ibinigay sa Akin ng Ama.”
c. Dapat tayong mag-ingat sa pagbibigay-kahulugan sa pananampalataya sa pamamagitan ng metaphor o paghahalimbawa. Sapagkat limitadong bahagi lamang ng katotohanan ang maisasalarawan nito.
d. Malinaw sa Salita ng Diyos na sumusunod ang nananampalataya at sumusuway ang hindi nananalig.
1) Juan 3:36: “Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi magkakaroon ng buhay—mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.”
2) Heb. 3:18-19: “At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kanyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway? At nakikita natin na sila’y hindi nangagkapasok dahil sa kawalan nga pananampalataya.” (Ang Biblia)
3. Sa pag-aalok ni Jesus ng tubig na nagbibigay-buhay sa babae, Hindi Niya kailanman minamaliit ang katotohanan na kalakip ng tunay na pananampalataya ang pagtatalaga. Totoong kaloob ng kaligtasan ang tubig na nagbibigay-buhay. Ngunit kasama dito ang lahat ng bagay na likas sa katubusan—kalayaan mula sa kasalanan, ang pangako ng pagsunod kay Jesus, ang kakayahang tumalima sa kautusan ng Diyos at ang kapangyarihan at kagustuhang mamuhay ng isang buhay na kalugod-lugod sa Kanya.
C. Makikitang hindi nauunawaan ng Samaritana na espirituwal na tubig ang inaalok ng Panginoong Jesus (Juan 4:11-12).
1. Hindi alam ng babae na hindi maikukumpara kay Jacob ang kadakilaan ng kanyang kausap. At higit na di hamak sa tubig mula sa balon ni Jacob ang ibinigay ni Jesus na tubig na buhay.
2. Dito na ipinaliwanag ng Panginoon na kakaiba ang tubig na inaalook Niya sa Samaritana, sapagkat ito’y tumutighaw sa kauhawan ng kaluluwang uhaw na uhaw (4:13-14).
3. Kung pag-aaralan sa Griyego, ganito ang sinabi Cristo sa babae: “Ang uminom at paulit-ulit na uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig ng isang beses lamang ng tubig na ibibigay Ko ay hindi na muling mauuhaw kailanman.”
D. Mapapansin na ito pa rin ang tanong ng babae kung ano nga ba ang tubig na tinutukoy ng Panginoon. Subalit makikitang gusto niya itong makamit.
1. Ipinagpilitan ni Zane Hodges, sa kanyang aklat na The Gospel Under Seige, na “Hindi mahirap na hangaan ang kadakilaan at kasimplihan ng iniaalok na transaksyon ni Jesus sa batbat ng kasalanan na Samaritana. Bahagi ng kadakilaan nito ang kakulangan ng anumang kumplikasyon. Ito ay pawang pagbibigay at pagtanggap lamang, na wala nang anumang kaakibat na kundisyon. Walang pagsisikap na pilitin ang babae na mangakong babaguhin niya ang kanyang makasalanang pamumuhay. Kung gusto niya ng tubig, maaari siyang kumuha. Libre! Dapat bigyang-diin na wala itong hinihingi na pagsuko, pagpapasakop, pagkilala sa pagka-Panginoon ni Cristo o anumang katulad nito. Iniaalok ang kaloob sa isang tao na talaga namang hindi karapat-dapat sa kagandahang-loob ng Diyos. At para mapasakanya ito, walang hinihinging pagtatalaga ng sarili sa babae. Siya’y inaanyayahan lamang na kunin ito.”
2. Subalit, makikitang hindi kaagad ibinigay ng Panginoon sa Samaritana ang tubig na nagbibigay-buhay. Sapagkat alam Niyang hindi pa siya handa para tanggapin ito.
a. Pansinin na iniutos ng Panginoon, “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa” (Juan 4:16).
1) Masalimuot ang naging pamumuhay ng babae kaya sumagot na lamang siya na “Wala po akong asawa” (4:17a). Hindi nga siya nagsinungaling subalit hindi rin naman niya sinabi ang buong katotohanan.
2) Gayon na lang ang pagkapahiya ng Samaritana nang ihayag ng Panginoon ang talagang kalagayan ng kanyang buhay (4:17b-18).
b. Ayon kay G. Campbell Morgan, sa kanyang aklat na Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan, “Paano Siya tumugon? `Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa.’ Kung gusto niyang magkaroon ng isang bukal na balon sa loob niya, kailangang magkaroon muna ng pagsusuri at pagtutuwid sa pamumuhay.”
c. Masasabi nating inamin ng Samaritana na makasalanan siya dahil kinilala niyang propeta ang Panginoon (4:19).
3. Kailangang maging handa ang isang tao na aminin na totoong nagkasala siya at kasuklam-suklam ang kanyang kasalanan. Sapagkat mahalaga ito para ipakita na tunay ang kauhawang-espirituwal (Isaias 55:1, 7).
4. Hindi kailanman iniaalok ng Panginoon ang buhay na walang hanggan para ihalo sa isang pamumuhay na puspos ng kasalanang hindi pinagsisisihan (Mateo 1:21).
IV. Ang Aral ng Tunay na Pagsamba: Ngayon na ang Panahong Nararapat
A. Dito na nagtanong ang babae kung sino ang tama tungkol sa talagang lugar ng pagsamba (Juan 4:20).
1. Katulad ng Kanyang sagot kay Nicodemo, tinukoy ng Panginoon ang talagang pangangailangan ng Samaritana (4:21).
2. Bagamat sinagot pa rin ni Jesus na tama ang mga Judio at mali ang mga Samaritano (4:22).
3. Kung alam lamang ng babae na kausap niya mismo ang nagdadala ng kaligtasan!
B. Hindi mahalaga kung saan ang pagsamba kundi kung sino ang sinasamba at ang sumasamba, kung kailan ang pagsamba at paano sumamba (4:24).
1. Nagaganap ang tunay na pagsamba hindi sa isang bundok o sa isang templo kundi sa kalooban ng isang tao.
2. Ipinapakita ng Panginoon sa mga salitang “dumating na ang panahon—ngayon na nga” ang kahalagahan ng kaagad na pagkilos pagdating sa kaligtasan, na dumating ang Mesias, kaya “ngayon na ang panahon nararapat” (2 Cor. 6:2).
3. Sinasabi rin ng Panginoon sa babae na “Hindi mo na kailangang umakyat ng bundok o pumunta sa Jerusalem upang sumamba. Maaari ka nang sumamba ngayon dito.” Hinihingi ng Panginoon ang pagsamba ng Samaritana!
C. Mahalagang makita na tinatawag na “mga tunay na sumasamba” ang mga tunay na mananampalataya.
1. Ang tunay na ligtas ay ang mga tunay na sumasamba. Sapagkat layon ng kaligtasan na lumikha ng mga totoong sumasamba (Filipos 3:3).
2. Dito na inanyayahan ng Panginoon ang Samaritana na maging isa sa mga tunay na sumasamba.
a. Ang paghahanap ng Ama sa mga sumasamba sa espiritu at katotohanan ay pagtawag sa pinakamalalim ay pinakaganap na pagpapasakop sa Kanya.
b. Ang banal na Diyos ay hindi magsasabing “Narito ang tubig, mga nauuhaw” kung wala ang utos na “Lisanin ng masama ang kanyang lakad” (Isaias 55:1, 7).
D. Dito na nagpakilala si Jesus bilang Cristo sa Samaritana (Juan 4:25-26).
1. Ang Tao na humihingi ng tubig ang Siyang Cristo, na nagbibigay ng tubig na nagbibigay-buhay at handang magpatawad sa kanyang mga kasalanan at baguhin siya upang maging tunay na sumasamba sa Diyos.
2. Dumating na ang nararapat na panahon para sa Samaritana—unti-unting binuksan ng Panginoon ang kanyang makasalanang puso hanggang sa tumanggap ang babae sa Kanya.
V. Ang Aral ng Saksi: Tinatanggap Niya ang mga Makasalanan
A. Gayon na lang ang gulat ng mga alagad nang makita na nakikipag-usap sa isang Samaritana (Juan 4:27).
1. Pansinin ang mga salitang “Dumating na ang sandaling iyon.”
2. Dumating sila sa puntong nagpapakilala ang Panginoon bilang Mesias.
B. Makikita sa kanyang inasal na naging mananampalataya ang babae (4:28).
1. Makikita sa kanya ang katangian ng totoong pagtanggap sa Panginoon. Nakita ng Samaritana ang kanyang pangangailangan, umamin siya sa kanyang pagkakasala at kinilala si Jesus bilang Tagapagligtas. Matapos nito’y ipinapakita ng babae ang bunga ng kanyang binagong buhay sa pagdadala ng mga tao sa Kanya.
2. Ang unang ginawa ng babae ay humayo at nagpahayag tungkol kay Cristo.
a. Kadalasan na mas masigasig sa paghahayag ng ebanghelyo ang mga bagong mananampalataya. Sapagkat sariwa pa sa kanilang isip ang bigat ng kasalanan at ang nag-uumapaw na kagalakan nang makalaya mula rito.
b. Mapapansin na sinabi ng Samaritana na “Siya na kaya ang Cristo?” (4:29). Ngunit hindi ito paghahayag ng pag-aalinlangan.
1) Kung sinabi ng babae na “Siya ang Cristo,” malamang na hindi siya pinaniwalaan sapagkat siya nga’y isang kilalang mapakiapid.
2) Hindi pinakikingggan ang mga babae noong mga panahong iyon.
3) Kaya ginawa niyang patanong ang paanyaya, na isang uri ng paghamon na lumapit kay Cristo na handang malaman ang katotohanan.
3. Bunga nito, marami pang Samaritano na sumampalataya sa Panginoon (4:39-42).
a. Umasa ang mga Judio na pagdating ng Mesias ay lilipulin nito ang kanilang mga kaaway—kasama na ang mga Samaritano.
b. Kinakatakutan ng mga Samaritano ang Kanyang pagdating sapagkat naniniwala sila na babagsakan sila ng poot ng Mesias.
c. Kaya nang ipahayag ng babae ng buong habag na pinatawad siya sa kanyang mga kasalanan, buong puso nilang tinanggap ang Panginoong Jesus.
Pagtatapos
- Sa mga tumatangging kumilala sa kanilang mga kasalanan, Hukom at hindi Tagapagligtas sa kanila si Jesus. Hindi Niya kailanman binigyan ng anumang pag-asa o kapahingahan ang gayong uri ng mga tao. Para lamang sa mga taong kumikilala sa kanilang kawalang pag-asa dahil sa kasalanan ang Kanyang iniaalok na tubig na nagbibigay-buhay (Lucas 15:2; Mateo 9:13).
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)
©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.