Tinatawag Tayo Para sa Isang Bagong Kapanganakan
Panimula
- Hindi lahat ng nagsasabing Cristiano sila ay talagang mananampalataya. Maging ang mga hindi talaga nananampalataya ay naghahayag na nananalig daw sila kay Jesus at naniniwalang Cristiano sila.
- Subalit, salungat ito sa ebanghelyo na ipinapahayag ng Panginoong Jesus. Tumanggi Siyang magpahayag ng anumang mensahe na magbibigay ng maling pag-asa. Madalas na kinukumpronta ng Panginoon ang mga lumalapit sa Kanya na matuwid ang tingin sa kanilang sarili at inilalantad ang kanilang mga maling hangarin, bulaang pananampalataya o mababaw na pagtitiwala.
- Katulad nang naging pakikiharap ni Jesus kay Nicodemo.
Pagtalakay
I. “May isang Pariseo at pinuno ng mga Judio, na nagngangalang Nicodemo.” (Juan 3:1)
A. “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos” (1:1).
1. Nagsimula at nagtapos ang Ebanghelyo ni Juan sa pagpapahayag na si Jesus ay Diyos (1:1; 20:30-31). At lahat ng nakatala sa aklat ni Juan ay may kaugnayan sa tema ng pagka-Diyos ni Cristo. Kasama dito ang paghaharap ng Panginoon at ni Nicodemo.
2. Bago isinilaysay ni Juan ang naturang pagkikita, ipinakita muna niya ang mga pangyayari sa likod nito: “Nang Pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang Makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya” (2:23).
a. May mga nagtuturo na tunay na nananampalataya ang mga taong yaon. Subalit, makikitang paghanga lamang sa mga kababalaghang ginawa ni Jesus ang kanilang pananampalataya.
b. Malinaw na hindi naging katanggap-tanggap sa Panginoon ang kanilang pananampalataya. Sapagkat Siya ay Diyos, talos ni Jesus ang tunay na kalooban ng tao (2:24-25).
3. Bilang halimbawa ng pananampalatayang mapagpaimbabaw, kasunod na inilahad ni Juan ang pagtatagpo ni Jesus at ni Nicodemo.
a. Ito ang pinakauna sa mga pagbahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon na nakatala sa mga Ebanghelyo. Mapapansin na nagsimula si Jesus sa Kanyang ministeryo sa pakikipag-usap sa isang pangunahing Pariseo na lumapit sa Kanya na kitang-kita namang interesado na makilala Siya.
b. Madalas na kagalitan ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at hayagang pagsalungat sa Kanya.
c. Sa halip na malugod na tanggapin bilang mananampalataya, hinarap ng Panginoon ang nakikita Niyang di pananalig at pagmamataas sa puso ni Nicodemo.
B. Isang gabi, siya’y nagsadya kay Jesus. `Rabi,” sabi niya, `nalalaman po naming kayo’y isang gurong mula sa Diyos…’” (Juan 3:2a).
1. Nasabi lamang ito ni Nicodemo dahil nakita niya na “walang makagagawa ng mga kababalaghang ginagawa [ni Jesus] malibang sumasakanya ang Diyos” (3:2b). Bilang isang pinuno sa kanyang relihiyon, interesado si Nicodemo sa sinumang sa tingin niya ay isinugo ng Diyos.
2. Sa loob ng apat na raang taon, walang lumitaw na propeta sa bayang Israel. Maaaring iniisip ni Nicodemo na posibleng propeta si Jesus o baka Siya na ang matagal nang hinhintay na Mesias. Hindi alam ni Nicodemo na kaharap niya ang Diyos.
3. Sa halip na aminin o itanggi ang pahayag ni Nicodemo, hindi ito pinansin ng Panginoong Jesus. Sa halip, sinagot Niya ang tanong na hindi pa itinatanong ni Nicodemo (3:3).
a. Inilantad ni Jesus na hindi talaga nakita ni Nicodemo ang buong katotohanan. Mapapansin na diniretsa ng Panginoon ang Pariseo at hindi Siya nag-atubiling isiwalat ang kakulangan sa tunay na kaalaman nito.
b. Sa Kanyang sagot, malinaw na ipinakita ni Jesus na Siya ay omniscient o nakababatid ng kalahat-lahatan. Hindi isang karaniwang guro lang ang kausap ni Nicodemo kundi ang Diyos na nagkatawang-tao!
II. “Sumagot si Jesus, `Sinasabi Ko sa inyo: maliban na ipanganak na muli ang isang tao, hindi siya paghaharian ng Diyos.’” (Juan 3:3).
A. Ang Pagkabigo ng Relihiyon ng Tao
1. Si Nicodemo ay “pinuno ng mga Judio” (3:1). Isang kaanib ng Sanhedrin—ang pinakamataas na namamahala sa bansang Israel.
a. Katumbas ng ating Supreme Court sa ngayon ang Sanhedrin noon.
b. Malamang na kaya siya nagsadya ng gabi ay dahil sa takot sa sasabihin ng ibang mga Pariseo (9:22; 12:42-43).
2. Siya rin ay “isang Pariseo” (3:1). Mga panatiko o sobrang relihiyoso ang mga Pariseo.
a. Mahigpit silang sumusunod sa mahigit na 600 batas ng kanilang relihiyon, na karamihan naman ay gawa-gawa lamang nila. Halimbawa, naniniwala sila na maaaring humigop ng suka sa araw ng Sabbath ngunit hindi raw dapat mumugin—ang pagmumumog ay itinuturing na pagtatrabaho na ipinagbabawal kapag Sabbath.
b. Masyado na silang nagumon sa pagiging relihiyoso. Kaya nang dumating ang Panginoong Jesus na nagpapahayag ng biyaya at kaligtasan kahit sa pinakatalamak na makasalanan hindi nila ito matanggap.
3. Kaya gayon na lamang ang pagkabigla ni Nicodemo sa naging tugon sa kanya ni Jesus.
a. Buong buhay niya ay inakala ni Nicodemo na magiging karapat-dapat siya sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Malamang na inaasahan niya na pupurihin pa siya ni Jesus dahil sa kanyang pagiging masugid na pagsunod sa kautusan.
b. Sa halip, ipinakita ng Panginoon kay Nicodemo na bigo ang kanyang relihiyon. Magagawa niya ang mga gawaing panrelihiyon, ngunit hindi niya magagawang maipanganak na muli.
4. Madalas na bigyan ng maling pakahulugan ang naging tugon ni Nicodemo (3:4). Hindi kulang sa pag-iisip si Nicodemo para isipin na kailangan nga siyang pumasok uli sa sinapupunan ng kanyang ina para maipanganak na muli.
a. Ugali ng mga Rabi o guro na gumamit ng mga matalinghagang pananalita o figurative language sa pagtuturo. Ang nais talagang sabihin ni Nicodemo, “Hindi na ako maaaring magsimulang muli. Huli na. Malayo na ang narating ko sa aking relihiyon. Wala na akong pag-asa kung magsisimula na naman ako sa umpisa.”
b. Handa si Nicodemo na gawin ang anumang ipag-uutos ni Jesus—karagdagang abuloy, pag-aayuno, o anupamang rituwal. Subalit, hindi madali ang hinihingi ng Panginoon kay Nicodemo. Kailangang kilalanin ng Pariseo ang kanyang kakulangan at talikdan ang lahat ng kanyang ipinagmamalaki, pinanghahawakan, o inaasahan niyang magpapabanal sa kanya.
5. Marami rin ang naghaka-haka kung ano ang ibig ipakahulugan ng Panginoon: “Sinasabi Ko sa inyo… maliban na ang tao’y ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng Diyos” (3:5).
a. May mga nagsasabi na bautismo ang tinutukoy ng “ipanganak sa tubig.” Subalit hindi nakapagliligtas ang bautismo sa tubig. Maging si Jesus ay hindi nagbabautismo (4:2). Kung kailangan sa kaligtasan ang bautismo, kahit ang Panginoon ay magbabautismo.
b. Sa Lumang Tipan, simbulo ng paglilinis ang tubig na iniwiwisik sa altar sa mga handog sa karamihan ng mga seremonya sa Templo. Isa sa mga pangako ng Bagong Tipan ay makikita sa Ezekiel 36:25-27.
c. Espirituwal na paglilinis at espirituwal na kapanganakan ang ibig ipakahulugan ng ating Panginoon (ikumpara ang Juan 3:5 sa Tito 3:5). Kapag nanampalataya sa Panginoon ang isang tao, siya ay binabautismuhan sa Espiritu Santo (Juan 1:33; 1 Cor. 12:13).
B. Ang Pagkaka-isa ng Kapahayagan ng Diyos
1. Hindi makapaniwala sa kanyang mga narinig si Nicodemo (Juan 3:7-9).
a. Sa kabila ng kanyang pagiging nakatataas na guro ng Israel, kinagalitan ng Panginoon si Nicodemo sa kakulangan niya ng kaunawaan sa Kasulatan (3:10).
b. Wala nang naitala na anumang kasagutan si Nicodemo. Maaaring natahimik na lamang siya at nakinig sa Panginoon o tumalikod sa galit. Subalit, nang lumaon, nanampalataya rin si Nicodemo kay Jesus (7:50-52; 9:38-42).
2. Bilang isang guro ng kasulatan, dapat sana’y alam ni Nicodemo ang itinuturo ng Lumang Tipan tungkol sa kaligtasan.
a. Malinaw na itinuturo sa Lumang Tipan kung paano maliligtas ang tao (2 Tim. 3:15). Hindi kaiba sa katuruan ng Lumang Tipan ang inihayag na kaligtasan ng Panginoon (Mateo 5:17).
b. Nagkakaisa ang Luma at Bagong Tipan sa katuruan na maliligtas lamang ang isang tao dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi dahil sa kanyang mga gawa. Pareho ang daan ng kaligtasan sa panahon man ng batas o ng biyaya. Hindi kabayaran ng pagsunod sa kautusan ang kaligtasan kundi kaloob ng Panginoon sa sinumang magpakumbaba, magsisi at manampalataya sa katubusan ng Diyos (Isa. 1:16-18; Hab. 2:4; Gen. 3:15; Awit 32:1-2; Isa. 53:4-9).
c. Sa kanilang mahigpit na pagpapatupad ng pagsunod sa kautusan, napawalang-saysay ng mga Pariseo ang biyaya ng Diyos. Itinuturo nila na matatamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng mabuting gawa at hindi sa paglapit sa Panginoon (Roma 2:19-20).
d. Ganito rin ang nangyayari ngayon sa iba’t-ibang mga relihiyon (Gal. 1:6-9; 2 Cor. 11:3-4).
C. Ang Pangangailangan ng Kapanganakang Muli
1. Ang totoo, bagamat naiintindihan niya, hindi lang talaga matanggap ni Nicodemo ang sinabi ng Panginoon (Juan 3:11-12; tingnan ang 8:43).
a. Hindi mauunawaan ng taong ayaw manampalataya ang mga katotohanan ng Bibliya (1 Cor. 2:14).
b. Bagamat sinabi ni Nicodemo na “nalalaman po namin Kayo’y isang gurong mula sa Diyos,” Pinatunayan ng Panginoon na wala talaga siyang nalalaman.
2. Malinaw na ipinakita ni Jesus kay Nicodemo na hindi kaya ng sinumang tao na iligtas ang kanyang sarili.
a. Kailangan ng lahat ang kapanganakang mula sa itaas (Juan 1:12-13). Sa Griyego ang “ipanganak na muli” ay “ipanganak mula sa itaas.”
b. Hindi kaya ng tao na umakyat sa langit batay sa kanyang kabutihan. Kailangang bumaba ang Anak ng Diyos upang tayo’y mailigtas (3:13; Heb. 1:1-2).
c. Hindi lamang isang gurong mula sa Diyos ang Panginoong Jesus kundi Diyos na nagkatawang-tao (1:1, 12). Kung hindi natin matanggap ang Kanyang inihayag, mananatili tayo sa ating mga kasalanan.
D. Ang pagsasalarawan ng katubusan
1. Para ipakita ng Panginoon na hindi talaga nauunawaan ni Nicodemo ang daan sa kaligtasan, isinalarawan Niya ito sa pamamagitan ng isang pangyayari sa Lumang Tipan (Juan 3:14-15).
a. Ayon sa Mga Bilang 21:4-5, habang gumagala ang mga Israelita sa ilang wala silang tigil sa pagrereklamo—sa kawalan ng pagkain, sa pamumuno ni Moises at kung gaano kahirap ang kanilang dinaranas.
b. Kaya nagpadala ng mga makamandag na ahas ang Panginoon na tumuklaw sa mga naghihimagsik na mga tao. Sa kanilang paghihingalo, nagsisi sila at humingi ng tawad (21:6-7).
c. Iniutos ng Panginoon na gumawa si Moises ng isang ahas na tanso at ilagay sa dulo ng isang poste kasabay ang pangako ng Diyos na “Sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay” (21:8-9). Wala nang anupamang hiningi ang Diyos maliban sa pagtingin lamang.
2. May mga nagtuturo na patunay daw ito na hindi kailangan ng pagsunod kay Cristo para masabing tunay ang pananalig ng isang tao.
a. Sabi ni William LeGrange Hogan sa kanyang thesis na The Relationship of the Lordship of Christ to Salvation na isinumite sa Dallas Theological Seminary,
“Sa kanilang pagtingin, walang hinihinging pagtatalaga ng buhay, walang sinabing dapat gawin upang maging karapat-dapat sa pagpapagaling, walang itinatanong kung ano ang magiging pamumuhay matapos tumingin, walang inaasahang pagsuko ng buhay sa kanyang tinitingnan” (isinalin sa Pilipino). Subalit, binawi na ni Hogan ang pahayag niyang ito.
b. Malinaw na ipinapakita ng Panginoong Jesus kay Nicodemo ang kahalagahan ng pagsisisi.
1) Bilang pinuno ng mga Judio, naniniwala si Nicodemo na katulad siya ni Moises. Subalit inihayag ni Jesus na sa halip na si Moises, katulad si Nicodemo ng mga rebeldeng Israelita.
2) Kaya pinarusahan ng Diyos ang bayang Israel sapagkat mapaghimagsik sila. Nang matuklaw sila ng mga ahas, gayon na lang ang kanilang pagsisisi (Bilang 21:7).
3) Hindi basta-basta ang kanilang pagtingin sa ahas na tanso. Matapos silang pagalingin ng Diyos, wala nang naitala na anupamang pag-aalsa laban kay Moises.
4) Gayon din ang ipinagagawa ni Jesus kay Nicodemo na matuwid ang tingin sa kanyang sarili. Kailangang aminin ni Nicodemo na makasalanan siya, tumalikod sa kanyang kasalanan, at lumapit sa Diyos para sa kaligtasan.
3. Isinasalarawan rin ng pagtataas sa ahas na tanso ang kamatayan ng Panginoong Jesus.
a. Pansinin na sinasabi na “…kailangang itaas ang Anak ng Tao” (Juan 3:14). Kailangang mamatay si Jesus upang pagbayaran ang ating mga kasalanan (Heb. 9:22; Roma 6:23).
b. Katulad ng pagtingin sa ahas na tanso, na nagpagaling sa mga natuklaw ng makamandag na ahas, gayon din naman kailangang manampalataya tayo sa bugtong na Anak upang tayo’y “hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
c. Ang tunay na pananampalataya ay may kagustuhang sumunod. Katulad nang mga pinagaling sa pagtingin sa ahas na tanso, ang sinumang manampalataya kay Jesus ay magpapasakop sa Kanya (3:20-21, 36). Ang hindi nananalig ay hindi sumusunod.
4. Ang mga Pariseo ay naniniwala na pagdating ng Cristo wawasakin ang mga Hentil at pagpapalain ang mga Judio.
a. Nilinaw ni Jesus na sinugo Siya ng Diyos “hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito” (3:17). Hindi lamang para sa mga Judio kundi para sa lahat ng mananampalataya ang kaligtasan (3:18a).
b. Makikitang hinatulan (hindi hahatulan pa lamang) ang mga hindi nananampalataya sa Kanya. Sapagkat ang kawalan ng pananalig ay tanda na mas iniibig nila ang kadiliman kaysa liwanag (3:18b-19).
Pagtatapos
- Tanging kay Jesus lamang matatagpuan ang kaligtasan (Gawa 4:12). Gaano man kabuti ang isang tao, kahit na relihiyoso siya, kailangan niyang maipanganak na muli. Hindi kaligtasan kundi kahatulan ang matatanggap ng sinumang hindi nagsisisi at tatalima sa Panginoon.
Ipinangaral ni Pastor Larry John Sy sa Disciples of Christ Comunity Church
(Hinalaw mula sa aklat ni Dr. John MacArthur, Jr., The Gospel According to Jesus)
©2006 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.