Pagbayaran ang Halaga ng Katuwiran
Mateo 5:10

Abril 26

"Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran." (Mateo 5:10)

* * *

May halagang babayaran para maging mamamayan ng kaharaian.


Hindi tulad ng marami ngayon na sinusubukang palambutin ang mabuting balita para sa mga nag-aatubiling makasalanan, niliwanag ni Jesus na ang pagsunod sa Kanya ay may kasamang halaga. Sa halip na pagtanggap, katanyagan, pagkakilala, at kasaganaan, maasahan ninyo ang pagtanggi at pag-uusig. Hindi iyan isang bantog na paraan ng pamamamahagi ng mabuting balita, ngunit ito naman ay matapat. Tinitityak rin nito na walang susubok na pumasok sa Kaharian sa maling batayan.

Nais ni Jesus na timbangin ng Kanyang mga tagapakinig ang halaga ng pagiging alagad. Alam Niyang marami sa kanila ay tatalikuran ng kani-kanilang mga pamilya at palalayasin mula sa sinagoga ng mga Judio. Marami ang magdurusa ng pag-uusig o pagkamatay sa kamay ng pamahalaan ng Roma. Kailangan talaga nilang timbangin ang halaga!

Dumating nga ang pag-uusig sa mga naunang Cristiano. Nilahiran ni Emperador Nero ang marami sa kanila ng aspalto, ipinapako sila, at sinunog sila para maging liwanag sa kanyang mga handaan sa hardin. Tinuligsa niya ang mga Cristiano nang dahil sa pagtanggi nilag sambahin siya bilang isang diyos at sinisi sila sa pagkakasunog ng Roma noong A.D. 64. Naparatangan din ang mga Cristiano ng kanibalismo dahil sa sianbi ni Jesus, "Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay nananatili sa Akin, at Ako'y sa kanya." Nababalitaan din na sila'y mga mapanghimagsik dahil sa paniniwala nilang darating ang Diyos isang araw upang wasakin ang daigdig.

Ang matinding poot ng sanlibutan laban sa mga Cristiano ay hindi nagbago. Maaaring hindi pa kayo nasuong sa mga matitinding pag-uusig na hinarap ng mga mananampalataya nong unang siglo, ngunit kayo ay mauusig (Fil. 1:29). Kahit nga ang mga bagong Cristiano ay karaniwang nasusuong sa mga pagpapahirap. Kung tatanggihan nilang samahan ang kanilang mga dating kaibigan sa mga makasalanang gawain, sila'y maaaring di-tanggapin. Kung sila'y nagtratrabaho sa isang di matapat na tagapangasiwa na umaasang sila'y makilahok o palampasin ang kanyang mga masamang gawain, maaari silang matanggal o kailangan lisanin ang kanilang mga trabaho. Iyan ay maaaring magdala ng masidhing kahirapan sa pananalapi para sa kanilang mga pamilya.

Hindi kayo laging matatabingan ng Diyos mula sa pag-uusig, ngunit pararangalan Niya ang inyong katapatanat bibigyan kayo ng lakas upang matiis ang anumang pagsubok na darating sa inyo. Purihin Siya sa Kanyang buong-kasapatang biyaya!

* * *

Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Ipanalangin ang mga taong alam ninyong nagdurusa ng pagpapahirap ng dahil kay Cristo. * Hilingin sa Diyos ang kaalaman at kalakasan na harapin ang pag-uusig ng may dangal at di-natitinag na pananampalataya.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Santiago 1:2-4 at 1 Pedro 5:10. * Ano ang pakinabang ng pagdurusa? * Paano ba kayo tutugon sa pagdurusa?

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.