Mga Sugo ng Kapayapaan
Mateo 5:9
Abril 25
“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos ." (Mateo 5:9)
* * *
Ikaw ay isang sugo ng kapayapaan!
Nang sabihin ni Jesus, "Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos," tinutukoy Niya ang isang kakaibang samahan ng mga tao na tinawag ng Diyos upang mapanumbalik ang kapayapaan na naiwala nang dahil sa kasalanan. Maaaring hindi sila mga pulitiko, estadista, diplomatiko, hari, pangulo, o tumanggap ng gantimpala mula sa Nobel, ngunit tangan nila ang susi ng tunay at panghabang-buhay na kapayapaan.
Bilang isang Cristiano, kayo ay kasama sa piling samahan ng mga mapagpayapa. Dahil diyan mayroon kayong dalawang pangunahing pananagutan. Ang una ay matulungan ang iba na makamit ang kapayapaan sa Diyos. Wala nang iba pang dakilang pribilehiyo. Ang pinakamahusay na paraan upang magawa iyan ay ipangaral ang mabuting balit ang kapayapaan nang may linaw, upang maunawaan ng mga tao ang kanilang pagkakalayo sa Diyos at hangarin nila ang makipagkasundo. Sinasabi ng Roma 10:15, "Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!" Ang unang iglesya ay nangaral ng kapayapaan sa pamamagitan ni Cristo, at iyan inyo ring pribilehiyo.
Ang inyong ikalawang pananagutan ay matulungan na mapagkasundo ang mga mananampalataya sa isa't-isa. Iyan ay isang mahalagang paksa sa Diyos. Hindi Niya tatanggapin ang anumang pagsamba mula sa mga taong may di pagkakasundo sa bawat isa. Kailangan muna nilang ayusin ang salungatan (Mateo 5:23-24). Iyan nga ay lalong totoo sa loob ng isang pamilya. Binalaan ni Pablo ang mga asawang lalaki na pakitunguhan ng maayos ang kanilang mga asawang babae upang ang kanilang mga panalangin ay hindi mahadlangan (1 Pedro 3:7).
Ang mga mapagpayapa ay hindi umiiwas sa mga espirituwal na salungatan. Lalo pa dapat, nagsasabi sila ng katotohanan na may pag-ibig at hayaan ang Espiritu na maglingkod sa pamamagitan nila upang madala sa pakikipagkasundo. Kapag may nakita kayong sinuman na malayo sa Diyos, kailangan ninyong ibahagi sa kanya ang mabuting balita ng kapayapaan. Kapag may nakita kayong dalawang Cristiano na nagtatalo, kaliangan ninyong gawin ang lahat ng makakaya na matulungan silang lutasin ang kanilang hidwaan sa isang matuwid na paraan.
Siyempre, upang maging mabisa tagapagpayapa kailangan ninyo na mapanatili ang inyong sariling kapayapaan sa Diyos. Ang kasalanan sa inyong buhay ay nakapag-bubuwag kapayapaan at makapipigil sa inyo na mamahagi ng kapayapaan ng Diyos sa iba. Sa gayon patuloy ninyong bantayan ang inyong puso at ihayag ang inyong kasalanan sa Diyos upang kayo'y magamit ng Diyos bilang Kanyang tagapagpayapa.
* * *
Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Ipanalangin ang mga taong malapit sa inyo na hindi pa nakikilala si Cristo. Gamitin ang bawat pagkakataon na masabi sa kanila ang kapayapaan ng Diyos.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang 2 Corinto 5:17-21. * Paano inilarawan ni Pablo ang gawain ng pakikipagkasundo? * Ano ang tungkulin ni Cristo sa pakikipagkasundo ng tao sa Diyos?
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.