Ang Kutson ng Kapayapaan
Mateo 5:9

Abril 21

“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos ." (Mateo 5:9)

* * *

Ang kapayapaan ng Diyos ay para bagang kutson sa kaluluwa sa panahon ng mga kahirapan.


May isang babasahin noon tungkol sa "kutson ng karagatan." Ang ibabaw ng dagat ay karaniwang balisa, ngunit habang kayo ay lumulubog, ang tubig ay nagiging matiwasay. Sa kalaliman nito, ang karagatan ay talagang tahimik. Ang mga nag-aaral ng karagatan na nagdradraga sa ilalim ng dagat ay nakatagpo ng mga labi ng hayup at halaman na mukhang hindi natigatig sa daan-daang taon.

Kahalintulad nito, makakaranas ang mga Cristiano ng isang kutson ng kapanatagan sa kanilang mga kaluluwa kahit na sa paligid ng kagulumihanan. Iyan ay dahil sa sila ay nasa piling ng Diyos, na siyang pinagmumulang ng kapayapaan; naglilingkod sila kay Cristo, na siyang Prinsipe ng Kapayapaan; at sila'y pinananahanan ng Banal na Espiritu, na siyang kinatawan ng kapayapaan. Sinasabi ng Galacia 5:22, "Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan." Kapag kayo ay naging Cristiano, ibinibigay ng Diyos sa inyo ang kaloob na kapayapaan.

Hindi lamang pinagmumulan ng ganap na kapayapaan ang Diyos kundi Siya ring pinakadalisay na halimbawa. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay may bakas ng ng kapayapaan. Sinasabi ng 1 Corinto 14:33 na hindi siya Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan. Sa Mga Hukom 6:24 tinatawag Siyang Jehovah-shalom, na nangangahulugan, "ang Panginoon ng kapayapaan." Ang Trinidad ay nakikilala sa isang ganap na kawalan ng salungatan -- ganap na kaisahan, ganap na katuwiran, at lubos na pagkakasundo. Di-maaari para sa Diyos na magkalaban-laban sa Kanyang Sarili.

Nais ng Diyos na malaman ng lahat ang ang ganitong uri ng kapayapaan. Nilikha Niya ang sanlibutan sa kapayapaan at sinugo ang Kanyang Anak upang maghandog ng kapayapaan. Balang araw babalik si Cristo upang itatag ang Kanyang kaharian at maghari sa kapayapaan magpakailanman.

Samantala, ligalig ang kalagayan ng lahat ng di nakakikilala kay Cristo. Wala silang kutson para sa kanilang mga kaluluwa. Samakatuwid, kayo naman ay may kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo Jesus, at sa inyong pagsunod sa Kanya, patuloy na maghahari ang Kanyang kapayapaan sa inyong puso. Huwag ninyong hayaan ang kasalanan na nakawin sa inyo ganyang mapagpalang kutson. Habang nararanasan ninyo ang kapayapaang sumasainyo ay saka lamang ninyo maibabahagi ito sa iba.

* * *

Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Pasalamanatan ang Diyos para sa kutson ng kapayapaan na Kanyang ibinigay sa gitna ng mga mabibigat na pangyayari. * Hilingin sa Diyos na gamitin kayo bilang kasangkapan ng Kanyang kapayapaan ngayon.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Isaias 57:15-21, na pinapansin kung paano binibigyan ng lakas ng loob ang nagsisisi at binabalaan ang masasama tungkol sa kapayapaan.

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.