Maging Malinis sa Puso
Mateo 5:8

Abril 20

“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." -- Mateo 5:8

* * *

May bahagi kang gagampanan sa pagiging malinis sa puso.


Ang paglilinis ng puso ay mabiyaya at mahimalang gawain ng Banal na Espiritu, subalit may mga bagay tayong dapat gampanan bilang tugon sa Kanyang pag-udyok. Una, kailangan nating aminin na di natin kayang linisin ang ating mga sariling puso Sinasabi ng Kawikaan 20:9, "Sinong makapagsasabi, 'Puso ko'y aking nalinisan; ako'y malinis mula sa aking kasalanan?'" Ang ipinahihiwatig na sagot ay, wala ni isa!

Ikalawa, kailangan nating ilagak ang ating pananampalataya kay Jesu-Cristo, na ang sakripisyo sa krus ay batayan para sa ating paglilinis. Sinasabi ng Mga Gawa 15:9 na nililinis ng Diyos ang ating mga puso batay sa ating pananampalataya. At siyempre, marapat lamang na ang ating pananampalataya ay inilalagak sa nararapat na katauhan. Sinasabi ng 1 Juan 1:7, "Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad Niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't-isa, at ang dugo ni Jesus na Kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan."

Panghuli, kailangan nating mag-aral ng Biblia at manalangin. Ang sabi ng mang-aawit ay napapanatili nating malinis ang ating daan sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa Salita ng Diyos, na para isang mamahaling kayamanan sa ating mga puso (Awit 119:9, 11). Habang tayo'y nananalangin at nagpapasakop sa Salita, nililinis ng Espiritu ang ating mga buhay.

Ganyan ninyo nakakamit at napapanatili ang malinis na puso. Bunga niyan ay "makikita nila ang Diyos" (Mateo 5:8). Hindi ibig sabihin nito na makikita ninyo Siya sa pamamagitan ng inyong mga mata, kundi sa espirituwal na kalagayan. Magsisimula kayong mamuhay sa Kanyang harapan at lalong higit na mamamalayan ang Kanyang pagkilos sa inyong buhay. Mahahalata ninyo ang Kanyang kapangyarihan at gawain sa kagandahan at kasalimuutan ng sangnilikha (Awit 19). Maiintindihan ninyo ang Kanyang kagandahang-loob at mga layunin sa gitna ng mga pagsubok at matututong magpuri sa Kanya sa lahat ng bagay. Mapapansin ninyo ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng ibang Cristiano at makikita Kanyang pagka-soberano sa bawat pangyayari sa inyong buhay. Ang buhay ay magkakaroon ng may kalaliman at walang hanggang kahulugan habang inyong ibinabahagi si Cristo sa mga di ligtas at makita Siyang nagbabago ng mga buhay.

Wala nang iba pang kagalakan liban sa malamang kayo ay malinis sa harap ng Diyos at ang inyong buhay ay nakalulugod sa Kanya. Nawa'y ang kagalakang iyan ay sumainyo ngayon, nawa'y magamit kayo ng Diyos sa isang makapangyarihang paraan para sa Kanyang kaluwalhatian!

* * *

Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Hilingin sa Panginoon ang patuloy na grasya na makapamuhay ng malinis upang makita ng iba si Cristo sa iyong buhay.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Isaias 6:1-8. * Ilarawan ang pangitain ni Isaias sa Diyos. * Paano tumugon si Isaias sa presensya ng Diyos?

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.