Nag-iisip na Biblikal
Mateo 5:8

Abril 19

“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." -- Mateo 5:8

* * *

Kung paano ka mag-isip ang siyang nagpapasiya sa paraan ng iyong pag-uugali.


Mahalaga sa Diyos ang paaran ng iyong pag-iisip. Kaya nga sinabi ni Pablo, "Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos" (Roma 12:2). Sa Filipos 4:8 tinuturuan rin niya tayong pag-isipan ang mga bagay na totoo, kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, kapuri-puri, anumang kagalingan, at anumang nararapat papurihan.

Nang mangaral si Jesus tungkol sa isang malinis na puso sa Mateo 5:8, tinutukoy Niya ang sinakdal na pag-iisip. Ang Griyegong salita na isinaling "puso" ay kardia, kung saan natin nakuha ang salitang cardiac. Bagamat lagi nating naiuugnay ang puso sa mga damdamin (e.g., "Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan," Mateo 15:19). Kaya nga kailangan na "ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan…" (Kaw. 4:23).

Sa isa pang kaparaanan, samantala, ang puso ay may kinalaman sa kalooban at damdamin sapagkat naiimpluwensiyahan sila ng pag-iisip. Kung ikaw ay nagpasiya na sa isang bagay, makakaantig ito sa iyong kalooban, at tuloy makakaantig sa iyong mga damdamin.

Ang salitang Griyego na "malinis" sa Mateo 5:8 ay "magdalisay." Sa kalagayan ng kabutihang asal tinutukoy nito ang pagiging malaya mula dumi ng kasalanan. Ito rin ay tumutukoy sa kalagayang walang-halo o walang naisamang ibang sangkap. Ang espirituwal na kalinisang-budhi at mga tapat na hangarin ay nararapat na pagkakagamit ng kahulugan nito sa buhay Cristiano.

Sinasabi ni Jesus na ang mamamayan ng Kaharian ay pinagpala dahil siya ay may malinis na pag-iisip at dalisay na hangarin na magkasamang nagbubunga ng banal na pamumuhay. Maaaring may mag-angkin na siya'y relihiyoso at may malinis na hangarin, ngunit kung ang kanyang asal ay hindi matuwid, ang kanyang puso ay hindi nakapirmi sa Diyos. Kahalintulad nito, maaari kang pumunta sa simbahan, magdala ng Biblia, at sumabit ng mga talata, subalit kung ang iyong puso ay hindi malinis, hindi mo naabot ang pamantayan ng Diyos.

Kailangan mong gawin ang kalooban ng Diyos mula sa isang malinis na puso (Efeso 6:6). Tungo dito, gawin mong iyo ang dalangin ni David: "Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos; at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko" (Awit 51:10).

* * *

Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Isaulo ang Awit 19:14 at gawin mo itong bahagi ng iyong pang-araw-araw na panalangin.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang mga sumusunod na mga talata, pansinin ang mga katangian ng isang malinis na puso: Awit 9:1; 26:2; 27:8; 57:7.

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.