Pagpasok sa Kaharian
Mateo 5:8
Abril 18
“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." (Mateo 5:8)
* * *
Mayroon lamang dalawang uri ng relihiyon sa sanlibutan: yaong nakabatay sa ano ang magagawa ng tao at yaong nakabatay sa magagawa ng Diyos.
Maraming hugis ang relihiyon. Halos bawat maaaring maisip na paniniwala o pag-uugali ay naikabit na sa ilang sistema ng relihiyon sa ilang dako ng panahon. Subalit sa katunayan may dalawa lamang na uri ng mga relihiyon. Ang isa ay nagsasabi na maaari mong pagsikapang maabot ang Langit; ang isa naman ay nagsasabi kailangan mong magtiwala kay Jesu-Cristo lamang. Ang isa ay relihiyon ng gawa ng tao; ang isa naman ay relihiyon ng gawa ng Diyos.
Ang mga taong nagtitiwala sa kanilang magagawa ay karaniwang naihahambing ang kanilang sarili sa ibang tao. Subalit iyan makasarili, at pamantayang nagpapawalang-sala sa sarili dahil lagi ka namang makakakita ng isang taong mas masama pa kaysa sa iyo na siya mong gagawing batayan ng paghahambing.
Inalis ni Jesus ang lahat ng pamantayang pantao nang sabihin Niya, "Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal" (Mateo 5:48). Kahit na nga yaong mga pinuno ng relihiyong Judio, na karaniwang pinag-aakalaan na may pinakamataas na uri ng katuwiran, ay di naging karapat-dapat ayon sa pamantayang ito. Sa katunayan, pinagsabihan pa nga ni Jesus ang mga tao na ang kanilang katuwiran ay kinakailangang makahigit pa sa mga escriba at Pariseo kung nais nilang makapasok sa Langit (Mateo 5:20). Maaaring ikinagulat nila ito, subalit hindi tinutukoy ni Jesus ang pag-alinsunod sa mga panlabas na seremonya ng relihiyon. Nananawagan Siya ng mga pusong dalisay.
Hindi kayo inihahambing ng Diyos sa mga sinungaling, magnanakaw, mandaraya, mapang-abuso sa mga bata, o mamamatay-tao. Inihahambing Niya kayo sa Kanyang Sarili. Ang Kanyang ganap na katangiang banal ang pamantayang ipinanunukat Niya upang kayo ay maging katanggap-tanggap sa Langit. Liban kay Cristo, Ang bawat isa ay mabibigo sa pamantayang yaon dahil "yamang ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23). Subalit ang maluwalhating katotohanan ng kaligtasan ay naparito nga is Jesu-Cristo upang pakadalisayin ang ating mga puso. Inako Niya ang ating kasalanan, binayaran ang parusa nito, pagkatapos ay ipinagkaloob ang Kanyang katuwiran sa atin (Roma 4:24). Pinanatili Niya tayong dalisay sa patuloy Niyang paglilinis sa ating kasalanan at binibinigyan ng kapangyarihan upang ganapin ang Kanyang kalooban.
Ang iyong pananampalataya kay Cristo -- hindi ang inyong mga personal na nagawa -- ang siyang nagpapadalisay sa iyo. Hayaan ninyong ang katotohanang ito ay magdulot ng kagalakan sa inyong puso at papuri sa inyong mga labi!
* * *
Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Pasalamatan ang Panginoon sa pagsasakatuparan ng kaligtasan para sa iyo at sa pagkakaloob sa iyo ng pananampalatayang nakapagliligtas. * Ipanalangin na ang iyong mga isip at gawa ngayong araw ay magpapatunay ng isang dalisay na puso.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Awit 24:1-5 and Ezekiel 36:25-29. * Sino ang katanggap-tanggap sa Diyos? * Paano dinadalisay ng Diyos ang mga puso ng Kanyang bayan?
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.