Putulin ang Pagka-Alipin sa Legalismo
Mateo 5:8

Abril 17

“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." (Mateo 5:8)

* * *

Ang legalismo ay hindi nakagagawa ng malinis na puso.


Sa panahong dumating si Jesus, ang Israel ay nasa kalunos-lunos na kalagayang espirituwal. Ang bayang Judio ay nakagapos sa mapang-abusong legalismo ng mga Pariseo, na nakabuo ng isang pamamaraan ng mga kautusan na di maaaring masunod. Kaya naman, ang mga tao ay kapos sa katiwasayan at naghahangad ng isang Tagapagligtas na magpapalaya sa kanila mula sa nakokonsensiyang budhi at kabiguan. Alam nilang nangako ang Diyos ng isang Manunubos na magpapatawad ng kanilang mga kasalanan at maglilinis ng kanilang mga puso (Ezek. 36:25-27), subalit di nila tiyak kung kailan Siya darating o kung paano Siya makikilala sa Kanyang pagparito.

Ang kagulat-gulat na tugon sa ministeryo ni Juan na Tagabautismo ay naglalarawan ng taas ng uri ng pag-asam sa kalagitnaan ng mga tao. Sinasabi sa Mateo 3:5-6, "Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan. At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan." Ang pangunahing tanong sa isip ng bawat isa ay, "Paano ako makakapasok sa Kaharian ng Langit."

Si Jesus mismo ay natanong na ng ganitong tanong ng maraming tao sa iba't-ibang paraan. Sa Lukas 10:25 isang dalubhasa sa batas ang nagtanong, "Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?" Sa Lukas 18:18 isang pinunon at mayamang binata ay nagtanong ng ganito rin kapareho. Sa Juan 6:28 may makapal na taong nagtanong, "Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?" Si Nicodemo, isang kilalang pinuno ng relihiyong Judio, ay pumunta kay Jesus ng gabi na nagtanong din ng kaparehong tanong, subalit bago niya ito naitanong, nabasa na ni Jesus ang kanyang iniisip at sinabi, "Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos."

Gaano man ka-deboto sa relihiyon ang mga taong iyon, mananatili silang ligaw sa kalagayang espirituwal maliban na kanilang mailagak ang kanilang pananampalataya kay Cristo. Iyan lamang ang tanging paraan sa pagpasok sa Kaharian.

Hanggang ngayon maraming tao ang naghahagilap ng lunas mula sa kasalanan at nakokonsiyensiyang budhi. Magagamit ka ng Diyos upang maibahagi si Cristo sa ilan sa kanila. Hingin mo sa Kanya ang ganitong pribilehiyo, at maging handa kapag ito'y dumating.

* * *

Mga Suhestiyon para Ipanalangin: Ipanalangin ang mga taong napaalipin sa sistema ng relihiyon na legalistiko. * Tiyakin na walang kasalanan sa iyong buhay na hahadlang sa gawain ng Diyos sa pamamagitan mo.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Galacia 3. * Bakit sinaway ni Pablo ang mga taga-Galacia? * Ano ang layunin ng Batas ng Lumang Tipan?

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.