Napuspos ng Habag
Mateo 5:7
Abril 13
“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.” (Mateo 5:7)
* * *
Katangian ng mga tunay na mananampalataya ang kahabagan.
Tulad ng iba pang mga “Pagpapala,” naglalaman ang Mateo 5;7 ng dalawang mensahe: upang makapasok sa Kaharian, kailangan mong humingi ng habag; kapag nakapasok na, kailangan mo naman pakitaan ng habag ang iba.
Ang kaisipan na magpakita ng kahabagan ay maaaring nakabigla sa mga tagapakiniig ni Cristo sapakat ang mga Judio at Romano ay karaniwang walang-awa. Itinataas ng mga Romano ang katarungan, katapangan, disiplina, at kapangyarihan. Sa kanila ang kahabagan ay isang tanda ng kahinaan. Halimbawa, kung ang isang Romanong ama ay nais mabuhay ang kanyang bagong silang na anak, kanya lamang itataas ang kanyang hinlalaki; kung nais naman niyang mamatay ito, ibababa niya ang kanyang hinlalaki.
Paulit-ulit na sinaway ni Jesus ang mga pinuno ng relihiyong Judaismo dahil sa kanilang makasarili, mapagmatuwid, at mapanghatol na asal. Di nila pinalalagpas ang sinumang pumalya na mamuhay ayon sa kanilang mga tradisyon. Pinipigil pa nga nila ang tulong pinansyal para sa kanilang sariling mga magulang na nangangailangan (Mateo 15:3-9).
Tulad ng mga tao sa panahon ni Jesus, marami ngayon ay kapos sa kahabagan. Ang ilan pa nga ay lantarang malulupit at nakakasakit, subalit ang karamihan ay nauubos ang panahon sa kanilang paghahagilap ng ikasisiya ng sarili na kinaliligtaan nila ang iba.
Samantala, ang mga Cristiano naman ay dapat makitaan ng kahabagan. Sa katunayan, binanggit ni Santiago ang habag upang ilarawan ang tunay na pananampalataya: “Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya? Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay namumuhay ng hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw, at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, ‘Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakakabusog,’ subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon? Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:14-17). Sinabi rin niya na ang kahabagan ay katangian ng makadiyos na karunungan: “Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.” (3:17).
Bilang isang taong tumanggap ng habag mula sa Diyos, hayaan mong maging tatak ng iyong buhay ang kahabagan.
* * *
Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang dakilang kahabagan * Hilingan sa Kanya na bigyan ka ng mga pagkakataon na maipakita ang kahabagan sa iba ngayon.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Lukas 10:25-37. * Sino ang nagtatanong kay Jesus, aat ano ang kanyang motibo? * Anong mga katangian ng kahabagan ang naipakita ng Samaritanong manlalakbay? Anong hamon ang ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga tagapakinig? Handa ka bang tanggapin ang hamong ito?
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.