Kamusta ang Iyong Espirituwal na Katakaman?
Mateo 5:6
Abril 11
“Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin” (Mateo 5:6)
* * *
Ang iyong katakaman sa katuwiran ay dapat pumantay sa katakaman mo sa pagkain at tubig.
Si David ay isang lalaking tumutulad sa puso ng Diyos. Sa Awit 63:1 isinulat niya, “O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga, nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa, ang aking laman sa iyo'y nananabik, gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.” Nakipagniig siya sa Diyos at alam niya ang pagpapala ng Kanyang kasapatan; “Ang PANGINOON ay aking pastol; hindi ako magkukulang… inaakay Niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan. Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran… ang Iyong pamalo at ang Iyong tungkod, inaaliw ako ng mga ito.” (Awit 23:1-4). Tiniis niya ang di marapat na pang-uusig nang dahil sa pangalan ng Panginoon: “Sapagkat ang pagmamalasakit sa Iyong bahay ang sa aki'y umubos, at ang mga paghamak ng mga sa Iyo'y humahamak sa akin ay nahulog” (Awit 69:9).
Ang sigasig ni David para sa Diyos ay naglalarawan sa kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niya, “Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran” (Mateo 5:6). Ang mga salitang “nagugutom” at “nauuhaw” ay nagpapahayag ng matinding pagnanais. Ang mga ito ay nasa kalagayang pangkasalukuyan na ang implikasyon ay aksyong nagpapatuloy. Ang kaisipan ay isang kabalintunaan (paradoxical); ang patuloy at matinding pagnanais ng isang mananampalataya sa katuwiran ay patuloy na mabubusog by Cristo.
Si J. N. Darby, isang naunang pinuno ng Plymouth Brethren movement, ay nagsabi, “Ang magutom ay di sapat; kailangan ko talagang gutom na gutom upang malaman kung ano ang puso ng Diyos para sa akin. Nang ang alibughang anak ay nagutom kinain niya ang mga ipa ng palay (pinakakain sa baboy), subalit ng siya’y gutom na gutom na, bumalik na siya sa kanyang ama” (binanggit ni Martyn-Lloyd Jones sa kanyang aklat na Studies in the Sermon on the Mount, Vol. 1, p. 81). Kapag may ganito kang uri ng desperasyon, tanging Diyos lamang ang makabubusog.
Ang iyo bang pagnanais sa katuwiran ay humahatak sa iyo tungo kay Cristo upang mabusog? Ipinalalangin ko na nawa’y ang mga katagang sinambit ng mang-aawit ay mapasaiyo rin: “Tungkol sa akin, aking mamasdan ang Iyong mukha sa katuwiran; kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang Iyong anyo at masisiyahan” (Ps. 17:15, KJV).
* * *
Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Hilingin sa Diyos na gamitin Niya ang mga pangyayari sa araw na ito upang paigtingin Niya ang iyong pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran. Tumingin sa Kanya sa lahat ng bagay, sa kaalamang Siya lamang ang tanging makapagpapabusog.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Filipos 3:1-14. * Ano ba ang kahulugan na mailagay ang pagtitiwala sa laman? * Paano ipinaliwanag ni Pablo ang tunay na katuwiran?
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.