Tanggihan ang mga Makasanlibutang Ambisyon
Mateo 5:5

Abril 10

“Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:5)

* * *

Tanging si Cristo lamang ang makabubusog sa pinakamalalim nating pangangailangan.


Nasa loob ng bawat lalaki at babae ang isang pagka-gutom at pagka-uhaw na tanging Diyos lamang ang makabubusog. Kaya nga sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na buhay. Ang lumalapit sa Akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa Akin ay hindi kailanman mauuhaw” (Juan 6:35).

Nakakalungkot, hinahanap ng karamihan sa mga tao ang kaligayahan sa mga maling lugar. Ang alibughang anak sa Lukas 15 ay isang halimbawa. Tumalikod siya sa Diyos sa paghahangad niya sa mga makasalanang layaw, subalit nadiskubre rin niya sa huli na hindi mabubusog ng kasalanan ang nagugutom niyang kaluluwa. Dito na siya bumalik sa tahanan ng kanyang ama, kung saan pinaghandaan siya ng isang malaking piging–-isang larawan ng kaligtasan.

Ang mayamang hangal sa Lukas 12 ay inakalang ang pagkakaroon ng napakaraming ari-arian ay siyang susi sa kaligayahan, ang nag-isip sa sarili ng ganito, “Ano ang aking gagawin, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani? … Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari. At sasabihin ko sa aking kaluluwa, ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’” Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mag bagay na inihanda mo?’ Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos” (tt. 17-21). Di tulad ng alibughang anak, ang mayamang hangal ay di kailanman nanumbalik sa Diyos na may pagsisisi. Bunga nito nawala ang lahat sa kanya.

Ang mayamang hangal ay katulad ng maraming tao ngayon, na di pinapansin si Cristo at nagsisikap na punuin ang kawalan sa kanilang buhay ng mga kalayawan ng sanlibutan. Ang nakararami ay walang kamalay-malay sa nag-aabang na kapahamakang walang-hanggan kung hindi sila magsisisi.

Ang mga umiibig sa Diyos ay lalayo sa pagka-makasanlibutan, naghahangad sa katuwiran, at alam nila ang kabusugang daranasin mula sa pagbibigay kaluguran sa Kanya. Ito nga ang nilalaman ng Sermon sa Bundok: “Hanapin muna ninyo ang Kanyang kaharian at ang Kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33). Panatilihin ang nasaing iyan na una sa iyong isp habang hinaharap mo ang pagsubok sa bawat bagong araw.

* * *

Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Pasalamatan ang Diyos na binubusog Niya ang pinakamalalim na naisin ng iyong puso.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang Daniel 4:28-37. * Ano ang kasalanan ni Nabucodnozoro? * Paano siya pinarusahan ng Diyos? * Paano tumugon si Nabucodnozoro pagkatapos maparusahan?

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.