Pagmamana sa Lupa
Mateo 5:5
Abril 9
“Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:5)
* * *
Darating ang araw na babaligtarin ng Diyos ang sumpa at ibabalik ang lupa sa Kanyang bayan.
Sinabi ng Diyos kina Adan and Eba, “Kayo’y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa” (Gen. 1:28). Subalit nang dahil sa kanilang kasalanan naiwala nila ang kanilang pamamayani at nagdulot iyon ng isang sumpa sa lupa (Gen. 3:17).
Sinabi ng Apostol Pablo, “Ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos … sa pag-asa na ang sangnilkha ay mapapalaya mula sa pagka-alipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos” (Rom. 8:19-21). Darating ang araw ang sumpang ito ay babaligtarin, at muling mamanahin ng bayan ng Diyos ang lupa.
Ang salitang Griyego na isinaling “mamanahin” (Mateo 5:5) ay nangangahulugan ng “tanggapin ang isang itinabing bahagi.” Ang lupa ay siyang itinabing bahagi ng mga mananampalataya, na maghaharing kasama ng Panginoon sa Kanyang muling pagparito sa Kanyang Kaharian (Pahayag 20:6). Iyan ang madiing pangako sa Mateo 5:5, kung saan literal na sinasabi, “Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa” (Mateo 5:5).
Naisip ng maraming Judio sa panahon ni Cristo na ang Kaharian ay para lamang sa mga malalakas, mayayabang, at mapanlaban. Subalit sinabi ni Jesus na ang lupa ay para lamang sa mga mapagpakumbaba, maamo, at mababa ang loob. Ang mga taong mayayabang at nagmamatuwid sa sarili ay hindi papasa (cf. Lukas 1:46-55). Sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, malibang kayo ay magbago at maging tulad sa mga bata (mababang-loob at mapagpasakop), kailanma’y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3).
Bilang mga tatanggap ng mga pangako ng Diyos, dapat kayong matuwa na malamang magmamana kayo ng lupa at maghaharing kasama ni Cristo sa Kanyang kaharian sa lupa. Magsilakas ang inyong loob na malamang kahit na may mga masasamang tao at may mga bansang walang kinikilalang Diyos na mukha pa ngang sumasagana, ang Diyos ay may ganap na pamamahala at darating ang araw na Kanyang itatatag ang Kanyang matuwid na Kaharian sa lupa.
Magalak kayo sa ganyang katiyakan, at hagilapin ang lahat ng nais ng Diyos na mapasa-inyo hanggang sa dakilang araw na iyon.
* * *
Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Pasalamatan ang Diyos dahil darating ang araw na ang buong sangnilikha ay palalayain mula sa nakakabulok na impluwensya ng kasalanan. * Purihin Siya sa Kanyang malakas na kapangyarihan, na siyang magsasagawa ng lahat ng ito.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang 1 Corinto 6:1-8 * Anong isyu ang hinarap ni Pablo? * Anong pakinabang ng isyung ito sa darating na paghahari ng mga Cristiano sa hinaharap?
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.