Pagpigil sa Sarili
Mateo 5:5

Abril 8

“Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:5)

* * *

Ang pagpapakumbaba ay nagpipigil na kapangyarihan


Ang Griyegong salita na isinalin na “mapagpakumbaba” sa Mateo 5:5 ay tumutukoy sa kababaang-loob, pagiging aba, ang di pag-ganti -- mga katangian na sa ating mayabang na lipunan ay karaniwan nang iniuugma sa kahinaan o kaduwagan. Subalit sa katunayan ito’y mga katangiang nagpapakilala sa mga mamamayan ng Kaharian.

Ginagamit din ito ng Griyego upang ilarawan ang isang maamong hangin, isang nagpapakalmang gamot, o isang napaamong kabayo. Iyan ay mga halimbawa ng kapangyarihang nasa ilalim ng pagpipigil. Ang maamong hangin ay nagdudulot ng kasiyahan, subalit ang bagyo ay nagdadala ng pagkawasak; ang isang nagpapakalmang gamot ay nagdudulot ng kagalingan, ngunit ang sobra nito ay nakamamatay; ang isang napaamong kabayo ay kapaki-pakinabang, ngunit ang mailap ay mapanganib.

Si Cristo mismo ay may pinakamataas na uri ng kapakumbabaan. Kahit na nang opsiyal na Niyang inaanunsyo ang Kanyang pagka-Mesiyas sa Jerusalem, pumasok Siyang may kababaang-loob sa lungsod sakay ng isang asno (Mateo 21:5). Ang Kanyang naging asal sa gitna ng pag-uusig ay kahanga-hanga: “… si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa Kanyang mga yapak, Siya’y hind nagkasala, at walang matagpuang pandaraya sa Kanyang bibig. Nang siya’y alisputain, hindi Siya gumanti, nang Siya’y magdusa, hindi siya nagbanta…” (1 Pedro 2:21-23).

Kahit Siya’y mababang-loob at may pagpipigil sa sarili, hindi naman mahina o duwag si Jesus. Hindi Niya kailanman ipinagtanggol ang Sarili, ngunit nang nilalapastangan ang tahanan ng Kanyang Ama, gumawa Siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at pinaghahampas Niya yaong mga lumalapatangan dito (Juann 2:13-16; Mateo 21:12-13). Hindi rin Siya kailanman natakot hatulan ang ayaw magsisising mga makasalanan at kailanman hindi Niya ikinumpromiso ang Kanyang paninindigan o nilabag ang kalooban ng Kanyang Ama.

Ang mga ipokritong pinuno ng relihiyong Judaismo ay umasa na sa pagdating ng Mesiyas ng Israel, pupurihin Niya sila sa kanilang kahanga-hangang espirituwalidad. Sa halip, kinondena sila ni Jesus at tinawag silang mga anak ng demonyo (Jyan 8:44). Sa kanilang paghiganti ipinapatay nila Siya. Ang Kanyang kapangyarihan ay laging nasa ilalim ng pagpipigil; ang sa kanila’y wala.

Kaunti lamang ang pakinabang ng ating lipunan sa kapakumbabaan. Ang mala-macho, kaisipang "gawin-mo-ang iyong-gusto" ay naglalarawan sa karamihan ng ating mga bayani. Subalit may mas mataas tayong pamantayan. Kapag ating itinulad ang ating buhay kay Jesus, magkakaroon tayo ng mahalagang patotoo sa lipunan at malalaman natin ang tunay na kasiyahan.

* * *

Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Pasalamatan ang Diyos para sa katangian ng kapakumbabaan, na Kanyang ginagawa sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Tularan ang halimbawa ni Cristo ngayon upang ang kapakumbabaan ay maging tanda ng iyong katangian.

Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang mga sumusunod na talata, bigyang-pansin ang mga pananagutan at pagpapala na kasama ng pagpipigil sa sarili: Mga Kawikaan 16:32; Efeso 4:1-2; Colosas 3:12; at Tito 3:1-2.

Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)

©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.