Pagiging Dukha sa Espiritu
Mateo 5:3
Abril 4
"Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5:3)
* * *
Kung ikaw ay dukha sa espiritu, may mga katangian na magiging tatak sa iyong buhay.
Si Thomas Watson, isang manunulat na Puritan, ay naglista ng pitong paraan upang malaman kung ikaw ay dukha sa espiritu(The Beatitudes [Edinburgh: The Banner of Truth Trust, 1971], pp.45-48): * Ikaw ay mahihiwalay mula sa sarili. Sinabi sa Awit 131:2, "...gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina, gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko." Kapag ikaw ay dukha sa espiritu, itutuon mo ang iyong pansin hindi sa sarili kundi sa pagbibigay luwalhati sa Diyos at paglilingkod sa iba.* Itutuon mo kay Cristo ang iyong pansin. Sinabi sa 2 Corinto 3:18 na ang mga mananampalataya ay, "na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu." Kapag ikaw ay dukha sa espiritu, mabibighani ka sa kamanghaan ni Cristo. Ang maging tulad Niya ay magiging pinakamataas mong hangarin. * Hindi ka kailanman dadaing. Kung ikaw ay dukha sa espiritu, tinatanggap mo ang nakapangyayaring pamamahala ng Diyos sa iyong mga kalagayan, nalalaman na walang anumang karapat-dapat para sa iyo. Subalit mas malaki ang iyong mga pangangailangan, higit namang sagana ang Kanyang pangangalaga.* Makikita mo ang buti ng iba. Ang taong dukha sa espiritu ay aaminin ang sariling kahinaan at pinahahalagahan ang kalakasan ng iba. * Gugugol ka ng panahon sa panalangin. Katangian ng mga pulubi ang mamalimos. Samakatuwid lagi kang nasa presensya ng Diyos na humihingi ng Kanyang kalakasan at pagpapala. * Tatanggapin mo si Cristo sa Kanyang kundisyon. Ang mga taong dukha sa espiritu ay isusuko ang anumang bagay upang malugod si Cristo, samantalang ang palalong makasalanan ay nagnanais lamang na idagdag si Cristo sa makasalanang uri ng pamumuhay. * Magpupuri at magpapasalamat ka sa Diyos. Kapag ikaw ay dukha sa espiritu, mapupuno ka ng papuri at pasasalamat para sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos, na Kanyang labi-labis na ibinibigay sa iyo sa pamamagitan ni Cristo (Efeso 1:6).
Ang mga tuntunin bang ito ay katangian ng iyong buhay? Kung totoo, ikaw ay dukha sa espiritu at ang Kaharian ng Langit ay sa iyo (Mateo 5:3).Kung hindi, kailangan mong hanapin ang kapatawaran ng Diyos at simulang mamuhay bilang Kanyang anak na mababang-loob.
* * *
Mga Suhestiyon para sa Ipanalangin: Hilingin sa Banal na Espiritu na suriin ang iyong puso, na inilalantad ang anumang mga asal o hangarin na di nakalulugod sa Kanya. Hangarin ang Kanyang biyaya sa pagbabago ng mga ito.
Para sa Karagdagang na Pag-aaral: Basahin ang 3 Juan. Sasabihin mo bang may karukhaan ng espiritu si Gayo? Si Diotrefes? Ipaliwanag.
Isinalin ni Pastor Larry John Sy
(Hinalaw mula sa Debosyonal ni Dr. John MacArthur, Jr., Drawing Near)
©2008 The Expositor.Org. All rights reserved. Since September 1999.